Nanghihinayang Ako

Si Lance ang unang lumapit sa akin.

Nananahimik lang ako sa isang tabi nang bigla siyang dumating saka nakipagkilala at nakipagkuwentuhan sa akin. Sa totoo lang, ayoko sa mga kagaya niyang ubod ng daldal/ingay dahil hindi ako sanay sa ganoon. Pero sa huli, naging magkaibigan din kami.

Nagagawa niya akong patawanin. Ito ang isang bagay na hindi magawa ng iba sa akin. At napapansin na rin ng iba na madalas na kaming magkasama at magkatabi.

Minsan nga, nagtanong sa akin ang isang kasamahan kung mayroon nang namamagitan sa aming dalawa. Nabigla ako dahil nagkamali siya ng iniisip.

"Ang sweet n'yo kasi," sabi niya.

"Walang kami," paglilinaw ko.

"Pero puwedeng maging kayo."

"Ha?"

"May gusto siya sa iyo, eh--"

Natahimik ako. Nabigla siya.

"Ay, pasensya na kung sa akin mo pa unang nalaman. Bilin niya kasing huwag kong ipagsabi kahit kanino, lalo na sa iyo."

May gusto pa sana akong itanong pero iniwan niya na ako. Hindi ako makapagsalita. Hindi ko alam kung matatawa ako o matutuwa.

Hindi ko akalaing magkakagusto si Lance sa akin. Kaya pala nang minsang nagtanong siya sa akin kung may syota na ako, ang sabi ko, "wala."

"Sayang," panghihinayang niya. "Boyfriend type ka pa naman."

Tinignan ko siya, ngingiti-ngiti. "Paano mo naman nasabi?" tanong ko.

"Mabait ka kasi, eh. Mahinahon, magalang, mapagkumbaba."

Hindi na ako nagsalita.

Naganap ang pag-uusap naming ito tatlong buwan na ang nakalipas. At noong mga panahon ding iyon, pinipilit na ako ng mga dating kaibigan na maghanap na ng isyo-syota.

"Hindi pa ako handa," lagi kong sinasabi sa kanila, at hindi na iimik pa.

May basehan? Oo, dahil natatakot akong baka maulit na naman ang nangyari sa akin noong nakaraan na hindi ko na babanggitin dito. Pero, naisip ko na baka iba na sa ngayon. Hindi naman sigurong masama kung susubukan ko. At baka hindi naman siya tulad ng iniisip ko.

Sabi ko sa sarili, maghihintay ako ng tatlo pang buwan bago ako manligaw. Iiwasan ko muna ang ibang nagpapakilala sa akin para sa kanya. Ihahanda ko rin muna ang sarili at kailangan ko lang ng panahon para naman maayos ako kapag nagkaharap na kaming dalawa. Ganyan naman dapat, diba?

Totoo. Pinanghawakan ko talaga ang sinabi ng isang kasamahan na may gusto si Lance sa akin. Pero isang araw habang nasa trabaho, nakarinig ako ng isang tsismis tungkol sa kanya mula sa ibang team na kaibigan niya. Di ko naiwasang hindi makinig.

"Kaya pala hindi na pumapasok kasi sumama na pala sa kalive-in!"

"Malamang, yung guwapong kasamahan natin sa team ang sinamahan niya."

"Tanga! May girlfriend na 'yung tao, huwag mo nang gawan ng issue!"

"Ang OA! Alam mo, ang problema din kasi sa kanya is masyado siyang malandi. Sumasama kasi siya sa kung sino-sinong mga lalake, may karelasyon o wala, basta guwapo!"

"Mismo!"

Sabog ang halakhakan nila. Nanuyo ang lalamunan ko sa narinig.

"Pero legit, yung kayakapan niya sa lounge natin ang kalive-in niya. Yung nasa kabilang department, natatandaan mo pa? Kawawa naman yung karelasyon niyang bakla na wala pang alam tungkol kay Lance."

Umalis na ako. Hindi na ako nakinig. Hindi ko alam kung galit ako o kinakabahan, basta nanginginig ako sa narinig ko. Hindi ako makapagsalita.

Nagbukas ako ng messenger para sana tapatin siya sa narinig ko pero mayroon siyang message. Kumusta na raw ba ako? Hindi na raw kami puwedeng magkita. Namimiss niya na raw ako.

Nagbaha ng maraming tanong sa isip ko. Marami pa sana akong gustong itanong sa kanya pero hindi na ako sumagot. Siguro, natatakot ako na marinig ko mismo sa kanya ang totoo kaya huwag na lang. Kung kailan handa na ako para sa kanya, ganito naman ang nangyari. Nanghihinayang ako.

Isinara ko ang messenger ko at hindi na nagreply sa kanya.

Comments