May Multo

Isang gabi, habang nagsusulat ako sa sala, may nagpakitang multo. Akala ko, dumating na si kuya mula sa date niya pero wala pa siya. Hindi pa pala siya dumarating. Sa halip, kakaibang nilalang ang dumating.

Nakakatakot ang hitsura ng multo. Imahe siya ng matangkad na lalake, nangingitim ang buo niyang katawan na parang nangitim mula sa pagkakasunog pero ang mga mata, nanlilisik at namumula. Bigla na lang siyang lumitaw (o nakapasok) sa pinto nang hindi man lang ito binubuksan. Parang tumagos lang at nakapasok.

Titig na titig siya sa mga mata ko. Halos hindi ko malaman kung ano ang gagawin nang unti-unti siya ngumiti at humalakhak na parang demonyo mula sa ilalim ng lupa. Nage-echo pa ang halakhak niya sa buong bahay.

Lumapit siya sa akin. Napapikit ako sa takot. Sa kaliwang tainga ko, may binulong siya: "Kukunin na kita!" saka siya humalakhak.

Nagdasal ako. Nawala siya.

Agad akong nagtungo sa kuwarto, sa higaan, para matulog. Sabi ko, baka matinding puyat lang ito gawa ng kakaunti lang ang tulog ko nitong mga nakaraang araw hanggang ngayon kaya nakakakita na ako ng kung ano-ano. Kailangan ko rin ng pahinga. At yung multo na iyon--totoo man siya o hindi--bahala siya. Hindi ko na siya aalalahanin pa. Mawawala rin siya...iyon ang akala ko.

"Kukunin na kita!" muli kong narinig mula sa kung saan. Nakapangingilabot na ang boses niya sa ngayon.

Pagtingin ko sa pinto, naroon siya, nakatayo.

Agad akong nagtago sa kumot ko dahil papalapit siya sa akin habang humahalakhak. Takot na takot ako at hindi ako makasigaw. Inaabangan ko ang gagawin niya pero nawala na lang siyang bigla. Hindi ko alam kung saan na siya nagpunta at sana, huwag na siyang bumalik o magpakita pa dahil punyeta siya.

Maalinsangan nga pala ang gabi. Pero nang mga sandaling iyon, nakaramdam naman ako ng kakaibang lamig (o ginaw) habang nakahiga ako sa kama ko. At doon--doon ko lang napagtantong nakayakap na pala sa akin ang malamig na bisig ng multo.

Comments