Kumusta Ka

Nightshift.

Paakyat ako sa training center para sana manalamin. Alam mo naman ang washroom ng training center, diba? May salamin. At puwedeng manalamin doon, wala namang sinabing bawal.

Kaya, umakyat ako para manalamin.

Sa hagdan pa lang, agad kong nakita ang isang personnel na tumayo sa tapat ng isang lamesa at naglakad papunta sa entrance nila...kung saan doon siya tumayo at tumanaw sa tila walang hanggang production area.

Agad akong kinabahan nang malala pagkakita sa kanya. Kilala ko siya. Kilalang-kilala.

Si Nelson.

Makalipas ang mahabang panahon--siguro mga tatlong buwan--sa wakas, nakita ko rin siya. Matagal ko siyang hindi nakita.

Agad niya na akong napansin mula sa dilim, doon sa pinakahuling baitang ng hagdan. Gusto ko pa sanang umatras para umiwas sa kanya pero pinanindigan ko na ang sarili dahil nakatingin na siya sa akin. Nakita niya na akong dumating. Hindi ko na nagawa pang umatras.

Walang ano-ano, "Hi!" sabi ko sa kanya. Hindi siya agad sumagot. Hindi ko tuloy alam kung nakikilala niya ba ako o nagpapanggap na hindi niya ako napansin.

Naglakas-loob na akong lumapit sa kanya kahit pa kinakabahan.

"Hi!" ulit ko. Sabi ko sa sarili, bahala na kung hindi niya ako kausapin. Basta't gusto kong ipakita sa kanya na kahit nalulunod na ako sa kahihiyan e lakas-loob pa rin akong haharap sa kanya para magpakumbaba.

"Uy!" sagot niya. Hindi niya ako pinagtabuyan. Hindi niya ako tinalikuran.

Wala akong masabi kundi, "Kumusta?"

"Ayos lang."

"Hindi ko alam na nandito ka pala. Hindi kita nakilala."

"Minions ka na, congrats!"

"Salamat," natawa ako. "Ikaw rin!"

Katahimikan. Nakaramdam ako ng awkwardness.

"Nelson, about what happened..."

"Ano ka ba, kinalimutan ko na 'yun. Ang OA mo talaga!" sabay sampal niya sa balikat ko.

Napangisi ako. Hindi pa rin siya nagbago in a positive way. Napakabuti pa rin niya matapos ko siyang saktan nang sobra. At iyon ang isa sa mga bagay na kinaiinggitan ko sa kanya, na sana meron din ako.

Simpleng pangungumusta lang naman dapat iyon. Pero, higit pa sana roon ang inaasahan ko, sa pag-uusap namin. Gusto ko sanang pag-usapan, kahit bahagya lang sana, ang tungkol sa aming dalawa.

"Baka naistorbo na kita, sige na," bigla kong nasabi pagkatapos ng pananahimik.

Pero hindi. Hindi iyon ang gusto kong mangyari. Gusto ko pa siyang makasama...makausap sana nang mas matagal pa, kahit ilang sandali pa sana.

"Sige na," sagot niya saka siya tumalikod, ni hindi man lang niya magawang lumingon.

Naiwan ako. Nakatayo. Umalis na lang ako nang mapagtanto kong wala na ang kausap ko.

Comments