Sibat

Nanaginip ako.

Sa panaginip ko, nakalutang daw ako sa isang lawa ng dugo. Malansa ang amoy ng dugo, malagkit, at makapal. Buhay pa naman ako pero ramdam kong hindi na ako humihinga.

Nakatingin lang ako sa langit. Wala akong makitang ulap at mataas ang araw. Mainit at walang hangin, tapos nakakabingi ang katahimikan.

Maya-maya, nakakita ako ng isang lumipad na sibat. Papunta sa akin ang talim nito. Hindi ako makakilos para sana makaiwas. At nang dadapo na sa dibdib ko ang talim, doon ako biglang nagising.

Ginaw na ginaw ako, nangangatog, at nakaramdam ng matinding uhaw.

Pagtingin ko sa orasan, ilang sandali na lang pala, hatinggabi na.

***

Naulit ang panaginip kong iyon. Ang ipinagkaiba sa nauna, may kasama ako ngayon. Hindi ko malaman kung sino ang taong iyon. Ang alam ko lang, hawak niya ang kamay ko--mahigpit at masakit.

Nakapantay na ang lebel ng dugo sa nguso ko. May iba na unti-unti ko nang nasisinghot hanggang sa parang nararamdaman kong nalulunod na ako.

Maya-maya pa tulad ng inaasahan, dumating na ang sibat. Mas mabilis na ang paglipad at pagbaba nito sa akin. Napapikit pa ako sa pagkasilaw nang sumagi sa talim ng sibat ang sinag ng araw.

Bago pa bumaba sa dibdib ko ang dulo ng talim, hinila na ako ng taong iyon, pailalim sa lawa ng dugo. Napapikit ako. Hindi ako makapumiglas.

Naging isang malinaw na tubig tabang ang lawa ng dugo nang lumubog ako. Nakita ko sa ilalim ng tubig ang mga taong kinagagalitan ko na wala nang buhay. Tapos, nakita ko rin ang humila sa akin saka ako natakot nang makilala kung sino ito.

Nakatingin siya sa akin. Nakangiti. Nasa kamay niya ang sibat na hinugot niya sa dibdib ko.

Doon na ako nagising, nakaramdam ng uhaw at nangangatog ako sa ginaw. At pagtingin ko sa orasan, pasado alas tres na ng madaling araw.

***

Bumaba ako para uminom ng tubig. Pagdating ko sa ibaba, napatingin ako sa bintana. Nabigla ako sa nakita ko.

May tao. Nakatayo siya, naaaninag ko lang siya sa manipis na kurtinang naghaharang sa kanya.

"Sino po sila?" tanong ko, walang sumagot.

Paghawi ko ng kurtina, wala akong nakitang ibang tao sa labas. Sa halip, sarili kong repleksyon ang nakita ko sa salamin ng bintana.

Natakot ako noong una kong makita (o maaninag) ang sariling repleksyon sa salamin ng bintana. Akala ko talaga, may ibang tao na nakatingin sa loob ng bahay.

Oo, sarili ko ang nakita ko sa salamin. Pero nagtataka ako kung bakit may hawak siyang sibat.

Comments