Sa Bulaklak ng Santan
Pauwi na ako noong nakaraang gabi nang mapansin ko ang palumpong ng santan sa bahagi ng Terramo. Doon ako may biglang naalala. Nakaramdam ako ng takot, kahit hindi naman dapat.


Bago iyon, nagkaroon ako ng kaibigan noon sa 1303rd Dental Headquarters sa Camp Aquino. Siya si Titoy at kasama niya ang kuya niyang si Nunok. Sa kanila ko unang natuklasang matamis pala ang nectar ng santan, at naging ugali na naming dalawa ni Titoy noon ang tumikim nito sa landscape ng 1303rd habang nagkukuwentuhan.
Sabi ko noon, gusto ko ring magkaroon ng ganitong halaman sa harap ng bahay, para araw-araw akong titikim ng nectar nito. Iyon nga lang, hindi ako marunong magtanim. Napagtanto ko rin noon na mawawalan ng ganda ang isang halaman kung pipitas lang ako para lang sa nectar.
***
May kalaro ako noon na marunong gumawa ng necklace gamit ang mga bulaklak ng santan.
Wala lang. Nabanggit ko lang. Pinanggawa niya kasi ako noon at ang ganda.
Gumawa rin siya ng parang korona (ring type) tapos inilagay niya sa ulo ko. Sabi niya, para na raw akong prinsipe.
Noong araw na iyon, ang sabi ko, "Ako si Prince John!"
***
Sabi ng dati kong kaklase noong high school, hindi raw siya tumitikim ng nectar ng anumang bulaklak dahil--ayon daw sa mommy niya--ihi raw iyon ng "butterfly" lalo na nga raw sa bulaklak ng santan.
Grabi! Arti!
***
Heto ang isang Filipino tongue twister:
Tansan sa Santan. Santan sa tansan.
***
Maganda ang landscape ng 1303rd noon. Ang natatandaan ko, may mga halaman silang nakatanim doon gaya ng daisy, kalachuchi, dalawang puno ng Indian tree, hilera ng mga rosas, camia sa gilid ng entrance, at syempre, palumpong ng santan sa likod ng 1303rd marking wall. Nasa harap nito ang magandang damuhan na may magandang sprinkler sa gitna.
Pasaway akong bata noon kaya lagi akong napapagalitan dahil lagi akong nababasa tuwing naglalaro sa damuhan. Tuwing hapon, tuwang-tuwa ako sa tubig ng sprinkler na sumasaboy sa ere habang mapapansin ang repleksyon ng rainbow sa ilalim nito na magandang pinagmamasdan.
Noong araw na iyon, kalaro ko noon si Jofer, anak ng opisyal sa opisina nina daddy. Naglaro kami ng taguan kasama si Vanessa na anak din ng sundalo (na kasamahan din ni daddy) sa landscape ng 1303rd. Hindi ko alam kung saan nagtago ang iba pero pinili ko sa likod ng marking wall.
Maya-maya, humiyaw ako nang magtago ako sa tabi ng palumpong ng mga santan. Natumba ako sa lupa, habang hawak ang kanang mata. Parang nasusunog ang kanan kong mata sa sakit dahil sa kagat ng kung anuman.
Ayon kay daddy, putakti. Nakita niya ang bahay ng mga ito sa santan na nasagi ko kaya nasira.
"Suka," sabi ng mommy ni Jofer na isang doktora. "Buhusan mo ng suka."
Dinala nila ako sa kusina. Habang pumapalag, binuhusan nila ng suka ang kinagat ng putakti sa kanan kong mata. Patuloy ang hiyaw ko sa sakit, lalo na sa patak ng suka sa mata ko.
***
Anthophobia. Iyan daw ang tawag sa mga taong may takot sa anumang bulaklak. Hindi ko talaga akalaing may ganitong uri ng katawagan sa ganoong uri ng takot.
Anthophobia. Taong may takot sa bulaklak. Aminadong natakot ako noong una sa iisang bulaklak pero hindi ko maikukunsiderang may takot talaga ako sa anumang bulaklak.
Maganda ang bulaklak ng santan para katakutan (parang stars!).
***
Sabi ko, masaya na akong makasama siya kahit kakain lang kami sa labas. Ganoon lang ako kasimple. Hindi ako demanding. Basta makasama ko lang siya at magkaroon ng oras na kasama siya, ayos na sa akin iyon. Sapat na.
Nagkita kami noong gabing iyon sa San Miguel at kumain sa Jollibee Luisita. Habang nag-uusap, noon niya lang napansin ang kung anuman meron ang mata ko.
Ikinuwento ko sa kanya ang dahilan kung paano ako nagkaroon ng ganoon, "Peklat 'yan, kinagat ng putakti."
Kaya noong pauwi na ako noong nakaraang gabi at mapansin ko ang palumpong ng santan sa bahagi ng Terramo, doon ako may biglang naalala. Nakaramdam ako ng takot, kahit hindi naman dapat.
Comments
Post a Comment