Absent

Lunes.

Pagkatapos ng ilang araw na trabaho, nagawa ko ring makapagpahinga nang mahabang oras. Mahimbing ang tulog ko at walang anumang istorbo. Nakatulog ako ng alas siyete ng gabi at nagising ng alas seis ng umaga. Sakto lang ang gising ko dahil alas otso naman ang pasok ko. May kaunting bigat pa ang pakiramdam ko pagbangon ko. Agad na akong nag-almusal saka kumuha ng gamit para maligo.

Itinapat ko ang timba sa gripo. Hinayaan kong dumaloy ang tubig. Maya-maya, ramdam kong parang umikot ang paningin ko saka bumagal ang lahat. Bahagya pa akong nahilo at napasandal sa pader para hindi matumba.

Pinagmasdan at pinakinggan ko ang ingay ng tubig. Bumagal ang paghinga ko, at doon na ako natulala at natahimik. Nakaramdam ako ng kapanatagan at katahimikan. Hindi ako gumalaw. Nawala na ako sa sarili ko. Lumipad ang diwa ko sa kalawakan ng kawalan hanggang magdilim. Hindi ko na nahanap pa ang sarili.

Maya-maya, may tumatawag. Para akong nagising at muling nagkaroon ng malay. Pagtingin ko sa phone, nakita kong tumatawag ang isang katrabaho. Natataranta siya ayon sa boses niya, na napalitan ng paghinga nang maluwag nang marinig niya ang boses ko.

"Ano bang nangyayari sa iyo?!" tanong niya.

"Wala naman. Ayos lang ako...sa tingin ko," sagot ko.

"Ba't hindi ka pumapasok?"

"Ha?!" nagtaka ako.

"Sabi ko, bakit hindi ka pumapasok. Ano ba'ng nangyari sa 'yo?!"

"Lunes ngayon. Papasok ako, ano ka ba. Heto nga, oh, maliligo pa nga lang ako pero tumawag ka pa."

"Hala ka," nabigla siya.

Nagtaka ako.

"Sabado na ngayon. Dayoff natin ngayong sabado, uy!"

Nalito ako. "Anong nangyayari?" tanong ko.

"Ewan ko sa iyo...alam mo bang hindi ka pumasok ng limang araw sa linggong ito?"

Para akong binuhusan ng malamig na tubig pagkarinig nito. Totoo ba?!

"Alam mo ba, araw-araw ka naming tinatawagan dito sa trabaho pero hindi ka sumasagot. Ilang beses ka na rin naming pinuntahan sa flat mo pero mukhang walang tao. At sa isang buong linggo, ni hindi ka man lang nag-online. Ano ba'ng nangyayari sa iyo? Paano na mga reports mo?"

Nanlumo ako sa mga narinig ko. Hindi ko na pinakinggan ang iba pang sinasabi sa akin ng katrabaho ko. Ang alam ko talaga, lunes pa lang sa araw na ito. Pero nanlaki ang mga mata ko nang makita ko sa kalendaryo na oo nga, sabado na nga! Ibig sabihin, limang araw akong naroon sa loob ng CR at nagtataka ako kung paano iyon nangyari. Doon ko na rin naramdaman ang pagkalam ng sikmura sa sobrang gutom dahil sa hindi ko pagkain sa loob ng limang araw.

"Hello? Huy! Nandyan ka pa ba? Hello—" ibinaba ko ang tawag dahil napatingin ako sa pinto ng CR.

Umaapaw pa rin ang tubig sa timba. Pinakinggan ko uli ang pagbagsak ng tubig sa flooring na nage-echo pa sa loob ng CR. Doon ako muling natahimik, natulala, at hindi na gumalaw.

Comments