Siphayo

"Narinig ko ang nangyari, ayos ka lang ba?" tanong niya.

"Ayos lang, maliit lang naman 'to," sagot ko.

Nagulat ako nang tumabi siya sa akin. Nasa canteen kami, doon sa sulok kaya nakakapag-usap kami nang maayos. Nagbukas siya ng apple juice, uminom ng ilang lagok, saka lumingon sa akin. "Hindi ako sanay na ganyan ang hitsura mo. Ang daldal mo tapos heto ka, bigla kang tahimik."

Tumingin lang ako sa kanya. Hindi ako umimik.

Palagay ko, nalaman niya agad kung ano ang pinagdaraanan ko, "Kitang-kita naman sa hitsura mo," saka siya napangisi, iyon bang makahulugan. Umiwas ako ng tingin.

"Mahirap bang intindihin ang paraan ko ng pagsasalita para hindi ako maintindihan?"

"Tingin ko, nasa dalawa lang 'yan: Una, hindi ka maintindihan; O pangalawa, ayaw kang intindihin dahil iniisip lang nila ang para sa sarili lang nila."

"Kung ganoon, mukhang nagwawaldas lang ako ng laway rito."

"Eh, kung lawayan kita?"

"Ano?!" nagulat ako sa sinabi niya.

"Wala. Ang sabi ko, may awayan na naman ba?"

"Wala. Ang totoo, parang pati sarili ko, hindi ko na rin mapagkatiwalaan dahil hindi ko na rin maintindihan."

"Kung hindi mo maintindihan ang sitwasyon mo, kung hindi mo maintindihan ang sarili mo, huwag ka na ring aasa na maiintindihan ka pa ng iba."

"Lalo na," dugtong ko, "kung makitid at sarado ang isip nila."

Sabay kaming napabuntong-hininga.

Comments