Sa Table 4
Hapon. Malakas ang ulan. Madilim ang paligid.
Tahimik lang akong nakaupo sa tabi ng mirror wall nang bigla niya akong tapikin. Bigla akong natauhan.
"Nakikinig ka ba? Ano bang tinitignan mo dyan sa ibaba?" tanong niya. Iritang-irita.
May nakadikit na poster sa salamin ng restaurant kaya hindi ko makita kung sino ang nasa kabilang salamin, sa labas. Ang nakikita ko lang mula sa kinauupuan ko ay ang dalawang paa na walang suot. Kung hindi man punit o nangitim, e nawawala ang mga kuko nito na parang sinadyang baklasin. Yung mga daliri niya e halos pudpod na o parang pinutol tapos yung kulay ng balat e namumuti.
Hindi ko namalayang matagal na pala akong nakatingin sa mga paa na iyon. Sa palagay ko, mali na ang nakikita ko dahil mukhang hindi naman ito nakikita ng iba. At sa sarili ko, naroon ang matinding emosyong kanina ko pa pinipigilang itago sa kasama ko.
Hindi ako namamalik-mata: nakalutang sa ere ang dalawang paa na bigla ring nawala!
"Yung chips at pasta, ubusin na natin para makauwi ka na."
Maya-maya, yumuko na ako dahil nakaramdam na ako ng kaba. Alam kong unti-unti na siyang lumalapit sa likod ko, dito sa table namin, papalapit sa amin ng kasama ko. Nakalutang siya sa ere. Pigil ang hininga ko sa tindi ng takot at halos hindi na ako makakilos.
Pangatlong beses ko na siyang napapansin sa restaurant na ito tuwing mauupo ako rito sa table 4. At kung anuman ang bagay na iyon, tangina niya, lubayan niya na sana ako.
"O, ba't parang hindi ka makakilos dyan?" sabi ng kasama ko. "Halika na, tumayo ka na at aalis na tayo."
Ang hindi niya alam, humarang na sa daraanan ko ang nakalutang na paa na hindi niya nakikita.
Comments
Post a Comment