Palagi
Kung hindi ako nagkakamali, mabigat na ang pakiramdam ko noong araw na iyon. Hindi ko na sinabi sa kanya na may lagnat ako pero nasa loob ng katawan ko. Ang balak ko sana noong araw na iyon e magpahinga na lang dahil unti-unti nang nagiging ubo ang sipon ko. Napansin ko iyon dahil nangangati na ang lalamunan ko.
Ang usapan, magkikita kami ng mga ala seis ng gabi. At dahil hindi ako nakalabas agad dahil sa audit, nakarating ako ng Tarlac sa oras ng alas siyete ng gabi. Hindi pa gaano maganda ang panahon dahil malakas ang hangin at umaambon...na maya-maya'y naging ulan. Doon ko napagtanto ang kahalagahan ng gamit ng payong.
Pagtingala ko sa lilim, nakita ko ang dami ng patak ng ulan na naiilawan sa itaas ng isang building sa likod ng bus terminal, sa Siesta Tarlac. At dahil wala akong dalang payong, sinabihan ko na siya na manatili na lang sa bahay nila at huwag nang lumabas. Di baleng ako na lang ang mabasa kaysa siya para hindi na siya magkasakit pa.
Nagtanggal ako ng polo para gawing panangga sa ulan. Sa ikalawang pagkakataon, pinanood ko ang buhos ng ulan. Doon ako namangha at nakaramdam ng kaunting lungkot sa hindi malamang dahilan, na sinabayan pa ng malamig na hihip ng hangin.
Hindi ba dapat masaya ako dahil magkikita kaming dalawa? sabi ko sa sarili (kasi nga, hindi ako okay at pagod ako).
O siguro, hindi nga ako talaga masaya dahil madaratnan ko siyang may tampo sa akin. Ang dahilan? Wala lang akong isang update pagkatapos kumain dahil agad kaming bumalik sa trabaho. Makakapag-update ka pa ba sa kanya kung sa unang subo pa lang ng pagkain mo e pinababalik ka na agad sa trabaho dahil may deadline na hinahabol? Kaya minsan, maiisip ko kung naiintindihan niya ako o hindi, pero hinayaan ko na. Pinamihasa niya rin ako sa ganoong gawain.
At habang iniisip ang mga bagay na ito, doon ko na siya napansin: nakatayo sa harap ko, may hawak na payong, at tahimik na pinasukob sa kanya. Gaya ng inaasahan, may tampo nga siya sa akin. Nakakapit siya sa braso ko at sabay kaming naglakad papunta sa isa pang mas malaking silong. Parang damdamin niya ang kasalukuyang lagay ng panahon: malakas ang buhos ng ulan, kumikidlat, at bumabaha. Sing-lamig ng hangin ang pakikitungo niya sa akin na akala mo, hindi niya ako jowa.
Hinayaan ko siyang magyawyaw pero ipinaliwanag ko pa rin ang part ko. At sa halip na tumuloy pa sa bahay nila e pareho naming napagkasunduang mag-mix and match ng pasta at burger steak. At habang nagsasalo, sinamantala namin ang mga oras sa masayang kuwentuhan at kumustahan habang maya't mayang naghahawak-kamay.
Iyon lang. Tapos na ang kuwento ko. Wala na akong maikukuwento sa iyo.
Pero ang totoo, mainit ang ulo ko sa kanya. Galit ako sa kanya. Gusto ko siyang pagalitan, awayin, sigawan...pero nawala na ang lahat ng iyon nang magkaharap na kaming dalawa. Gumaan na ang pakiramdam ko at nawala na rin ang galit ko sa kanya. At sa mga sandaling iyon, napagtanto ko na masaya na ako kasi nagkita uli kami at magkasama.
Sana, maaari ding huwag nang lumipas ang oras na iyon para lang makasama siyang palagi.
Comments
Post a Comment