Tingin
May nakatingin sa akin habang umiihi ako sa urinal. Siguro, mali ko nang magpantay ang paningin naming dalawa pagpasok ko sa men's room. Nadatnan ko siyang naroon sa isang urinal, napatingin, hanggang sa sinundan niya ako ng tingin.
Kaya lang, hindi siya bumaling ng tingin.
"Hi!" bati ko na lang.
Ngumiti lang siya at napangisi habang nakatingin sa akin.
Nagpagpag ako at naghugas ng kamay. Habang inaayos ang buhok ko sa harap ng salamin, napansin kong humarap siya sa akin, nakita ko pa ang kanya na unti-unti niyang ibinalik sa loob ng puti niyang brief bago itago sa loob ng kanyang pantalon.
Sa pagkabigla, napabulong ako ng wirdo!
Sinundan niya pa rin ako ng tingin palabas ng men's room.
***
Pinagpawisan ako sa kung anuman ang naganap sa men's room kaya dinampot ko ang panyo sa bulsa at pinunasan ang butil ng pawis sa noo, at sa magkabilang pisngi.
"Uy, hi!" bati ko sa isang kasamahan pero hindi siya umimik. Nagpatuloy na lang ako sa paglakad. Bago ako lumiko sa isang hallway, binalikan ko ng tingin ang kasamahan ko.
Nakita ko siya sa kung saan kami nagkasalubong: nakatayo lang siya roon at nakatingin sa akin.
Wirdo! bulong ko sa sarili.
***
Pagpasok ko sa opisina, napansin kong isa-isa na silang nanahimik habang papalapit ako sa workplace ko. Bawat staff na malampasan ko e nananahimik, humihinto sa pakikipagdaldalan at tawanan, lahat nakatingin sa akin.
Binati ko na lang sila.
Wala ni isa ang umimik, basta, nakatingin lang silang lahat sa akin. Doon na ako nakaramdam ng tensyon at pagka-ilang dahil sa pagtitig nila sa akin, maging ang ibang staff mula sa ibang department na hindi ko naman kilala.
Yung katabi ko na kaibigan ko, kinausap ko na. "Bakit ganoon sila makatingin sa akin? May mali ba sa akin?"
"Wala," sagot niya na wala man lang emosyon habang nakatingin sa akin. "Wala naman."
Hindi ko na lang masabi, na para akong isinalang sa hot seat dahil kinakabahan ako at sumisikip ang paghinga dahil alam ko sa sarili ko na hindi ako sanay na tignan nang ganoon ng isang tao.
Pero matindi ito: hindi lang isa o dalawa ang nakatingin sa akin kundi higit pa roon!
Maya-maya, nakatanggap ako ng tawag, "May concern sila rito sa production. Pasuyo naman kami."
"Papunta na ako," sagot ko sa kausap.
Agad kong kinuha ang clipboard ko at nagmadaling umalis. Hindi ko man tignan isa-isa ang mga tao sa opisina pero ramdam kong hinatid ako ng mga mata nila palabas sa opisina.
At paglabas, doon ako nakahinga nang maluwag.
Kitang-kita ko mula sa salaming pinto na nakatingin pa rin sila sa akin. Hindi gumagalaw. Walang emosyon.
Kung tama ang pagkakakita ko, kung hindi nangingitim ang ilalim ng mga mata nila e namumula ang mga iyon at ni hindi man lang kumurap kahit isang segundo.
Wala naman siguro akong dapat ikatakot pero nangingilabot ako.
***
Siguro, iyon ang magandang gawin: huwag makipagtitigan nang mata sa mata.
Pero, may sinusundan ang lahat ng tao sa pakikipag-usap: kailangan, mata sa mata para nagkakaunawaan. Irereklamo ang sinumang hindi tumupad sa ganitong gawi kaya kailangang sundin. Gago pa naman yung isang uulol-ulol sa HRA pero substandard din naman.
"Unbalanced ang workload ng isang operator dito—hoy! Tumingin ka sa akin!" sinigawan na ako ng isang production supervisor. "Irereklamo kita sa SV mo kung hindi ka titingin sa akin! Isisisi ko ang downtime sa inyo kapag wala kaming output!"
At—doon nagpantay ang paningin naming dalawa. Hindi kumukurap ang mga mata niya na unti-unting namumula nang dahil sa hihip ng hangin. Walang nagbabago kahit balingan ko pa ng tingin.
Agad na akong umalis. Hatak ko ang tingin ng mga tao habang papunta sa linya.
Maya-maya, may tumatawag na naman, "Pumunta ka nga sandali rito sa opisina. Bilisan mo!" halos padabog ang boses saka binaba ang tawag. Agad akong nagpaalam sa production supervisor at umalis...nang biglang umugong ang ingay ng lahat nang mawalan ng kuryente.
Ilang sandali lang, nagliwanag ang buong paligid gawa ng mga ilaw na sinindi ng generator. Sa halip na bumalik ang lahat sa normal na operasyon, napatigil ako sa kung ano ang bumungad pagliwanag ng buong area sa mahabang center way.
Nakita ko ang lahat ng tao, nakatayo sa gilid ng mahabang center way, nakatingin sa akin. Bahagya pa akong napaatras dahil sa gulat pero agad na akong naglakad.
***
Hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong maramdaman sa mga sandaling iyon: Matatakot ba ako dahil hindi sila gumagalaw? Matatakot ba ako dahil mukha silang mga humingingang bangkay na nakasunod ang tingin sa akin? Dagdag pa ang nakakabinging katahimikan at parang paghinto ng oras, gaya ng pag-pause sa isang video.
Higit isang kilometro ang layo ng linyang pinuntahan ko hanggang sa opisina kaya kinailangan kong magmadali—una, dahil hinihintay na ako ng tumawag sa akin at pangalawa, gusto kong makawala sa paningin ng mga tao. Ayoko na lang ding isipin na may humahabol sa mga hakbang ko kaya ayokong lumingon sa likod.
At nang dahil sa pagmamadali, nalaglag ko ang naka-pin na ballpen sa polo ko. Gumulong ito hanggang sa paanan ng isang babae na iniiwasan ko sa lahat dahil ayokong nakikita ang mga mata niya. Pigil ang paghinga ko nang unti-unti siyang lumuhod at inabot ang ballpen ko, hindi niya pinapatid ang tingin sa mga mata ko.
Umatras ako paglapit niya sa akin. Sabi ko, hindi ko na kailangan iyon pero wala siyang sinabing salita kahit isa. Siguro, dahil na rin sa takot ko sa kanya, nataranta na ako. Iniwan ko na siya at tumakbo papalayo sa kanya.
Paglingon ko sa likuran ko, naroon siya. Hinahabol niya ako. Gumulo ang mahaba niyang buhok na parang isang bruhang mangkukulam habang hawak niya pa rin ang ballpen ko. Hawak niya iyon na parang may hawak siyang kutsilyo na gagamitin niyang panaksak.
Nakadilat ang mga mata niya. Namumula. May eye bag siya na parang isang linggong walang maayos na tulog at yung mata niya e parang luluha ng dugo anumang oras—
***
"Huy!" hinampas ako ng kasama ko sa opisina. "Nananaginip ka!"
Nagising ako, hinahabol ang hininga. Kaming dalawa na lang ang nasa opisina. Hindi ko namalayang umuwi na ang iba.
"Mag-ayos ka na, uuwi na tayo."
Nagpaalam ako para maghugas.
Pagpasok ko sa men's room, napansin kong may nakatingin sa akin habang umiihi ako sa urinal. Siguro, mali ko nang magpantay ang paningin naming dalawa pagpasok ko sa men's room. Nadatnan ko siyang naroon sa isang urinal, napatingin, hanggang sa sinundan niya ako ng tingin.
Kaya lang, paglabas ko ng men's room, nakita kong nakatayo sa labas ang kasamahan ko sa opisina. Tahimik lang siya, nakatingin sa akin. May inaabot siya sa akin saka nagsalita, halos pabulong: "Ballpen mo, nalaglag mo raw kanina."
Comments
Post a Comment