Hapin’s Net Café

Internet surfing, printing, scanning, at online gaming—ito ang serbisyo ng dakilang internet shop ni Kuya Hapin: ito ang Hapin's Net Café.

Nagpapaprint ako ng sarili kong thesis noon nang matuklasan ko ang tagong shop na 'to sa second floor ng isang commercial building, sa tapat lang ng TSU Gymnasium. Punuan kasi noon ang mga printing services ng ibang shop. Dismayado naman ako nang sabihin niyang huminto na siya sa pagp-print dahil mas malakas ang kita niya sa mga naglalaro.

Sa halip na umalis, nagpahinga muna ako noon at nag-internet sa nakamamanghang bilis ng kanilang connection na wala sa iba. Mula sa streaming, uploading at downloading…nakakabilib ang bilis! Mula noon, doon na ako tumatambay at nagi-internet.

Malaki ang internet shop ni Kuya Hapin. Majority sa mga gumagamit nito ay ang mga computer related at engineering program student sa university namin. Wala silang ibang ginagawa doon kundi ang maglaro ng dota mula sa pagbubukas nito ng alas nueve ng umaga hanggang alas nueve ng gabi.

Sa shop na ito tuwing 'peak hour' ng mga naglalaro lalo na 'pag tanghali, ako lang ang hindi naglalaro ng dota sa buong shop na hindi nababakante. Naroon lang ako—nagsusulat, nagbabasa sa mga blog, nakikinig sa livestream radio, nanonood sa youtube at natutulog—habang magulo at maingay ang buong shop. Nasanay rin ako kinalaunan sa magulo at maingay na internet shop gawa ng mga naglalaro ng dota.

Aaminin ko: hinahanap-hanap ng sistema ko ang magulo at maingay na net shop ni Kuya Hapin. Hindi ako makapagsulat o makapagbasa ng lecture noon tuwing wala akong naririnig na ingay. At malamang, sa ganitong paraan nag-umpisa ang utak ko na maging sabog…na nag-reflect naman sa mga naisulat kong hindi ko rin maintindihan kahit pa ako ang sumulat.

Wala rin naman kasi akong mga kaibigan noong college. May mga kaibigan din naman ako na madalang ko lang makasama pero nasa ibang campus sila at mabibilang lang din sa daliri. Ito rin ang takbuhan ko noon tuwing nalulungkot, may problema, o basta't gusto ko lang na mapag-isa hanggang sumapit ang pagsara nito kinagabihan.

Iniwan ko rin ang shop ni Kuya Hapin after grad. Binalikan ko ito makalipas ang tatlong taon at napansing iba na ang nagpapatakbo ng shop. Ganoon pa rin ang set-up o layout ng shop pero iba na ang pangalan na hindi ko kilala. Nawala na si Kuya Hapin gayundin ang magandang serbisyo na naibibigay nito noon, kaya mangilan-ngilan na lang ang gumagamit.

Oo, nakakamiss, pero hindi na ito kagaya ng dati.


Camp Aquino, San Miguel, Tarlac
August 18, 2019

Comments