Itsa-puwera

Nagluluksa sila sa simula ng taon. At para sana hindi ako bagabagin ng saliri kong kunsensya, nagbigay na ako ng statement alang-alang sa hustisya. At ang statement kong iyon ay parang ayaw pa nilang marinig. Yung tipong "gusto lang nilang marinig ang isang bagay na gusto lang nilang marinig, yung para lang sa ikalulugod nila" kahit hindi totoo.

"Kuwento mo 'yan kasi writer ka, diba? Magaling kang gumawa ng kuwentong hindi naman totoo. Nagsusulat ka sa isang blog na ginawa mo lang kaya sinong maniniwala sa statement mong 'yan?"

Hindi na ako nangatwiran pagkarinig nito sa kanya. Alam mo, ang hangad ko lang naman e ang magsabi ng totoo. Saka, ibang usapan ang tunay na buhay sa pagiging kuwentista kong hindi naman kinabibiliban ng kahit sino. At higit sa lahat, hindi ako 'writer' gaya ng iniisip niya.

Naitsa-puwera ako nang di oras. Ang hindi nila alam, naroon ako nang mangyari ang krimen. At sigurado ako: ako lang ang may alam sa kung anuman ang naganap.

Ilang sandali bago sumapit ang taong 2025, lumabas ang kapitbahay naming panot at dire-diretso sa kapitbahay nilang nakatambay lang sa garahe ng sarili nitong bahay. Binaril niya ito nang malapitan sa ulo at umalis na parang walang nangyari. Naroon lang ako sa kuwarto, nakadungaw sa bintana para manood ng fireworks display, kaya kitang-kita ko ang buong nangyari.

Pagkatapos, ayon daw sa imbestigasyon, gawa lang daw ito ng ligaw na bala mula sa ibang lugar at agad naisara ang kaso, habang naiwan ang mga naulila sa ere na hindi man lang nakamit ang hustisya.

Comments