Sa Saklaan

Marami na siyang naipanalo sa sakla.

Ang sabi, nakakapag-uwi siya ng panalo na may halagang sampung libo, at mahina na raw ang panalo niyang limang libo. Magdamagan na raw yun. Kape lang daw ang gumigising sa kanya tuwing gabi.

Iyon lang naman ang gusto niya tuwing may nakaburol na patay. Pinupuntahan niya ang iba't ibang lugar sa barangay nila, maging sa kabilang baryo, para lang makapaglaro sa saklaan. At gaya ng lagi, palagi siyang nananalo.

Wala, eh. Matindi ang pangangailangan niya sa pera.

***

Noong nanalo siya ng higit labing limang libong piso, isang matandang lalake ang kasalukuyang nakaburol. Namatay ito dahil sa katandaan.

Yung naipanalo naman niyang tatlong libo (hindi naman daw kasi malakas tumaya ang mga kalaro pero panalo pa rin), e namatay naman daw dahil sa disgrasya sa kalsada.

Pero...

"May foul play daw, eh," ayon sa bulong-bulungan ng mga nakiramay. Sa ngayon, binatilyo naman ang pinaglalamayan mula sa kabilang barangay.

"Naaawa ako sa nanay ng bata, bukas na ang libing ng anak niya pero next year pa raw ang uwi niya mula sa Dubai. Tangina, magpapasko pa man din, ang sakit!"

Libing? Bukas? bulong niya sa sarili. Doon na siya nangamba dahil ilang gabi pa lang ang burol ng binatilyo e maliit pa lang ang naipapanalo niya sa sugal. Nakikinig lang siya sa usapan ng mga bulungan habang abala sa paghawak ng baraha.

"Iyan ang mahirap dito sa Pilipinas. Bumuboto kasi sila ng mga trapong politikong hindi man lang mapaunlad ang bansa kaya nangingibang-bayan ang mga Pilipino."

"Siguro, aatungal ang Pilipinas at magsasabing: SA MGA POLITIKO LANG AKO NAGBIBIGAY NG KAGINHAWAAN AT HINDI SA ORDINARYONG PILIPINO! TSE!"

Sabog sila ng tawanan pero agad ding napalitan ng pagluluksa.

"Paano raw ba namatay ang bata?"

"Ice pick daw ang ginamit ayon sa mga otoridad."

At sa paglipas ng mahabang oras niya sa saklaan mula sa pinakaunang araw ng lamay, nakapag-uwi siya ng higit sampung libong piso.

***

"May raket ka pa ba mamaya?" nagulat siya pagpasok niya sa kuwarto nila ng misis niya. "Kailangan ng anak mo ang tuition, may extra kang isang libo dyan?"

Hindi siya nagsalita. Sa halip, dumukot siya ng tatlong libong piso at ibinigay sa misis. Wala na rin naman itong sinabi pag-abot niya ng perang tig-limandaang piso.

Bago siya makatulog, itinago niya ang natirang pitong libong piso sa maliit niyang baul, katabi ng ice pick na ginamit niya sa binatilyong pinatay niya para kumita ng pera sa saklaan.

Comments