Guni-guni
Pagpasok ko sa men's locker room, diretso ako kaagad sa wash area para mag-sepilyo. Habang kinukuskos ko ang kaliwang gilagid, napansin kong may dumaan sa likuran ko, papasok sa isa sa mga cubicles. Hindi ko nakita pero naramdaman ko, medyo nahagip pa nga ng sulok ng mata ko, eh.
Sumunod ako sa kanya para umihi. Pero—napansin ko, walang tao sa area. Alam ko dahil nakabukas lahat ng cubicles at iisa lang ang daanan nito kaya imposibleng magkakasalisihan kami.
Napagtanto ko: ako lang pala ang tao sa buong locker room.
***
Breaktime ng ibang staff. At dahil walang maiiwan sa maliit na opisina sa south post number 13—na tinatawag naming 'pharmacy' dahil, well, mukhang pharmacy—e kailangang magsara ng fan at ilaw para magtipid sa kuryente. Naghahabol ako ng mga document ko kaya para makabuwelo, kinailangan kong magpunta sa pharmacy para uminom nang mabilisan.
Pagsampa ko sa hallway ng south post, napansin kong may pumasok sa pharmacy (o parang may pumasok sa pharmacy). Makaraan ang ilan pang hakbang, napansin kong hindi ito lumabas agad. At wala nga talagang lalabas na tao sa pharmacy dahil walang ibang tao na naroon kundi ako lang.
Sabi ko nga, baka nagugutom na ako at kung ano-anong mga guni-guni na ang napapansin ko. Uminom ako ng tubig sa tumbler ko at bumalik agad sa opisina para maghabol ng mga document.
Hindi ko alam kung tama nga ba ang desisyong ipagkibit-balikat na lang ang guni-guni kong iyon dahil kung ano man iyon, binabalot niya ako ng kilabot.
***
Dalawa lang kaming staff na nasa production office (o main office ng department namin na katapat ng center post number 18) pero nakaupo kami sa magkabilang dulo. Habang kanina pa naluluha dahil babad na ang mata ko sa computer screen, nakaramdam na ako ng pagkahilo. Tumigil muna ako pansamantala para ipahinga ang mata ko saka ako pumikit.
Bago pa ako tuluyang makapikit, nahagip na agad ng paningin ko sa reflection ng monitor na may dumaan sa likod ko. Malinaw iyon, mabilis. Papalapit siya sa kasama ko na nasa kabilang dulo pero walang ibang tao maliban lang sa aming dalawa.
Iyon din ang sabi niya sa akin nang magtanong ako: kaming dalawa lang ang nasa opisina nang mga sandaling iyon.
Pero iyon nga, nakita ko at malinaw na may dumaan. Hindi ako basta naguguni-guni lang.
***
Binanggit ko ito sa bahay pag-uwi ko. Ang sabi, kung nauulit-ulit daw iyon sa magkakaibang lugar, sa magkakaibang oras, sigurado, may sumusunod daw sa akin na hindi ko alam o hindi ko nakikita.
Ang gusto ko lang sanang mangyari e huwag na lang siyang susunod o magpapakita sa sulok ng kuwarto kapag isasara ko na ang ilaw mamayang gabi. Sana, manatili na lang siya sa pagiging guni-guni.
Comments
Post a Comment