Senyales
Mahilig akong makipaghalubilo sa iba noong high school. Gusto ko kasi ang lagi akong may kasama at kaibigan para naman maramdaman kong hindi ako nag-iisa. Pero, nang dahil sa isang issue na sumiklab noong fourth year high, nalaman ko na hindi pala dapat lahat ng tao e kinakaibigan ko, lalo na yung mga taong nanira ng tiwala ko at iniwan ako sa huli noong panahong kinailangan ko ng karamay. Saklap.
Kaya pagsapit ko ng college, pinili kong mabuhay na lang bilang isang college student na nag-iisa. Natakot akong muling makipaghalubilo sa iba kasi naisip ko na baka maulit uli ang nangyari sa akin noong high school. Mahirap na. Nakakatakot.
Kaya noong nag-college ako, wala akong kaibigan. Nag-aaral lang ako. Nasa classroom man e lagi kong pinipili na umupo sa sulok, malayo sa upuan ng iba at walang katabi. Wala akong kakilala sa mga kaklase ko kaya wala ring nakakakilala sa akin. Wala akong kinakausap, kahit sino. Mag-isa lang akong kumakain tuwing tanghalian sa cafeteria, at mag-isa lang ding naglilibot sa F.TaƱedo sa Tarlac kapag may free time. Doon ko unang naramdamang nakapaligid ako sa maraming tao pero hindi kami umiiral sa mundo ng isa't isa.
***
Bago pa ako mag-college, may nabasa akong libro ng isang Filipino author. National best seller ang mga libro niya kaya nang matapos ko ang isa niyang libro (yes, nagbasa ako ng isang buong libro kahit ayaw na ayaw kong nagbabasa!) e nawili ako sa pagbabasa ng iba pa niyang libro, hanggang sa magkaroon ako ng isang buong koleksyon ng mga gawa niya.
Gusto ko ang paraan ng pagsasalita niya sa libro. Ramdam ko, para lang siyang nakikipagkuwentuhan sa akin. Parang ang ganda niyang maging kaibigan nang dahil sa mga libro niya. At mula noon, nakahiligan ko nang magbasa nang magbasa ng maraming libro.
Naging tambay ako ng university library tuwing may bakanteng oras. Nakapagbasa ako ng iba't ibang mga libro mula rito sa local at international. Hanggang sa may isang libro na nga ang nabasa ko noon tungkol sa kung paano siya nakapagsulat ng maraming libro, at maging ang mambabasa--ayon sa kanya--ay sinasabing maaari ding magsulat at bumuo ng sarili niyang libro.
Doon ko na sinimulang tangkain na pasukin ang mundo ng pagsusulat.
***
Sinubukan kong magsulat. Kaya lang, hindi ko natapos ang isang buong nobela. Matagal na rin akong huminto sa pagsulat. At ang seryeng sinusulat ko noon, isang dekada nang nasa Google Drive ngayon.
Nakita ko 'yon sa isang lumang folder ng Google Drive. Kasama nito ang ilang mga dagli na ipinaskil ko na sa blog. At nang maisip ko na hindi ko na nga iyon matatapos, hindi na ako nagdalawang-isip na burahin na lang at kalimutan. Tanggap ko na sa sarili ko na hindi ko matatapos ang nobelang iyon at piniling ibaon na lang sa limot.
Pero, mukhang may nagawa yata akong mali, na hindi maganda.
Napansin ko mula noong araw na binura ko ang draft ng nobelang iyon, lagi na akong binabangungot. Naroon daw ako sa madilim na kawalan. Tumatakbo. Hinahabol ako ng multo ng isang galit na binata. May hawak siyang isang bagay na hindi ko mawari kung ano, pero mahaba at duguan.
Nakasuot siya ng puting manipis na barong at itim na pantalon, parang damit ng patay. Namumuti na ang balat niya na parang nabubulok at nanlilisik ang mga mata. Hindi siya nakakaramdam ng pagod at determinado siyang mahuli ako para manakit.
Ayon sa kanya, ako raw ang salarin kung bakit siya namatay, saka siya maglalaho sa kawalan nang hindi niya ako nahuli.
Magpapatuloy ako sa pagtakbo sa kawalan, pero bigla siyang magpapakita sa harap ko. Nakasalubong ang kamay niya sa leeg ko, akmang mananakal, saka ako magigising sa kama na hawak ang Faber Castell kong ballpen habang naghahabol ng hininga.
Ayoko ng ganito. Pero pangatlong beses na siyang dumadalaw nang ganito sa panaginip ko.
***
Nakakastress ang buhay ng isang Production Engineering kung tatanga-tanga ka, kaya medyo nagtataka rin ako sa sarili kung paano ako napadpad sa ganitong propesyon. Mabuti na nga lang at may mga ilang umaalalay sa akin.
Nabanggit ko na sa isang kasamahan ang tungkol sa panaginip ko. Ang sabi niya, ganoon lang naman daw talaga kapag sobra na ang stress ng isang tao, isama pa ang pagod. Pinayuhan ako na magpahinga at kumain nang maayos.
Noong araw na iyon, gumawa ako ng report para sa mga na-product specs ko na bagong hired sa kumpanya habang nakasalang sila sa past trouble ng Q.A.. Nang isa-isahin ko ang mga test paper, napansin ko na parang may sumobra sa attendance pero hindi dumaan sa exam. Pagkatapos ng ilang pagkukumpara, nahanap ko ang sumobrang pangalan sa attendance.
Doon na ako kinabahan at nabigla. Nagtataka, kung bakit naroon ang pangalang iyon na imposibleng umiral sa mundo ko. Kilala ko siya.
Ang pangalang ito, ang binatang humahabol sa bangungot ko, at ang tauhan sa nobelang hindi ko natapos (na binura ko sa Google Drive)—ay iisa!
Nagmadali akong umuwi pagsapit ng alas dos--ang oras ng uwian namin. Pagbukas ko ng locker, may nakita akong sulat na galing sa binatang iyon na isiniksik niya sa locker ko. Gusto niyang maghiganti dahil ako ang isinisisi niya sa pagkamatay niya.
Maya-maya, napansin kong naging tahimik ang buong locker room. Nawala ang mga tao, parang biglang nag-ghost town o huminto ang oras. Hindi ako agad nakakilos.
Tinunton ko ang daan palabas pero nasa hallway pa lang ako, nakita ko na siya na nakatayo sa dulo. Nakabihis siya ng puting t-shirt (na karaniwang dress code ng mga trainee), suot ang itim na maong. Nakatingin siya sa akin at nakangiti. May hawak siyang isang bagay na hindi ko mawari kung ano, pero mahaba at duguan.
Paatras akong bumalik sa locker room kung saan na-corner niya ako sa isang sulok. Ibinigay niya sa akin ang hawak niya at nagsalita sa kalmadong paraan.
"Hawakan mo," inabot niya ang isang kamay ko at ibinigay ang hawak niya. "Bigyan mo ako ng hustisya."
"Hindi kita pinatay."
"Pero pinatay mo ako sa kuwento mo!"
"Ano?!"
"Gamitin mo 'yan. Bigyan mo ako ng hustisya kung ayaw mong masaktan!"
"Pero—"
"John!" may isang boses ng binata ang biglang nagsalita sa tabi ko. Paglingon ko, nakita ko si Kuya Vince. Nagtatanong, "Ayos ka lang?"
Hinanap ko ang binatang kumausap sa akin pero hindi ko na nakita. Umandar ang oras, hindi nawala ang mga taong nagmamadaling umuwi, at sobrang ingay ng locker ng mga nagdadaldalan at naghahalakhakan.
"Ayos lang po, kuya. Thanks!" sagot ko.
"Tara, uwian na!" ngumiti siya.
At napansin ko, hawak ko sa kanan kong kamay ang Faber Castell kong ballpen.
Siya ang nagbigay, sabi ko sa sarili. Iyon ang senyales na gusto niyang tapusin ko ang kuwento niya.
Comments
Post a Comment