Stitches and Burns
Ang sabi niya, nag-iinuman daw sila ng mga pinsan niya. Ipinagpaalam niya pa iyon sa akin bago sila magsimula. Kibit balikat ako dahil, ang naiisip ko, "Bakit kailangan niya pang mag-paalam sa akin na mag-iinuman sila?"
Ano niya ba ako?
Ano ko ba siya?
Dapat ba?
May dapat ba kaming linawin sa isa't isa?
Maya-maya, nabigla ako nang buksan ko ang chat niya. May binigay siyang short video ng sarili niya, sinasabayan ang kantang "Stitches and Burns" ng Fra Lippo Lippi. Parang nagti-tiktok lang.
Now, I don't wanna
see you anymore—
At doon naputol ang video dahil ilang segundo lang ang itinagal nito. Mukhang may 'tama' na rin yata siya ng alak.
Sa kabilang banda, nabigla ako kahit hindi naman dapat. Naisip ko, parang dalawa yata ang ibig niyang sabihin doon pero kinalaunan, hinayaan ko. Oo, may kaunting kirot pero hindi ko na ginawan ng issue.
Kasunod nito ang mga chats niya na puro paliwanag, na hindi raw iyon ang ibig niyang sabihin sa akin, na kesyo 'nadala' lang daw siya sa kanta. Napakarami niya na agad depensa na hindi ko na maintindihan...o siguro, hindi ko na inintindi. Basta hinayaan ko lang siyang magsalita.
At sa sarili ko, unti-unting nawawala sa paningin ko ang convo namin, ang chat template ng messenger, hanggang sa matira na lang ang liwanag ng hawak kong phone.
Wala na siya. Pero yung kanta, narito pa rin.
Comments
Post a Comment