Home Internet
So, masaya naman ako nitong nakaraang hulyo dahil naging successful ang paga-upgrade ko ng internet dito sa bahay. Sa ngayon, gusto ko lang itong ikuwento at sana, maisulat ko nang maayos dahil hindi na yata ako marunong magkuwento at magsulat.
***
Nagsimula ang internet sa bahay noong 2011. Ang main access lang namin dito e ang isang computer desktop. Globe Tatoo Broadband plan 999 ang gamit namin noon na may bilis na 3 Mbps, at walk in ang paraan ng pagbabayad nito sa mismong store.
Nagtagal lang ito ng isang taon bago tuluyang ibalik ang modem sa Globe matapos ang desisyong itigil ang paggamit ng broadband gawa ng financial shortage at palagiang pagkawala ng serbisyo ng internet kahit pa advance ang pagbabayad.
Taong 2019 naman ang panahon ng smartphone data. Globe pa rin ang ginagamit na ISP hanggang sumapit ang pandemya ng 2020. Dito na nagsimula ang mobile hotspot and tethering para hindi masayang ang ibang iniregister na data bago ma-expire pero wala pa rin. Hindi rin nagtagal ang serbisyo ng internet dahil maraming unused data ang nasasayang tuwing nage-expire ng isang linggo, at mahal ang halaga ng mga promo.
Kaya naman mula noon, gumawa na kami ng timing plan para simulan na ang internet infrastructure project sa bahay na target sanang matapos hanggang sa katapusan ng 2022. Unfortunately, hindi ito natupad dahil nagkaroon ng maraming delay gawa ng financial crisis at maging sa desisyon kung paano ang magiging layout at location nito sa bahay.
***
Palagian ang atras-abanteng desisyon kung prepaid o postpaid ang gagamitin (pareho na kasing available ang dalawa sa area). Umaabot ako ng halos isang oras sa pagpapalipat-lipat ko mula sa mga website ng Smart, PLDT, at Globe para salain ang "swak" na promo o plan na maaaring gamitin ng lahat sa bahay. Ito rin kasi ang panahon na kailangan na rin ni kuya ng stable internet connection dahil lagi silang nagkaklase online, at syempre, ginagamit na rin ito para sa communication sa mga kaklase niyang nasa malalayong lugar.
Ekis agad si PLDT gawa na rin ng pagpapayo sa akin ng mga kakilala. Kumplikado sila at masalimuot.
Maayos naman ang serbisyo ng Smart dahil maayos naman ang terrestrial service nito sa area. Ang hindi lang maganda rito e nawawala na rin ang serbisyo ng internet kapag nawalan na ng kuryente sa San Miguel o sa Concepcion. May mabibili namang unli promo kay Smart pero ang tsismis, limitado lang pala ito sa iilang sim gaya ng hawak ko. Isa pa, habang tumatagal, tumataas nang tumataas ang halaga nito hanggang sa naging pabigat na sa bulsa. Itinigil ko rin kinalaunan dahil masakit siyang manira ng budget.
Sa kabila nito, maganda rin naman ang Smart dahil nakakatipid ako sa pagbili ng no expiry na data (at walang limit sa speed di tulad ng sa Globe). Gagamitin ko lang kung kinakailangan at hindi ko kailangang bumili ng promo kada linggo kumpara sa mga promo ng Globe. Ito ang dahilan kung bakit ayoko ring bitiwan ang Smart ko.
Ang ending, balik ang lahat sa kanya-kanyang data na mabigat sa bulsa sa kani-kanilang mga smartphone. Binalikan ko uli ang original plan at nagbakasakaling may mapansin akong hindi ko nasunod para sa implementation ng home internet.
***
Nasa ganoong lagay ako ng pagdedesisyon nang ialok sa akin ang Globe at Home prepaid. Maganda, consistent, pero nahihirapan pa rin ako sa lingguhang promo nito na isandaang piso. At dahil matakaw na sa streaming, tatlong araw pa lang, ubos na ang allocated data na para lang sana sa isang buong linggo. Hindi sulit.
So, unli data talaga ang kailangan pero dapat, naka-prepaid pa rin para tipid. Hindi ko talaga kakayanin ang libuhang data plan para lang sa isang buong linggo. At, lalo na nga, 15 devices ang maximum capacity na meron sa bahay na gumagamit ng internet sa browsing, communication, at streaming. Kadalasan, nagtatagal ang ganoong mga activity ng isang buong araw kaya sa halip na kumuha ng consumable data e kailangang maghanap ng unli na kung puwede e good for one month.
Ilang linggo lang pagkatapos ng test broadcast ko sa Globe at Home prepaid, inalok na sa akin ang Gomo para tugunan ang nabanggit na pangangailangan: unli data (pero prepaid pa rin).
Gumagamit ng Globe signal ang network ng Gomo, na may bilis na 10 mbps, sa halagang 799. Malaking improvement na ito mula sa naunang broadband na ginamit namin noong 2011. At para ma optimize ang pagbroadcast ng wifi signal sa bahay, gumamit na ako ng wifi router.
Nakalagay nga pala ang wifi modem at router sa ibabaw ng aparador sa studio ni Kuya sa second floor, dahil ligtas ang studio mula sa mga pasaway at malikot na pusang madalas makasira ng gamit. At dahil mesh type router ang gamit ko at hindi na rin pala abot ang signal nito sa first floor, nagdagdag ako ng isa pang unit para makumutan na ng wifi signal ang buong bahay hanggang maabot ang lagpas ng bakuran.
Gaya ni Globe, consistent at stable naman si Gomo pero may mga pagkakataon talaga na mabigat pa rin ito sa bulsa. Isa pa, bumabagal na ang connection nito tuwing nagsasabay na ang streaming ng lahat ng devices kaya naisip ko, oo nga: hindi nga naman kasi kakayanin ng 10 mbps na magbigay ng stable na data para sa streaming ng walong devices nang sabay. Good for 1 user lang talaga si Gomo.
***
Habang namomroblema ako sa Gomo, inalok sa akin ng isang kakilala ang G Fiber ng Globe. Wired fiber pero prepaid pa rin. Sumang-ayon naman ang lahat sa upgrade na ito pero may mga nakita agad kaming problema. Una, kung wired fiber ito, saang kanto ito magmumula? Hindi ba ito magiging sagabal sa daraanan nito? At pangalawa, paano ang magiging layout nito sa bahay? Undecided kami sa parehong nabanggit at medyo pressured na rin sa part ko dahil balik-online class na naman sina Kuya sa darating na unang semestre.
Binalikan ko nang pahapyaw ang timing plan na ginawa namin noong 2020. Bakit nga ba kailangan ng internet sa bahay?
Una, sa communication. Kailangan ito ni kuya para sa online class sa luma niyang Samsung Tablet. Magastos at maaksaya ang puro promo.
Pangalawa, browsing at iba pang activities na kinakailangan ng internet.
At pangatlo, livestream ng balita at inaantabayanang teleserye. 2019 pa lang, hindi na gumagana ang TV at dahil ipina-shutdown ng diktador na si Rodrigo Duterte ang ABS-CBN noong 2020, nag-shift to digital ang panonood ng TV rito sa bahay kaya kailangan talaga ng stable internet connection.
Pinakamura na ang G Fiber ng Globe kumpara sa Gomo. Nakatipid ako sa monthly cost nito at nakapag-upgrade ng data speed. Napansin namin ang magandang pagbabago mula sa 10 mbps ni Gomo paakyat sa 50 mbps ni G Fiber ng Globe nang mag-trial kami ng livestream sa pinakamataas na quality sa YouTube nang sabay. Mabilis lang itong nailagay ng mga personnel na parang walang nangyari.
Sa huli, masasabi ko naman na natugunan ng G Fiber ng Globe ang pangangailangan ng internet dito sa bahay. Nagsimula ang commercial broadcast nito noong hulyo at maayos pa ring napakikinabangan ngayon ng walo hanggang sampung devices. Susubukan kong magsulat uli sa susunod sakali mang magkaroon uli ng upgrade sa plan kaya hanggang dito na lang muna.
Comments
Post a Comment