Lolo Ben
Lolo Ben, kumusta ka na?
Pasensya na kung ngayon lang kitang muling binuhay sa isip ko. Ang tagal na rin kasi mula nang mawala ka. Wala na akong maalala tungkol sa iyo kahit man lang sana kung paano ka magsalita, kumilos, at maging sa hitsura mo. Ang aga mo kasing nawala at ni hindi mo man lang naabutan ang pagbibinata ko.
Ayos lang ba sa iyo na tawagin kitang 'Lolo Ben'? Kung oo, matutuwa ako at magiging kumportable ako na makausap ka. Mas astig pakinggan para sa akin, yung para lang tayong tumatagay dyan sa kanto habang dumuduyog sa gitara ng paborito mong kanta. Kung ayaw mo, payagan mo na ako dahil sa nakalipas na panahon, napakarami nang nagbago. Isa pa, hindi yata ako sanay na tawagin kang 'Papang' dahil hindi ko ramdam na mag-apo/mag-lolo tayong dalawa. Gayunpaman, masisiguro ko sa iyo na kahit pa pasmado minsan ang bibig ko e hindi ako gumagawa ng anumang mga bagay na ikapapahamak ng iba.
Hindi ko alam kung kilala mo pa ako. Ang sabi kasi ni mama, ako raw ang paborito mong apo kumpara sa iba mo pang mga apo. Hindi ko alam kung gaano iyon katotoo dahil sobrang tagal na iyon. O baka nga hindi mo na maalalang may katulad ko pa rito na apo mo. O ang mas malala, ayaw mo akong kilalanin bilang apo mo, pero hindi ko na iniintindi yun. Sabi nga nila, expect the worst.
Hindi ko alam kung paano ka naging lolo para sa akin. Pero kung ako ang tatanungin mo, mayroon naman akong naaalala na magkasama tayong dalawa noong maliit pa ako. Ang senaryo, pareho tayong nakabihis nang maayos at maganda. Nakaupo ako noon sa sala, sa tapat ng pinto ng bahay doon sa Banaba (nasa likod ko naman ang bintana), at sinusuutan mo ako ng sapatos.
Meron pa na hindi ko alam kung nananaginip ba ako noon pero nakita kitang kumakain nang marami. Gutom na gutom ka. Ayaw mong paawat sa pagkain. Nananahimik ako, pinanood lang kita. Hindi ko alam kung alam mong naroon ako pero dahil nga kumakain ka, hindi mo ako pinansin. Hindi mo man sabihin sa akin pero alam ko, hinang-hina ka na sa mga sandaling iyon at hindi ko alam kung bakit. Halata sa hitsura mong babagsak ka anumang oras at nakakaawa kang tingnan.
Iyon lang. Wala na akong iba pang maalala tungkol sa iyo kasi parang ang iksi ng panahon na nakasama at nakita kita.
Ayoko na sanang sabihin pa rito ang isa pero iyon nga, nakita kita noon: hindi ka na gumagalaw. Ipinasok ka nila sa loob ng isang makina. Ano naman ang alam ko noong maliit pa ako, diba? Wala namang nagpaliwanag sa akin na hindi ka na babalik at hindi na kita makikita kahit kailan. Pagkatapos nun, natatandaan ko, hinahanap kita dahil hindi ka na bumalik pero ni minsan, hindi ako nagtanong.
Sa buong buhay ko, doon ako unang nakaramdam ng pang-iiwan. Hindi ko nga lang ininda ang sakit dahil bata pa ako noon. Hindi ako mulat sa ideya ng pagkasawi ng mahal sa buhay at kung gaano kasakit ang hatid ng matinding pangungulila.
Pero inaamin ko: hinihintay kita sa pagbabalik mo. Naghihintay ako sa pagbabalik mo noon. Umaasa ako na isang araw, darating ka mula sa malayong lugar na hindi ko alam kung saan. May pasalubong kang dala para sa aming mga apo mo at doon kita makakasama uli. Umaasa talaga ako noon na makarinig pa ng maraming kuwento mula sa iyo habang kumakain sa iisang hapag-kainan.
Bago ka man lang sana nawala at kung nasa tamang huwisyo na ang isip ko, nagtanong man lang sana ako sa iyo kung masaya ka ba sa pag-iral ko sa mundong ito? Kasi kung oo, ngayon pa lang, humihingi na ako ng paumanhin. Buong buhay ko, hindi ako naging masaya. Alam mo ba iyon? Ayos lang naman ako pero may kulang. Iyon lang naman.
Pasensya ka na kasi bata pa ako noon nang mawala ka. Wala akong alam. At kung alam ko lang na gumawa ka ng mga bagay na alam mong ikatutuwa ko para mapagtibay ang relasyon natin bilang apo mo at lolo ko, sana, isa rin ako sa mga nagluluksa sa pagpanaw mo noon.
Lolo Ben, hanggang dito na lang dahil hindi ko alam kung paano ko pa 'to tatapusin.
Comments
Post a Comment