Sardinas

HIGH SCHOOL
Ang tanong ng teacher namin sa isang kaklaseng babae noon ay, "Paano kung dumating ang sitwasyon kung saan wala na kayong makain at ang inihain lang ng nanay mo ay sardinas, tuyo, at tinapa, kakain ka pa rin ba?"

Nagulat ako sa sagot niyang mabilis at malinaw, "I will not eat all she cooked."

Para sa akin, malaking bagay na ang magkaroon ng ganoong uri ng pagkain dahil kung babalikan lang natin kung ano ang naging lagay ng buhay namin noon e hindi namin kayang bumili ng ganoong pagkain, kahit sabihin mo pang maraming pera ang tatay kong sundalo.

Syempre, napakunot din ng noo ang teacher namin. Hindi niya iyon inaasahan.

Palibasa, may matinding galit daw sa nanay itong kaklase namin.

***

Maarte at magaslaw ang kaklase kong iyon. Masayahin. Palakaibigan. Nakakatawa. Pareho sila ng kapatid niyang babae.

Pero isang araw, dumating sa eskuwehalan namin noon ang nanay niya. Nagtago siya noon pero kinalaunan, sapilitan din silang pinagharap dahil mapilit ang nanay niya. Ramdam namin sa iyak ng kaklase ang tindi ng galit laban sa sumusuyo niyang nanay.

Ginawa raw silang pulubi noon ng nanay niya noong bata pa sila doon sa Cebu. Nanlilimos sila ng kapatid niya para lang daw may makain sila. Hindi raw maayos ang mga damit nila, walang tsinelas, umulan man daw o umaraw, habang nakikipagpatintero sa mga sasakyan. Hindi raw sila puwedeng umuwi ng bahay kapag walang dala.

Nakipaghiwalay raw ang nanay niya sa tatay nila. Hindi ko lang sigurado ang dahilang sumama ito sa ibang lalake. At itong kaklase kong ito ang sumama sa tatay nila at tumira na rito sa La Paz, Tarlac, para siguro, magbagong buhay.

Nitong nakaraan ko lang din nalaman na minamaltrato rin pala sila ng nanay nila noon. Kung tama ang pagkakatanda ko, may isang nagmamalasakit noon ang nagsumbong daw sa mga otoridad. Nang suriin ang magkapatid, e nakitaan daw sila ng puro pasa sa katawan na ilang beses pinalo ng kung anumang mahabang bagay gaya ng dos por dos(?). Ang sabi, gawa raw ng nanay nila.

Naglikha iyon ng malaking gulo sa pamilya nila. Ang dahilan ng magkapatid, takot daw silang magsumbong dahil masasaktan sila. At dahil hindi matiis ng tiyahin nila (ate ng tatay nila) na nasa ganoon silang lagay, siya na mismo ang nagkupkop sa magkapatid.

Wala na akong natandaang sumunod na eksena pagkatapos ng harapan nilang mag-iina sa eskuwelahan. Ang malinaw lang na sinabi ng kaklase ko noon ay "Hinding-hindi ko siya mapapatawad!"

COLLEGE
Kaibigan ko rin ang isa sa mga malalapit nilang kaibigan kaya pagkatapos ng nangyari noong high school, naririnig ko pa rin ang tungkol sa kanilang mag-iina. Kahit anong pagsusuyo raw ang gawin ng nanay ng kaklase ko sa kanilang magkapatid ay parang wala lang. Hangin lang. Ang dahilan? Hindi niya raw ito kilala. Wala raw silang nanay na kagaya niya. At kung may nanay man daw ang magkapatid, iyon ay ang bagong asawa ng tatay nila (stepmother).

Tuwing may mga mahahalagang okasyon, lagi nilang iniitsapuwera ang nanay nilang pilit isinisiksik ang sarili sa dalawa niyang anak.

Hindi rin ito binigyan ng invitation sa graduation ceremony noong college at itsapuwera ang nanay nila sa labas ng mamahaling restaurant sa Pampanga pagkatapos ng ceremony. Pinapanood sila sa labas mula sa bintana, maya't maya ang tingin sa kanila, parang asong naghihintay ng pagkaing ibibigay sa kanya. Humabol lang daw ito at lumipad pa galing ng Cebu. Nagbihis pa man din daw ang nanay nila nang maayos.

Alam ng nanay nila na hindi ito desisyon ng asawa niya at ng bago nitong asawa, dahil alam niyang ayaw siyang makasama ng dalawa niyang anak.

Ayon pa sa mga bulung-bulungan, nang magkaroon ng maayos na trabaho ang magkapatid, e ipinabago raw nila ang birth certificate nila at tinanggal ang pangalan ng kanilang biological mother. Sa halip, ipinalit nila ang pangalan ng kanilang stepmother. Walang may alam kung anong legal move ang ginawa ng nanay nila pero halos hindi raw ito makakain o makatulog dahil sa tindi ng sama ng loob.

Mula noon, wala nang narinig na balita ang magkapatid tungkol sa nanay nila. At kung meron man, syempre, wala rin silang pakialam kung buhay pa ito o patay na.

SEPTEMBER 2025
Pag-uwi ko ng alas onse ng gabi galing sa trabaho, sabi ni kuya, kumain daw muna ako bago matulog. May pagkain daw sa kusina na nakalagay sa pasamano. Pagbukas ko ng lalagyan, doon ko na nga naalala ang dati kong kaklase.

Inusisa ko ang kasalukuyang buhay nilang magkapatid, isang bagay na hindi ko naman talaga gawain. At—doon ko nalaman na residente na pala sila sa California. Naroon na rin ang tatay nila at ang stepmother nila na may kasamang batang lalake (bunsong kapatid na iyon ng kaklase ko sa stepmother nila). Panay ang buwanang family trip nila sa mga bansa sa Europe at sobrang dalang na lang umuwi sa Tarlac.

Napa-"sana all" na lang ako sa sarili ko.

Bago ko pa ikumpara ang buhay ko sa kanila e ibinaba ko na yung phone nang maramdaman ko ang gutom. Nagsandok ako ng kanin at inubos ang natirang sardinas—pagkaing ayaw ng kaklase ko—bago matulog.

Comments