Disposable

Nagsimula ang lahat sa straw.

"Bakit basa ang loob ng straw?" reklamo ng kasama namin sa serbidora ng school canteen.

Wala kaming magawa noong mga panahon na iyon. Palibhasa, malapit na ang bakasyon. Isang subject lang ang pasok namin at dahil hindi pa namin gustong umuwi, tumambay lang muna kami sa school at naglibot sa buong compound. Nakaramdam na kami ng gutom pagsapit ng hapon at nagpasyang magmeryenda sa canteen. At habang sumisipsip na ako ng soft drinks, nagreklamo ang isang kasama: "Bakit basa ang loob ng straw?"

Hindi ko na iyon napansin dahil sinaid ko na ang pagsipsip ko kasama pa ang hangin saka ko inilapag ang bote.

"Gumagamit ba kayo uli ng mga tinapon na straw?" tanong ng isa. Hindi ko na alam kung ano pa ang idinahilan ng serbidora ng canteen na masyado nang defensive.

Kinabukasan, bumili ako ng soft drinks. Kinilatis ko ang straw bago sumipsip. At iyon nga, napansin ko, basa nga ang loob ng straw—tanda iyon na nirecycle: pinulot, hinugasan, mabilisang nilagay ng serbidora ang straw sa bote, at ibinigay sa akin (ang mali lang nila, hindi nila pinatuyo ang loob ng straw bago ipagamit kaya nahuli ko sila).

Dugyot!

Hindi na sumagi sa isip ko ang magreport noon pero wala rin pala ni isa man lang sa mga nakakaalam ang nagsumbong. Ang naiisip ko ngayon, kung iyon ang paraan nila ng pagtitipid, nasisiguro ba ng mga namamahala sa canteen na malinis nga ang nirerecycle nilang straw? Malamang, hindi sasagutin o babalikatin ng canteen sakali mang magkasakit ang huling gumamit ng straw na 'yon lalo na sa mga batang mahina ang katawan.

Pero paano nila nililinisan nang mabuti ang isang straw kung may ubo ang unang gumamit nito at ipapagamit sa iyo? O baka may sipon? Bakterya mula sa mga sirang ngipin ng unang gumamit? May fungi mula sa singaw ng maruming bibig ng kung sinuman? Tangina nila, sisipsip ka rin ng sakit nang hindi mo nalalaman nang dahil sa kasalaulahan nila! Nakakadiri, nakakatakot, kahit sabihin mo pang hindi ka maarte o maselan.

Ang the best na solusyong itinuro sa akin: sirain ang straw pagkatapos gamitin para hindi na nila pulutin at ipagamit uli.

Ganoon din ang ginagawa ko tuwing gagamit ng mga sumusunod na disposable item para hindi gamitin uli ng mga dugyot na vendor, gaya ng nasa school canteen namin noon:
  • Barbeque stick
  • Cup (paper, plastic, styro)
  • Fork and spoon (plastic)
  • Icedrop stick
  • Plastic (pinaglagyan ng soft drinks)
  • Plate (paper, styro)
  • Siomai plate (paper, plastic, styro)
  • Straw (paper, plastic)
  • Toothpick / Picking stick
  • Wrapper (paper, plastic)
Heto lang ang mga ginagawa ko pagkatapos gamitin ang alinman sa mga nabanggit: butasin, punitin, putulin, yupiin...basta't sirang sira para siguradong hindi na magagamit uli saka itinatapon sa tamang basurahan.

Comments