Unggoy
"Anong ginagawa mo dyan?" nagtanong siya nang mapansin niyang nananahimik ako sa isang sulok.
Napakunot siya ng noo sa sagot ko, "Nanonood ako ng unggoy."
Pareho lang din ang naging reaksyon niya nang sumunod na araw na may halong pagpuna, "Unggoy na naman ang pinapanood mo ang pangit!"
O, at bakit hindi? Walang masama sa panonood ko ng mga short video sa YouTube tungkol sa mga unggoy. Wala akong nakikitang mali kung unggoy ang pinapanood ko.
Nagpatuloy siya, "Malapit mo nang maging kamukha ang mga unggoy na 'yan!" na hanggang maging "Nanonood ka na naman ng unggoy, mukha ka nang unggoy!" saka siya ngingisi...na nagiging halakhak.
Hindi ako sumagot nang magtanong na siya, "Bakit ka ba kasi nanonood ng unggoy?"
"Ewan, hindi ko alam." O puwede rin sigurong hindi ko masabi kung bakit. Ano't ano pa man, parang nabuhay uli sa sarili ko ang pagkaaliw ko sa mga unggoy.
Satisfying my inner child?
Lukso ng dugo!
***
Hindi ko alam kung kailan ako unang nakakita ng unggoy. Sa TV? Sa libro? Ewan, hindi ko na alam. Namamangha ako sa kanila kaya nagkaroon ako ng interes sa mga unggoy.
O siguro, noong bata pa ako dahil sinabihan ako ng kung sinumang kalaro ko noon na mukha akong unggoy dahil lagi raw akong nasa itaas ng puno ng saresa.
O siguro, dahil sa boses kong matinis na parang sa unggoy...noong bata pa ako.
O siguro, dahil para lang silang tao.
Pero, hindi ko tuloy alam kung dapat ko nga bang ikatuwa na sabihan akong mukhang unggoy.
***
Namamangha ako sa mga unggoy. Really.
Isipin mo: magaling silang umakyat ng puno, magpalipat-lipat sa mga sanga, lumambitin sa mga baging, at marunong kumain ng saging. Nagkataong iyon pa man din ang paborito ko.
Naiinggit ako noon sa isang kalaro ko sa barrak, sa Camp Aquino, noong late 90's. May alaga silang unggoy, nakatali lang siya sa mababang puno ng akasya, at magaling umakyat-baba sa puno. Sumasampa ang unggoy sa balikat ng kalaro ko at nahahawakan niya na parang aso o pusa. Oo, mabait ang unggoy na iyon pero malikot at makulit.
Kaya naman ang sabi ko noon kay daddy, gusto kong magkaroon ng alagang unggoy. As in pet monkey.
Nagbiro pa nga siya noon: siya raw may alaga ring unggoy na nagdedemand din sa kanya na magkaroon din ng alagang unggoy.
O, edi unggoy din siya! Punyeta, mana-mana lang 'yan!
***
Grade 1. First school field trip. Ang totoo, hindi ko alam na field trip ang ganap noong araw na iyon, basta magkasama kami nina daddy at mommy sa oner at bumiyahe pa-timog mula sa San Mig. Pagdating sa lugar na iyon e naroon na ang mga kaklase ko at iba pang schoolmate.
Hindi ko alam kung may nakakaalala pa sa lugar na iyon pero mayroon talagang zoo rito noon sa Capas, Tarlac (sa bahagi ng Estrada (yata?)). Hindi naman iyon kalakihan. Maliit lang iyon, "Mabuhay Zoo" ang pangalan ng zoo, along the highway lang ang entrance sa east side.
Excited ako dahil first time kong makapasyal sa isang zoo. First time kong makakita ng magagandang ibon, ahas, bayawak, ostrich, buwaya, at musang (hindi ko na matandaan kung ano pa ang mga nakita ko noon). Pero, ang remarkable sa lahat ng nakita ko ay ang unggoy.
Malaki ang hawla nila, lalambi-lambitin sa mga lubid, at panay ang akyat nila sa screen. Nakakatuwa. Nakakamangha.
***
Naging malaking usapin sa Twitter ang mga statement ni 움파움파 (@umparum3), isang hindi kilalang Korean national, tungkol sa di umanong hitsura daw ng mga babaeng Indonesian tuwing nagagalit—mukha raw unggoy. Nangyari iyon noong ikalawang linggo ng Pebrero 2026. Tumindi na lang ang usapin nang mandamay pa siya ng mga lahi sa Southeast Asian gaya ng Thai, Vietnamese, at syempre, mga Pilipino na ang sabi pa e 'very beastly and unhygienic while eating using bare hands' ayon sa translation. Pinagkaisahan siya ng mga Southeast Asian maging ang ibang lahi na nakaranas din ng pambubully ng mga Korean national gaya niya.
Nakikinig din ako ng mga Korean music mula pa kay Shin Mina hanggang sa mga kanta ng Enhypen. Magaganda rin ang kalidad ng mga TV series nila. Marunong ako ng basic Korean language at masarap ang Korean foods. Aminado ako dyan. Yung iba nga tinatangkilik na ang lahi nila, pero ang masaklap, unggoy ang tingin ng lahi nila sa lahi mo bilang isang Southeast Asian.
Sana, hindi lahat.
P.S. Wala akong ibig ipakahulugan pero, diba, wala pa ni isang Korean national sa kasaysayan ang nakokoronohan sa kahit na anong world beauty pageant. Kaya kung unggoy ang tingin ng lahi nila sa ating mga Southeast Asian, think again.
Comments
Post a Comment