Alinsangan

04:00
Giniginaw ako at nawawala ang kumot.

05:00
Mararamdaman na ang alinsangan. Noong nakaraang panahon ng amihan, mas gusto kong naliligo ng mainit na tubig (yung tipong dapat sumipol nang malakas ang takure sabay buhos ng kumukulong tubig sa timbang may malamig na tubig). Pero ngayon, pagbuhos ko, mainit ang tubig. Sakto lang ang lamig na mabilis ding umaalinsangan. At pagkatapos kong maligo—hindi ko pa nahahawakan ang tuwalya para magpatuyo ng katawan—nag-uunahan na ang butil ng pawis sa noo ko.

06:00
Parang alas otso na ng umaga.

07:00
Marunong na nga yata mag-advance ang oras. Minsan maiisip ko kung Philippine Standard Time pa ba ang ganitong oras? Parang alas nueve o alas dyes na ng umaga ang sikat ng araw. Masyado na yata ang pagpapabibo ng mundo sa pagpapabilis ng ikot niya. O, baka nga totoo na yung tinatawg nilang "Climate Change is Real!" kaya apektado pati ang ikot ng mundo...na mukhang papalapit nang papalapit sa araw.

08:00
Fully airconditioned ang buong kumpanya pero literal na damang-dama ng bumbunan ko ang init ng bubong ng planta kahit pa ito ang may pinakamalakas na air condition system sa buong company. Naka-todo na sa lagay na yan ang lakas ng lamig.

09:00
Heat level: tolerable.

10:00
Tolerable pa rin. Delikado nga lang kasi dilaw ang nailabas ko. Ibig sabihin, kahit ilang beses kong lagukin ang kalahating litro ng tubig sa tumbler ko, hindi pa rin ito sapat. Wala pa tayo sa kalahati ng isang buong araw pero yung likuran ko, namumuo na ang pawis. Hindi sasapat ang cool drinks mula sa canteen.

11:00
Namamawis na ang mga singit-singit: leeg, noo, kilikili, singit, kamay, hita, binti, at paa (huwag na nating banggitin pa rito ang bilbil).

12:00
Malamig sa buong planta. Kung hindi mo titignan ang oras, mapapansin mong may halo nang alinsangan ang lamig, sapat para malamang tanghali na. Mas malamig sa canteen, pangmalakasan ang aircon doon pero pagkatapos kumain, magkakayayaan ang lahat na magkape. Sabi nga nila, "Powered by Coffee" ang mga staff ng department namin.

13:00
Paparating ang mga papasok sa oras ng alas dos ng hapon. Mapadaan ka lang sa kanila e dama mo na ang init ng singaw ng katawan nila. Walang duda, matindi na ang init sa labas. Nakatapat ang opisina sa higanteng aircon.

14:00
Hindi mo pa nararating ang exit pero ramdam na agad ang tindi ng alinsangan. Nakakairita. Nakakapanlagkit. Nakakabwisit. Nakakapanggigil. Masarap manampal ng tangang DDS.

15:00
Nakatapat sa opisina ang nakatodong electric fan (kung bakit kailangang kaliwa't kanan pa ang puwesto ng mga ito e hindi ko alam). Pawisan habang pinapaypayan ang sarili. Maghapon pang nakaharap sa mainit na computer monitor. Babalik sa canteen para mag break. Mapapaltos ang dila sa init ng minimeryendang sopas.

16:00
Damang-dama ko na ang lagkit dahil sa tindi ng alinsangan.

17:00
Dapat papalubog na ang araw. Pero hindi, eh. Paglabas, naalarma ako dahil tama nga ba na nag-out ako sa timekeeping? Like, "Huy! Sure ka? Alas singko na 'to ng hapon? Uwian na? Bakit parang alas tres pa lang ng hapon? Punyeta, ayokong mag-written sa HRA dahil lang sa wrong punch sa out!" pero totoo, alas singko na ng hapon. Nakapag-out na ako sa timekeeping. Nagwawala pa rin ang sikat ng araw na may hatid na init pagtama sa balat. Visible ang malalaking heatwave sa sementadong kalsada (wala ng lupa, wala ng puno, wala ring mga lumilipad-lipad na ibon sa paligid at nakakapaso ang init ng hangin).

18:00
Naliligo na...ng pawis. Papalubog pa lang ang araw pero nag-iwan ito ng matinding init sa ere at init ng lupa. Yung singaw ng mainit na lupa...nakakairita. Nakakairita...basta, nakakairita ang tindi ng init! Malakas ang hangin pero mainit pa rin. Lilingon sa paligid. Nagtataasan ang mga building. Sementado ang lahat. May mga puno pero lagas ang dahon. Maraming tao. Feeling bibyahe sa Hogwarts ang mga transportations dahil sa itim ng usok nila.

19:00
Maalinsangan pa rin. Madilim na. Siksikan sa jeepney. Didikit ang balat mong malagkit sa nanlalagkit din na balat ng katabi (kaliwa't kanan). Hindi ka makakaiwas dahil, iyon nga, siksikan (yung tipong dikit-dikit na ang mga tuhod ng mga pasahero at wala nang hingahan). At yung tsuper, nagsindi pa ng mabahong sigarilyo.

20:00
Bumabawi na sa presko ng maligamgam na hangin ng gabi. Pero—pagpasok sa kulob na bahay na walang proper ventilation—doon tila nakulong at nagpipiyesta ang init na mukhang naipon mula alas dyes ng umaga hanggang alas singko ng hapon! Hahawiin ang makapal na kurtina, bubuksan ang bintana, mula taas hanggang baba, harap at likod. Maliligo uli ng pawis dahil mararamdaman ang singaw ng mainit na pader at kisame.

21:00
Matindi pa rin ang alinsangan pero tolerable pa rin. Mararamdaman na ang unti-unting lamig. Naipon sa kama ang init kaya tagaktak pa rin ang pawis.

22:00
Kulang pa ang lamig kaya hindi ko pa agad magagamit ang kumot.

23:00
Sakto na ang lamig.

00:00
Malamig. Pero may naramdaman akong lamig, basta kakaibang lamig na parang napadaan lang.

01:00
Alam mo naisip ko lang: hindi ba't parang may hatid na mensahe ang alinsangan ng panahon? Na dapat marunong at totoong nagninilay-nilay ang tao sa aspeto ng kanilang espiritual? Ang pagiging mabuti, ang pagpapakumbaba, ang pagbibigay ng pagmamahal, ang pagbibigay ng kapayapaan na matagal nang hinihiling ng lahat, ang pagdarasal, ang pag-una sa Diyos sa lahat ng bagay na gagawin sa lahat ng pagkakataon, ang matibay na pananalig sa Kanya, ang kaligtasan ng ating kaluluwa paglisan natin sa mundo, ang sasapitin natin sa kabilang buhay sa piling Niya habambuhay, ang pakikipag-usap at pagsasabuhay ng Kanyang mga Salita sa Banal na Kasulatan gaano man karumi ang isang tao sa paningin ng mga kapwa tao, sa paniniwalang may Paraiso at may mainit na impyerno...hindi lang doon nagtatapos ang lahat. Kung nasasaktan ka man sa pagkapaso mo sa pagsubo ng mainit na kanin, mas masaklap malunod sa lawa ng apoy.

02:00
Hindi na makatarungan ang init ng panahon. Sabi nga nila, naka "free trial" mode daw ang Pilipinas sa impyerno. Ang mga tao raw kase rito sa Pilipinas e bumoto ng magnanakaw at kriminal noong 2016 at noong 2022. Of course, hindi ko iboboto ang isang kandidatong kriminal at magnanakaw sa darating na 2028 election. Dapat, wake up call na ang mga nababalitaan nating korapsyon, patayan, at droga para maging isang matalinong botanteng hindi na boboto ng korap, kriminal, at bastos na leader ng bansa at dapat iwasan ang mga kandidatong pro-China.

03:00
Nagkumot na ako dahil matindi na ang lamig.

04:00
Giniginaw ako at nawawala ang kumot. Pangatlong beses ko na 'tong napapansin lalo na pagsapit ng alas kuwatro ng madaling araw at hindi ko alam kung bakit. Nang makabuwelo ng ilang sandali, napansin ko, nakapulupot na pala ito sa leeg ko nang hindi ko namamalayan (hindi ko alam kung paano iyon nangyari) pero hindi naman mahigpit. Paglingon ko sa katapat na salamin, may isa pa akong napansin mula sa isang madilim na sulok. May kung anong nilalang na naroon, pinagmamasdan ako. Kinikilabutan ako sa mga hagikhik niya habang papalapit siya sa akin.

Comments