Vinegar
Hindi ako fan ng condiments na kung tawagin ay suka. Pero maganda rin itong i-pares sa adobo para pantanggal ng lansa. Masarap ang paksiw pero hindi ko iyon paborito.
May nakakaalala pa kaya sa tig-pisong vinegar pusit? Masarap yun.
***
Nabasa ko sa manwal sa masinop na pagsulat na dapat na raw ibalik ang mga tudlik para malaman ang pagkakaiba ng mga salitang pareho ang pagbaybay pero magkaiba ang kahulugan. Halimbawa: suká para sa vinegar, at súka para sa vomit.
***
Kung matatandaan, madalas akong tumusok-tusok sa hepa lane ng Tarlac State University (o TSU) tuwing breaktime noong college. Maliban sa matamis at maanghang na sauce na sawsawan, hindi ako kumukuha ng suka. Minsan, sinubukan kong paghaluin ang maanghang na sauce at timpladong suka pero wala talaga, hindi ko talaga gusto. Ekis. Pero the best din daw ito sa crispy kalamares and fried chicken skin!
***
Maraming puno ng bayabas sa Camp Aquino. Kadalasan, mga ibon at paniki lang ang nakikinabang sa mga bunga nito hanggang malaglag lang sa lupa at uusbong ng panibagong puno. Bago pa mahinog, ito ang pinipitas namin maliban lang sa mga bunga na nasa pinakatuktok para magtira sa mga ibon at paniki.
Ang gagawin, magdadala kami ng kanya-kanyang asin. Pipitas ng siling labuyo sa garden ng kapitbahay, at gagawa ng sawsawan para sa tinadtad na bayabas. Yung isang kasama, magaling magtimpla ng sawsawang suka.
Masarap ang pagkakatimpla niya ng sawsawan... pati siya, masarap din!
***
Nag-uwi si daddy ng sukang pinakurat. Binili niya iyon galing pa sa Cagayan de Oro noong 2012. Nasa serbisyo pa siya noon ng sundalo. Sabi niya, tikman daw namin ang sukang iyon dahil masarap daw ang pagkakatimpla nito at naging paborito niya. Mabango nga ito sa actual at masarap sa free tasting. Puwedeng-puwede nang ulamin kahit sa kanin lang lalo na kapag wala ka nang makain. Naging instant fan na siya ng ipinagmamalaki niyang sukang pinakurat na binili niya sa Cagayan de Oro.
Pero nagbago ito nang malaman niyang may sangkap pala itong baboy. At dahil isa siyang kolorum na Muslim na dating Katoliko na dating Protestante, hindi niya na inulit ang pagbili at pagtikim ng sukang pinakurat. Doon ko nakita ang pagkakadismaya niya para sa iniidolo niyang sukang pinakurat.
Hindi ko alam kung may nabibili nang sukang pinakurat sa mga pamilihan na may Halal markings.
***
Nagbanggit na ako ng isang remedyo tungkol sa suka. Puwede mong mabasa rito: Sa Bulaklak ng Santan.
***
Hapon. Naglaro kami ng taguan. Nagtago kami ng kasama ko sa loob ng mga patong-patong na sirang gulong, doon sa isang bodega na dating barraks. Makaraan ang ilang minuto na hindi kami mahanap ng kalaro, doon na kami lumantad. Itinigil namin ang laro dahil boring na at naglaro na lang ng step palda.
Maya-maya, pareho na kaming nakaramdam ng pagkairita sa kamay, na umakyat sa braso, paakyat sa leeg, hanggang magkaroon na rin ang buong katawan namin. May mangilan-ngilan na ring namuong pantal sa hita ko, pulang-pula, at para akong pinapaso sa tindi ng kati.
Hindi ko alam na nahigad na pala kami.
Niremedyuhan ako ng suka sa balat pag-uwi ko sa bahay. Nawala ang matinding kati pero naroon pa rin ang mga namumulang pantal. Yung kalaro ko, binahiran din siya ng asin at suka (anong silbi ng asin sa higad?).
Matagal bago nawala ang mga kati namin sa balat pero yung kakatihan naming dalawa sa isa't isa, hindi nawala... kahit pa paliguan man kami ng isang drum ng suka (clue: nabuntis siya pero sa ibang lalake nga lang).
Comments
Post a Comment