Awkward

"Puwede pong maki-table?" tanong ko.

"Yes sir, sure. Dito ka," sagot niya.

"Thanks."

Agad akong pumwesto sa tapat ng isang mag-ama sa foodcourt noong hapong iyon. Wala na akong makitang bakante kaya napilitan akong maki-table sa kanila.

Nasa kalagitnaan na ako ng pagkain ko ng footlong nang mapansin kong maalaga si daddy sa kanyang little daughter. Ang ganda ng bata. Malamang, kamukha siya ng mommy niya (na hindi yata nila kasama) at napansin ko ring guwapo ang daddy. Karapat-dapat talaga siyang tawaging 'daddy' dahil napakamaalaga niya sa anak niya at sweet. Kahit hindi ko sila nakakausap, nakikita ko ang pagka-gentleman ni daddy sa bawat kilos at salita. Ang sarap nilang pagmasdan. Nakakawala ng pagod.

Hindi ko mapigilan na maya't maya silang titigan, lalo na si daddy. Ang guwapo niya talaga kasi at hunk. Mga personal insecurities ko. Mabango siya at mukhang yayamanin. May mga pagkakataong nahuhuli niya ako ng tingin pero agad akong umiiwas matapos siyang ngitian. Binilisan ko na lang ang pagkain dahil gusto ko na ring umuwi at parang hindi ko matagalan na titigan sila ng ganoon. Aaminin kong naiinggit din ako sa daughter dahil napakasuwerte niya sa kanyang daddy.

Halos maluha-luha ako nang sariwain ko naman ang mga panahong lagi akong pinagbubuhatan ng kamay ni tatay. Perfectionist kasi siya at competitive. Kaunting pagkakamali mo lang, padadapuin niya agad ang bakal niyang sinturon sa akin para disiplinahan ako. Ni minsan, hindi ko naranasan ang mga paglalambing niya kaya naramdaman kong wala akong silbing anak para sa kanila. Pero ano pa man, hindi ako nagtanim ng sama ng loob at umaasa akong magbabago siya pero nabigo ako. Maaga siyang kinuha sa amin ng Diyos at hindi ko man lang nasabi sa kanya na mahal na mahal ko siya at mahalaga siya sa akin. Na sa kabila ng hindi kagandahan niyang pakikitungo sa akin ay masuwerte ako dahil may Ama akong tulad niya. Masakit.

"Nagkita na ba tayo before?" biglang tanong ni daddy sa akin.

"No, sir. Bakit po?"

"Pamilyar ang itsura mo, eh. Like, parang araw-araw kitang nakikita pero di ko alam kung saan."

Hindi na ako nakapagsalita, lalo na nang sabihin niya ang high school at university na pinasukan ko noon, at kung saan ako nakatira pero teka, bakit niya alam?

Napangiti na lang ako at nag-ayos ng gamit, saka nagpaalam.

"Okay. Hanggang sa muli!"

Sakto namang pagtayo ko, dumating ang 'mommy.' Niyakap siya ng daughter at nang magtama ang paningin namin, pareho kaming nabigla at hindi makagalaw. Napasipsip ako sa hawak kong gulaman. Naglikha ako ng ingay sa pagitan namin dahilan para mapatingin si daddy sa akin. Para naman akong binuhusan ng malamig na tubig nang malaman ko kung sino siya.

Si Sarah. Ang ex kong biglang nawala matapos umeskapo sa gitna ng kasal namin six years ago.

"Oo nga!" pagko-conclude ni daddy. "Ikaw nga ang ex ng wife ko, right?"

At heto si Sarah, walang imik.

Comments