Genesis 7

Napansin ko ang isang kapitbahay na nagtapon ng isang libro sa tabi ng sapa. Tinignan ko siya nang masama. Ito kasi ang mga unang taon na nahihilig na ako sa pagbabasa noon at natuto nang magpahalaga ng mga libro, may silbi man ito o wala. Sabi ko, sayang naman ang mga punong ginawang papel para maging libro tapos itatapon niya lang? Sana, ipinamigay niya na lang iyon sa akin sa halip na itapon.

Patago ko sanang kukunin ang itinapon niyang libro pero umulan na nang sobrang lakas nang sumapit ang alas dos ng hapon. Hindi tumigil ang ulan sa loob ng pitong oras. Nagbukas ako ng radyo, wala namang naiulat na may paparating na bagyo. Sabi nila, dahil lang daw ito sa habagat.

Kinagabihan, naalarma na ako nang makita ko ang pag-apaw ng tubig sa sapa. Nagpanic kami. Inakyat namin ang lahat ng mga nasa lapag tulad ng refrigerator, TV, at iba pa na hindi maaaring mabasa. Yung mga pusa at guinea pigs, ikinulong namin sa kuwarto ko. Ang mga aso naman ay nanatili sa kani-kanilang higaan na hindi maaabot ng tubig-baha.

Binaha hanggang loob ng bahay namin, pati yung ibang kapitbahay, sa loob ng 40 minutes. Tumigil na rin ang malakas na ulan pagkatapos. Takot na takot ako sa tubig lalo na't may kasama itong putik. May mga isda pang langoy nang langoy pero salamat sa maagap naming pagkilos, nailigtas namin ang mga mahahalagang gamit na hindi maaaring mabasa.

Kinabukasan, maraming halaman ng mga kapitbahay ang napinsala maging ang kanilang mga alagang pultry, sasakyan na lumubog sa baha, at ilang outlet ng kuryente na napasukan ng tubig-baha at hindi nila mabuksan. Yung iba naman, itinangay ng baha ang iba nilang gamit. Salamat sa Diyos at mabuti ang lahat noon sa amin pero sabi ng mga kapitbahay na matagal nang nakatira doon, first time daw itong nangyari kaya hindi nila maiwasang magtaka.

Paghupa ng baha, sinubukan kong balikan ang librong itinapon ng kapitbahay namin sa sapa. Surprisingly, naroon pa ito at sumabit pa sa mga ugat ng Buhok ni Eba. Nang kilatisin ko, doon ko nalamang King James Version na bibliya pala ang tinapon niya at hindi ordinaryong libro lang.

Wala na itong cover (gayundin ang ilang naunang chapter ng Genesis mula 1 to 6) na nasira na ng baha, pero kinilabutan ako nang unang bumungad sa akin ang kuwento ng pagbaha ng mundo sa Genesis 7.

Comments