Ang Barberong si Brandon

Takot ako sa bago kong barbero. Ito ang ikinuwento ko kay Mark Noel alyas Mariko, ang dating assistant ni (Mama) Lito sa parlor, nang minsang magkasalubong kami sa isang maputik at mabahong eskinita. Noon ko lang napansin na gumanda siya, humaba ang mabangong buhok, at himalang pumuti at kuminis ang kutis. Isa na siyang magandang dalaga.

Si Mariko ang nagsabing nakipagtanan na raw si Lito sa boyfriend niya at isinara ang kanyang unisex parlor na higit dalawang dekada ko nang pinagkatiwalaan. Masama ang loob ko sa pagkawala niya. Wala na kasi ang magaling na bakla kong barbero na mangingiliti sa akin kapag gugupitan niya na ako (the best part dito ay yung linyahan niya pagpasok ko sa parlor niya: 'Come to Mama Lito, baby!'). Mamimiss ko ang mga bomba niyang jokes, ang panghaharot niya sa akin lalo na sa daddy kong kursunada niya, at ang pambe-baby treatment niya sa akin dahil para daw sa kanya, ako lang daw ang nag-iisang guwapo niyang customer.

Sayang dahil maganda at malakas pa man din ang kanyang parlor, sabi ko kay Mariko at ganoon din ang panghihinayang niya. Malaking adjustment ang ginawa ko noon sa paghahanap ng panibagong barbero saka ko ikinuwento sa kanya ang una kong karanasan sa binabanggit kong barbero.

Brandon daw ang pangalan ng bago kong barbero doon sa barber shop ng kabilang kanto na dating kakumpitensya ni Lito. Bagong empleyado raw. Unang tingin ko pa lang sa kanya, mukha na siyang nakakatakot at tahimik. Hindi ko alam kung likas na sa kanya ang matalim niyang pagtingin ng mata sa mata kaya sa pagpasok ko pa lang, parang gusto ko nang umatras. Syempre, sa isip ko lang iyon. Ayoko siyang ma-offend dahil baka bigla niya akong balyahin, malaki pa man din ang katawan niya at may pakiramdam ako na parang matagal ko na siyang kilala. Iyon din ang naiisip ni Mariko.

Tensyonado na ako sa unang minuto ng pag-upo ko sa harap ng salamin. Fully airconditioned naman ang shop pero nagpapawis ako ng butil-butil dahil sa takot. Mahigpit ang pagkakabalot niya ng tela at tissue sa leeg ko. Magsasalita na sana ako para dumaing pero hindi ko na nagawa nang tabasin niya na ang buhok ko. Hindi na ako puwedeng umatras kahit nahihirapan akong huminga. Ipinikit ko na lang ang mga mata ko para hindi mapuwing sa ginupit na buhok.

Ikinuwento ko kay Mariko na matagal akong nakaupo roon at para mapawi ang takot, nag-isip na lang ako ng mga nakakatawang bagay habang ginugupitan ako ni Brandon. Dapat yung nakakatawa, naisip ko, para mabawasan ang takot ko. At mukhang nasobrahan nga yata ako sa pag-iisip, hindi ko man lang nakita sa kanya ang pagkagulat nang humalakhak ako nang malakas.

Seryoso pa rin ang mukha niya nang makita ko siya sa salamin. Humingi ako ng pasensya at nagpaliwanag. Sa halip na makaramdam ng pagkahiya, lalo akong kinabahan nang damputin niya ang malaki niyang blade na pamputol niya ng patilya. Napagtanto ko ng mga sandaling iyon, kaming dalawa lang pala ang magkasama sa buong shop. Tawa naman nang tawa itong lukaret na si Mariko sa kuwento ko.

Marahas ang pagdapo ng blade niya sa pisngi ko. Hindi niya pinapansin ang 'aray' ko at 'masakit' kaya itinuloy niya iyon hanggang sa likuran ko. Maya-maya, kumuha na siya ng malaking gunting. Halos pigil ang paghinga ko nang makita ko kung paano niya hawakan ang gunting. Nakikita ko sa kanya ang isang serial killer ng isang slasher thriller film at takot na takot ako. Noong nasa likuran ko siya, halos sabunutan niya ako na susundan niya ng paggupit. At nang mapadpad siya sa harap, halos igudagod niya na ang bayag niya sa tuhod ko. Malambot pa iyon noong una pero nakatigas na ang titi niya nang maramdaman ko iyon sa kabila kong tuhod. Hindi ko iyon magawang iwasan dahil limitado ang galaw ko at lagi niyang idinidiin iyon sa tuhod ko kaya damang-dama ko. Tarantado pa itong si Mariko, gusto niya pang ilarawan ko sa kanya kung gaano kalaki ang titi ng Brandon na 'yun.

Ilang sandali pa ang itinagal namin at nang matapos na siya, in-adjust niya ang inuupuan ko hanggang makasandal ako. Naglagay siya ng matapang na alcohol sa kamay niya saka niya ito iminasahe sa noo, leeg, batok, at likuran ko. Tiniis ko ang hapdi ng alcohol na ipinahid niya sa nagasgas ng blade niya at halos maluha-luha ako sa kakaibang serbisyo ni Brandon sa halip na ma-relax. Sa kanya ko lang din kasi nakita ang paraan niya ng pagmamasahe na sinasampal ang balikat na parang may kasama pang bugbog. Sobrang lakas talaga ng puwersa. Agad akong nagbayad kay Brandon at umalis. Hindi ko na kinuha ang singkuwenta kong sukli bilang tip sa kanyang free massage service.

Walang ginawa si Mariko kundi ang tumawa nang tumawa sa kuwento ko. Sa tulong na rin ng paglalarawan ko sa kanya ng hitsura ni Brandon, doon ko napag-alaman na ex pala ito ni Lito na dating balbas-saradong tambay sa shop ni Lito noon na hindi ko man lang namukhaan. Bwisit na bwisit naman ako sa mga halakhak ni Mariko at ang sarap niyang itulak sa kanal habang itinataas ang dumudulas na strap ng suot niyang spaghetti. Hindi ko siya nakilala, sabi ko, dahil malinis na siyang tignan.

Siguro, sabi ni Mariko, ganti niya iyon sa akin dahil pinagseselosan niya raw ako noon at nagiging mitya pa raw iyon ng away nina Lito na nauwi rin sa hiwalayan. Nang nalaman ko ang kuwentong ito kay Mariko, nagkaroon ako ng dahilan para hindi na bumalik pa sa shop kung saan nagseserbisyo si Brandon. Napilitan tuloy akong humanap ng panibagong barbero.

Comments

  1. Hahaha, ang intense!

    Ngayon na lang ulit ako nakadalaw dito; ang linaw mo pa ring magkwento, nakikita ko ang mga eksena habang binabasa :)

    ReplyDelete

Post a Comment