Lunch Break

Pagkatapos ng madugong final examination namin sa Abnormal Psychology, inabutan din namin sa wakas ang lunch break. Nararapat lang talaga sa amin ang lunch break sa kabila ng pagsagot namin ng mga katakot-takot na technical terms na mga mental illness na siyang nagpiga ng isip namin. Lalo pa nga sa akin na hindi man lang nagreview kahit hanggang personality disorder lang. Wala na rin ako sa katinuan dahil sa matinding gutom.

Humiwalay na ako sa mga kaklase dahil nag-text sa akin ang isang kaibigan. Sabi ko, sasabay na lang akong mag-lunch sa kaibigan ko dahil mukhang mayroon na naman siyang problema sa nobyo niya. At hindi nga ako nagkamali! Ang kuwento, nahuli raw niyang may ibang kakangkangan ang boyfriend niya doon sa apartment nila at bilang ganti, binuhusan niya raw ng kumukulong tubig ang boyfriend niya habang abala ito sa pagkarat ng ibang babae. Literal daw na nalapnos ang balat ng dalawa saka siya nakipag-break.

"Sweet revenge!" saka ako huminto sa hindi ko mapigilang halakhak nang tignan niya ako ng ubod ng talim.

Bago ko ipasimula sa kanya ang siguradong mahaba-haba niyang monologue, nagyaya muna akong mag-lunch sa isang payaso (o sa bubuyog, pinapili ko siya). Siya na ang pinag-order ko dahil hindi ko na talaga kayang mag-isip. Drained na ang utak ko at wala na sa sarili.

Habang kumakain na kami sa isang sulok, halos mangiyak-ngiyak itong si kaibigan sa pagkukuwento. Unti-unti namang gumaan ang pakiramdam ko dahil sa pagkain hanggang sa saglit akong napalingon sa kabilang lamesa kung saan naroon sina P at M, silang dalawa lang.

Hindi ko na masundan ang kuwento ni kaibigan kong broken hearted dahil sa maya't maya kong pagsulyap kina P at M. Hindi ko kayang hindi sila titigan dahil abot tainga ang saya nilang dalawa. Inggit na inggit ako at parang hindi man lang sila na-stress sa pagsagot ng exam namin sa Ab. Psych. Hindi naman ako makasama sa usapan nila dahil mula nang malaman ni P na crush ko siya, nagkaroon na kami ng gap sa isa't isa. Tarantado kasi ang isang mabuting kaibigan na nagbunyag na crush ko si P, edi eskandalo!

Tungkol kay P at M, pinag-uusapan nila ang mga naganap sa Affirmation of Trust and Team Building lalo na yung naligo kami noon sa ulan. Nagbasahan pa kami sa putikan noon tapos naghabulan kami sa oval. Naganap iyon noong nakaraang Sabado doon sa bundok, sa provincial sport complex.

"Naalala ko, kumidlat pa nga noon nang malakas tapos napayakap ako sa iyo, P," nakangiti kong sinabi.

Nagtaka si kaibigan sa sinabi ko. Napahinto naman sa tawanan sina P at M saka napatingin sa akin. Bigla akong natahimik at napahiya dahil malakas pa naman ang pagkakasabi ko ng pangalan ni P. Awkward na awkward ang lagay ko noon at hindi na iyon nawala sa isip ko. Parang ako tuloy ang nakikisawsaw sa kuwentuhan nilang hindi naman ako kasali.

Hindi ko na maalala ang mga sumunod na nangyari pero bigla akong natauhan nang ibinuhos ko sa sarili ko ang isang baso ng tubig na may yelo. Napahinto sina P at M, nabigla naman si kaibigan at napatingin sa akin ang mga kumakain. Tulad ng iba, nagtataka rin ako sa sarili kung bakit ko iyon ginawa (at hindi ko talaga alam!).

Basang-basa ang polo ko hanggang pantalon at agad na dumating ang isang service crew para tulungan akong linisin ang tumapong tubig sa sahig. Tinawanan ako ng lahat habang ang iba naman, napakunot ng noo sa akin.

Hindi ko na maintindihan ang sarili kung bakit ko iyon ginawa. Dahil napahiya ako? Para magpapansin kay P? Hindi ko alam. Hindi ko alam kung ano ang ano pero bumigat ang dibdib ko ng mga sandaling iyon nang tapunan ako ng matalim na tingin ni P bago sila umalis.

Muli akong nawala sa sarili.

Comments

  1. Sino ba siya na tinutukoy mo...nakakaakit ba siya para ka magpapansin..

    bumisita uli sa iyo..salamat sa pagiging bahagi ng blog ko sa 10 years...celebrating 10 years, Written Feelings....

    ReplyDelete

Post a Comment