Gusto

Makalipas ang mahigit isang dekada, muli kong narinig ang magandang boses ni Jolina Magdangal sa kanta niyang Gusto.



High school pa ako noon kasama ang isang 'espesyal' na kaibigan, natuwa siya nang malaman niyang nagkaroon na ako ng isang magandang mumurahing mobile multimedia 3G phone. Patago ko itong sinabi sa kanya, na kaisa-isa kong kaibigan sa klase, saka niya saglit na hiniram. Natawa ako kasi palda niya pa mismo ang ginamit niya sa pagtakip ng phone ko na hawak niya saka kinalkal ang mga laman nito. Wiling-wili siya habang nasa sulok kami ng classroom.

"Wala ka man lang music," sabi niya. "Sumama ka sa akin mamaya after Algebra. Lalagyan natin 'yan ng music. Gamitin nating pang-music trip for outing."

"Talaga?" namangha ako. Wala talaga akong ideya noon kung paano niya iyon gagawin. E kasi naman, wala akong alam sa mga bagong technology noong panahon na iyon. Radyo, TV, at telephone landline lang ang alam kong gamitin. At oo, hindi ako marunong gumamit ng computer.

High school na ako noon. Aware ako sa website na Bing, Yahoo! at Google pero hindi ko alam na iyon na pala ang internet. Tama nga naman ang sinabi nila na maraming magagandang bagay ang maaari kong gawin sa internet. At higit pa 'yan sa inaakala ko. Lahat ng iyan, sa kanya ko lang nalalaman. Salamat sa kaibigan kong iyon na hindi ko na papangalanan pa.

Sa Google siya naghanap ng mga music. Halo-halo ang mga nakuha niya: mga western hits at Asian foreign pop. Inipon niya ito saka inilagay sa 16GB SD (wala rin akong alam sa GB at SD noon) ng phone ko. Pagtingin ko sa music player, nalula ako sa sobrang dami ng music na inipon niya. Ang saya!

Hindi niya tinanggap ang bayad ko sa mga music dahil walang bayad naman daw niya itong nakuha sa internet. Nagpasalamat ako sa kanya noon hindi lang sa mga binigay niyang music kundi hindi niya pinagsamantalahan ang pagiging inosente ko sa mga ganoong technology. Kasi nga, LOVE niya raw po si AKO. Again, LOVE niya raw si AKO.

Napatingin ako sa kanya bago lumabas sa kuwarto niya. Natawa ako at napa-wow sa sarili. Me salat cu puso, jo! (Na-touched ang heart ko, Tsong!) At mula noon, parang nagkagusto na rin ako sa kanya. 'Tsika' niya kasi sa akin bago iyon na 'krash' niya raw ako pero hindi ko lang pinapansin lalo't patawa niya iyon sinabi, e alam naman nating mahirap umasa.

Naglalakad na ako pauwi habang nakikinig ng mga music sa phone nang kalkalin ko ang photo gallery at nakita ang unang litrato naming dalawa na nakasuot pa ng uniform habang nasa classroom. Sa litrato, pasimple kaming nag-peace sign habang patagong magka-akbay sa isang sulok. Nakangiti at magkatabi kami sa iisang upuan. Kailangan, hindi kami mahuhuli ng mga kaklase.

Tatawa-tawa ako sa lagay kong iyon nang tumugtog noon ang kantang 'Gusto' ni Jolina Magdangal sa earphone ko habang pinagmamasdan ko ang litrato namin ng kaibigan ko. Sa buong listahan ng mga kanta, ito lang ang nag-iisang OPM at lovesong na nagpasalat ng puso ko dahil sa ganda ng boses ni Jolens at sa liriko nitong relate na relate ako. Parang doon ko lalong napagtanto na may gusto na nga ako sa kaibigan kong iyon. Hindi niya naman sigurong sinadya na ito pa ang pinili niya, diba?

Hindi ko nga lang alam kung totoo na iyon dahil masyado pa akong bata noon. Wala rin naman akong pinagsabihan tungkol dito at hinayaan ko na lang na lamunin ako ng naramdaman kong iyon hanggang mawala sa puso ko. Wala rin naman kasi akong alam sa lab-lab-lab na 'yan at hanggang 'krash' lang talaga ako. I have this strange and weird feeling na siya lang ang mayroon ako bilang kaibigan. Maluha-luha ako.

Sa tagal ng panahon, parang gusto ko na tuloy siyang makita uli ngayon. Na parang gusto ko siyang... (paano ba?) mahalin (?) base sa idinidikta ng puso ko (ano nga ba?) kung hindi pa huli ang lahat... basta! Hindi ko pa rin maintindihan. Pero sa tuwing naririnig ko ang kantang ito, 'nananariwa' (?) ang lahat na parang kahapon lang nangyari. Karamihan, halos happy and sweet moments kasama siya, mula sa mga kalokohan hanggang heart to heart moment naming dalawa. At lahat ng iyon ay saglit kong binabalik-balikan sa isip sa tuwing naririnig na ang kanta ni Jolens.

Comments

  1. Isa sa magandang awitin ni Jolina ay ang Sana, sanay pag ibig na lang ang isipin ng bawat isa sa mundo, etc...

    ReplyDelete

Post a Comment