Piko

Step-palda, step-posporo, step-bulaklak at step-bahay. Pagkatapos naming maglaro ng tumbang preso o paaway noong bata pa kami, ito lagi ang sunod naming nilalaro noon. Lalake, babae, bata, o matanda, sa tuwing nakikita na ng iba na ito na ang nilalaro namin sa may kanto, marami nang sasali sa amin.

Natutuhan ko sa larong ito kung paano bumalanse ng pagtayo gamit ang isang paa. Dito ko rin natutuhan kung paano umasinta ng pamato sa piko. Nakakahubog din ito ng paa dahil malalaking lundagan ang teknik sa paglaro nito. Hindi ko na kailangang mag-jogging dahil parang professional drills ng mga atleta ang mga linyang hindi namin maaaring tapakan. Mairerekumenda ko rito ang step-bulaklak. Walang biro!

Sa step-palda ko naman nakilala si crush. Siya lang ang babae noon na nagtyagang nagturo sa akin ng mga basics of step-palda mula sa kung anong pamato ang gagamitin (maganda raw yung maliit na patag na bato), paano ihahagis sa baseline (dapat daw mas malapit sa baseline para ikaw ang maunang maglalaro), paano pumili ng bahay (na hindi tatapakan ng ibang kalaro; yung pagpili nito, tatalikod ka sa piko lines then ihahagis mo patalikod ang pamato) at ang pinakapaborito ko sa lahat ay kung paano ka kekerengkeng (isang paa muna ang gagamitin sa pagtalon hanggang sa maikot mo na ang lahat, ganoon din dapat sa kabilang paa) para makapili ng bahay. Hindi ko malalaman ang lahat ng ito kung hindi dahil sa kanya.

Paborito niya raw ang larong piko kaya sa tuwing maglalaro na kami ng piko, agad ko na siyang tatawagin, hindi dahil sa gusto niyang makapaglaro nito kundi gusto ko rin siyang makalaro. At makita. At maka-bonding syempre. Maging kaming mga ka-tropa ko noon, hindi namin inaalala na pambabae lang ang larong ito (at high school na ako nang nalaman kong larong pambabae nga talaga ito).

Boring ang step-bahay. Yung design nito, walang kabuhay-buhay na hugis bahay. Hindi namin ito nilalaro noon pero ang paborito at madalas talaga naming nilalaro ng mga ka-tropa ko noon ay ang step-posporo lalo na kung malaki ang piko lines. Kapag malaki, malalaking hakbang at paglundag din ang gagawin namin. Mas masakit sa paa at binti pero may thrill. I swear, lumaki ang mga binti ko rito dahilan para bumilis akong tumakbo at nananalo sa 100-meter dash. Malaki ang silbi nito sa akin bilang isang dating atleta ng isang eskuwelahan na kahit kailan e hindi ako sinuportahan sa karera.

Pero ngayon, malaki na ako. Hindi na ako puwedeng maglaro ng piko dahil marami nang semento sa paligid (at baka isipin ng iba na isip-bata pa rin ako). Wala nang patag at malawak na lupa para paglaruan. Wala na ring mapupulot na bato. Wala na rin ang mga dating kalaro dahil malayo na sila at kahit isa sa kanila (maliban kay crush na may asawa't anak na at sa messenger ko lang nakakausap) ay hindi ko na makumusta. Marami nang nagbago, maraming nawala. At hindi ko na rin maalala kung kailan ang huli naming paglaro ng piko noon.

Habang malakas na ulan lang ang maingay sa mga sandaling isinusulat ko ito ngayong hapon, malamang, ako lang sa mga kaibigan namin ang nakakaalala ng mga panahong naglalaro kami ng piko. Aaminin ko, hindi ko maiwasang matawa dahil doon. At malungkot.

Bigla kong namimiss ang dati naming samahan.

Comments

  1. Nakapaglaro rin ako ng piko, pero di ko alam na may step-palda, posporo, bulaklak at bahay pala :)
    Basic lang ata yung sa amin noon lol. Tandang-tanda ko pa yung magbabahay ba yun, ihahagis mo patalikod yung pamato mo na may pahalik pa kung minsan sa bato at pa-wish, ganun hahaha!

    Bago na pala ang lay-out mo :)

    ReplyDelete
  2. minsan nakaka miss din talaga ang mga laro noon, na sa ngayon ay bihira ng makita..lalo halos mga semento na ang kalsada...

    ReplyDelete

Post a Comment