Sa Tagpuan

Wala na akong narinig na boses nang pinapasok ako rito ng isang bantay. Medyo na-wirduhan pa nga ako sa mga pormal niyang galawan at sinabing 'maligayang pagdating!' Ang huli kong natatandaan sa kanya ay nakangiti siya sa akin bago siya nawala sa paningin nang isinara niya ang pinto. 'Masaya ako para sa iyo. Hindi ka na luluha rito, habambuhay,' pahabol niya.

Hindi sumagi sa isip ko kung bakit ako naroon sa lugar na iyon, saan ito matatagpuan, at kung gabi na ba o umaga pa. May liwanag--na hindi naman nakakasilaw--pero hindi ko makita kung saan ito nagmumula. May pinto, pero wala akong makitang pader o hangganan (parang 'Door to Everywhere' lang ni Doraemon). Hindi ko rin malaman kung kailan pa ako naroon at hindi ko malaman kung ano ang lagay ng panahon.

"Ang sabi nila, mahinahon lang ang panahon dito. At kahit kailan, hindi magkakaroon ng unos. Hindi mo ba narinig kanina?" narinig ko ang isang buo at pamilyar na boses.

"Hindi, eh."

Natigilan ako, hindi dahil sa napansin kong may kasama siya kundi naririnig ko ang mga sinasabi niya nang hindi man lang bumubuka ang bibig. Natatandaan ko, ganoon din ang bantay sa pinto kanina.

"Oo," dugtong niya. Pansin kong hindi nga bumubuka ang bibig niya. "Nag-uusap tayo gamit ang isip. Galing, diba?"

Maya-maya, lumapit sa akin ang kasama niya at nagtanong sa malambing at pamilyar na boses, "Parang kilala kita. Nagkita na ba tayo noon?"

Minukhaan ko siya. Oo nga't parang nakita ko na siya noon, ganoon din sa kasama niya pero... wala talaga akong maalala. Isa lang ang nakukutuban ko: mukhang nakasama ko na sila noon pero hindi ko matandaan kung saan, kailan, at bakit. Basta't napakagaan ng loob ko sa kanila. Sumang-ayon din naman ang nauna kong nakausap.

Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, bigla akong nakaramdam ng pananabik sa kanila. Napangiti ako saka ako yumakap sa kanila. Ganoon na rin sila sa akin. Hindi ko alam kung bakit ko 'yun nagawa sa kanila pero pakiramdam ko, para akong nakauwi sa tunay na tahanan.

Mula sa kawalan, lumapit sa akin ang may hawak ng telepono. Pag-abot nito sa akin, doon ko narinig ang mga pamilyar na boses: may saya, may lungkot, may pasasalamat at may pamamaalam. Nagpahabol pa ng habilin, na ipakumusta ko raw sila sa kanilang lolo't lola na siguradong kasama ko (raw) sa mga oras na iyon. At may isa pang bumulong na mahal na mahal niya raw ako, na magsasama-sama rin daw kami balang araw, at hindi niya raw ako malilimutan.

"Noong nakaraan, may tumawag sa akin," nagsalita ang una kong nakausap saka nagsimulang maglakad sa kawalan. "Ang sabi, mabuti lang daw ang buhay nila. Chief General ng AFP na raw siya habang ang anak niya, pambato ng bansa sa basketball. Natutuwa rin akong marinig na mabuti ang pagsasama ng misis niya. Nangako siya sa akin na magkikita-kita rin kami rito sa tagpuan."

Sumagot ako, "Ako naman, nangako sa mga magulang ko na hintayin nila ang muli naming pagsasama. Bago ako magretiro bilang Chief General, bigla na lang akong nawala (?) dahil sa leukemia pero maayos na ako. Wala nang sakit. Masaya ako dahil may kasama ako ngayon."

"Napakapayapa rito," nagsalita ang isa sa malambing na boses. "Napakabait talaga sa atin ng Diyos at dito Niya tayo pinagtagpo-tagpo."

"Siya nawa."

"Ihanda mo na ang sarili at maglalakad na tayo sa walang hanggang kawalan."

"At sigurado," napangisi ako. "Marami-rami rin tayong pag-uusapan."

Comments