Sa Bayaran

Inutusan ako ng head housemate na bayaran ang mga bayarin sa bahay. Ito ang isang bagay na masasabi kong medyo ipinag-alala ko dahil 'challenging' ang gawaing ito. At isa na nga rito ang pagbabayad ng isang service na kilalang may mahabang pila tuwing katapusan ng buwan kung saan marami ang nagbabayad.

Tulad ng inaasahan, mahaba agad ang pila sa bayaran. Tandaan: alas dyes pa lang iyon ng umaga.

May malamig na lugar-hintayan naman ang nasabing payment service para sa mga nakapila pero maliit ito. Kaya pagsapit ko roon, sa labas na lang ako naghintay. Pakiramdam ko kasi minsan, madali akong mawalan ng hininga lalo pa't maraming tao sa loob (parang nakakasakal) at may mga pagkakataon din minsan na nasusuka ako lalo na kung maalinsangan ang lugar.

#00257 ang number na nakuha ko sa guwardya. Pero sa screen, #00036 pa lang ang nasa unang bintana ng bayaran. At ang karaniwang haba o tagal ng transaksyon ay umaabot ng tatlong minuto (at iyon na ang pinakamabilis!) dahil sabay na sineserbisyuhan ang mga senior citizens sa parehong bintana.

Pero sanay akong maghintay ng ubod ng tagal sa labas. Iyon lang ang tanging paraan para lang makapagbayad ako...NANG WALANG UPUAN!

Dumating ako ng mga alas dyes sa pag-aakalang makakakuha ako ng bilang na mas mabilis. Hanggang pumatak na ang oras ng alas onse...alas dose...hanggang ilang sandali na lang ay sasapit na ang ala una ng hapon. Matindi? Noong araw na iyon, hindi pa.

"Brad, sa 'yo na lang 'tong number ko," bigay sa akin ng binata. Guwapo at maganda ang hulma ng katawan. "Umupo ka na sa loob, malapit nang tawagin ang number na 'yan," pahabol niya na parang nasusuka pa at dumiretso sa men's room.

Tinignan ko ang ibinigay niyang number: #00123

Tinignan ko ang screen: #00098 na ang tinawag para magbayad.

Sa number #00257 na hawak ko, at sa ibinigay sa akin ng binata (#00123), aba, hahanap pa ba ako ng iba? Dito na ako sa number na ibinigay niya. Malapit na, eh. Isa pa, ramdam ko na rin ang matindi kong gutom gawa ng hindi pa ako nag-almusal.

Maliban sa kanina niya pa akong tinitignan sa labas na magdamag nakatayo, malamang, nahabag sa akin ang binata. Pero hindi sumagi sa isip ko ang ibang dahilan kung bakit niya sinukuan ang pila niya.

Umupo ako sa iniwanang puwesto ng binata. Nadatnan ko ang mga katabi--maging ang ibang tao sa hintayan--ay nakatakip ng ilong o namamaypay. Guminhawa ang mga binti ko nang makaupo na pero napalitan ito ng malalang kalbaryo.

Maingay ang dalawang binata. Hindi sila masaway ng guwardya. Ang lakas nilang maka-trash talk sa hintayan habang naglalaro ng Mobile Legend. Sila ang mauuna bago ako.

Lalake naman ang sumunod sa akin. Sa tantya ko, ilang taon lang ang tanda niya sa akin. Maganda ang katawan. Guwapo. Hindi ko alam kung hihimatayin ako o masusuka dahil yung katawan niya, hindi na kaaya-aya ang amoy. Ito siguro ang dahilan kung bakit umalis ang binata (hindi niya na matiis) at nakatakip ang ilong ng mga tao sa hintayan.

Gaano katindi? Parang nananapak ng ilong!

At masarap din palang sapakin!

Mag-aalas dos na nang makabayad ako sa counter. Agad akong dumiretso sa men's room at naghilamos ng mukha. Maya-maya, sumakit ang ulo ko. Namimilipit sa kirot ang sikmura ko at para akong hihimatayin.

Natatandaan ko pa na sinigawan pa ako ng matandang babae sa counter dahil Php 200 ang binibigay ko sa halip na Php 2,000. Na-disorient na ang pag-iisip ko dahil sa amoy. Muntik ko pang makalimutan ang resibo at sukli!

At sa men's room, wala akong naisuka kundi puro tubig.

Comments