Ilang Buwan na Lang

Ilang buwan na lang, walong taon na ang Jay’s Quirky World blog. Habang isinusulat ko ito--pagod ako at namamaga ang buo kong katawan sa army dozen--maraming bagay ang biglang pumarada sa isip ko.

Una, napabayaan ko na sa ngayon ang blog. Wala na (o madalang na lang) akong sumulat ng mga kuwento o kahit ano man para ipaskil sa bakurang ito. Pero, gusto kong ipaalam na hindi ako tumigil sa pagsusulat (e, ano naman ngayon kung malaman mong hindi?). Siguro, wala lang akong oras na magpaskil o tinatamad lang akong mag-encode.

Pangalawa, tinatamad na rin ako minsan na mag-isip kaya sa huli, wala na talaga akong maisulat. Pero, salamat na lang sa kasabihan ng isang kaibigan na 'kung walang maisulat, magbasa.' Kaya heto ako ngayon, pinapatulan kahit ang mga eBooks para lang may mabasa (sandali lang, hindi ko 'excuse' ang pangalawang dahilan para hindi magsulat, ha).

Pangatlo, parang extraneous variable ang blog sa isip ko tuwing marami akong ginagawa o iniisip. Kapag nag-merge na ito sa pagsusulat, ayan na . . . lagot na. Sobrang gulo na. Kaya ayan tuloy, nagrereflect na sa mga entry ko--bara-bara, kamas-kamas, at sabog-sabog (tulad ng lagi)--kaya sa tingin ko, iyon ang mga dahilan kung bakit kinalilimutan ko na lang ang blog. Ayokong may blog na nanggugulo sa isip ko kapag may ginagawa ako o problemang iniisip.

Iyon lang. Ewan ko, hindi naman ganoon kahalaga (medyo) ang blog para hindi pansinin pero minsan, parang ang laki ng issue nito sa akin.

Siguro, ambag ang mga nabanggit na dahilan para pansinin na ang pagsasara nito. Labas dito ang dahilang walang nagbabasa sa mga entry ko at/o walang nag-iiwan ng komento. Bonus na lang ang mga 'yon, kung meron man. Pero naisip ko, manghihinayang ako sa huli kung mawawala ito.

Hindi ako nag-aral ng pagsusulat kaya hindi ako magaling sumulat, pero gusto ko pa ring tipunin at gawan ng portfolio ang mga naisulat ko, may silbi man o wala ang mga nilalaman. Siguro, para masabi nating nagkukuwento (o sumusulat) talaga ako kaya naman ito ang naging online portfolio ko. Basta, gusto ko lang naman ang magkuwento huhuhu

Oo nga pala, naging ambag nga rin pala ito para tumino ang ilang bahagi ng buhay ko. Seryoso ako: kung wala ito, malamang nasiraan na ako ng pag-iisip noon at hindi ako matinong kausap ngayon. Hindi mo na siguro ako nakakausap nang maayos sa personal at baka wala ka na ring nababasang entry ko ngayon na isinulat ko.

"Sana, natuluyan ka na lang," biro pa ng isang kaibigan but I don't give a little bit of care about these unremarkable individuals in their forlorn world.

Wala nang patutunguhan itong mga sinasabi ko. Ang gusto ko lang namang sabihin ay . . . magsusulat pa rin ako kahit pa wala na akong oras para magsulat. Hindi ako titigil hangga't gusto kong magkuwento.


--LRR (SOCOM), Fort Magsaysay
January 10, 2020, Friday

Comments

  1. advance happy 8 years sa iyong blog :)
    dumaraan pa rin ako rito, astig kaya ng mga kwento mo!

    ReplyDelete

Post a Comment