May Nakatingin

May nakatingin. Pero tuwing lilingunin ko para alamin kung sino ang nakatingin, wala namang tao. Higit tatlong beses ko nang nararamdaman iyon dito sa production.

Overtime kami sa nightshift. Oo, inaantok ako pero hindi ako nagguguni-guni. Parang...may multo sa paligid.

"May problema ba?" tanong ng kasamahan kong napansin na ang bigla kong takot.

"W-wala," minabuting huwag ko nang sabihin dahil baka magkatakutan pa.

Maya't maya akong lumilingon sa paligid dahil mayroon talagang nakatingin (ramdam ko talaga!), nagbabakasakaling mahahagip ng paningin ko ang kinaroroonan niya pero...wala. Alam ko, naroon lang siya sa madilim.

Sabi nila, madalas daw talaga ang mga ganitong uri ng pagpaparamdam (ng mga multo) sa mga malalamig at tahimik na lugar katulad ng kinalalagyan namin dito sa (madilim na sulok ng) planta. Hindi ko alam kung nararamdaman din ito ng mga kasamahan ko.

Sa kalilingon-lingon ko sa paligid, lagi na akong tinatawag ng inspector dahil yung mga ginawa kong nakarating sa kanya, marami nang mali na hindi ko man lang namamalayan.

Kung sino man ang nakatingin, sana tigilan niya na ako dahil nawawala ako sa focus ng ginagawa ko. Mahirap ang magkamali dahil strikto ang inspector at ayaw niya ng mga mali.

At nakakainis pa! Tuwing sinasabon ako ng inspector sa mga pagkakamali ko, parang tinatawanan pa ako ng nilalang na iyon sa gitna ng kadiliman. Medyo kinikilabutan ako tuwing maiisip ko iyon.

Magfofocus na talaga ako sa workload ko. Ayoko nang mapagalitan dahil sa mga pagkakamali ko.

Work first. Focus on workload. Safety first. I love quality. Stop the claim. Sumitomo Wiring System. Connect with the Best.

Comments