Sa Kusina

Noong fitted pa ang katawan ko, gustong-gusto niya ako. Lagi niya akong niyayakap, sinasabihan ng mga matatamis na salita, at kung ano-ano pa na siyang magsasabing 'ganito ang relasyon naming dalawa na wala sa iba!' Syempre, nariyan na ang mahal namin ang isa't isa. Matik na 'yan.

Pero, hindi laging ganyan ang relasyon.

Habang tumatagal, nagiging agresibo siya sa hindi malamang dahilan. Sobra na ang pagiging authoritative, perfectionist, at pagkasira-ulo niya. Literal. Nakakasakal at nakakairita na. Pero sa kabila nito--kahit pa may dahilan na ako para hiwalayan siya--minahal ko pa rin siya. Para akong isang bata na hindi magawang makalayas sa sariling bahay dahil doon lang ang tahanan ko: siya lang ang mahal ko at hindi ko siya kayang iwanan.

Napaisip tuloy ako: tama ba ang naging desisyon ko na manatili pa? Kasi...lalo lang akong nag-alala nang maging selosa siya na kamakailan lamang namuo sa sistema niya. Sabi nga sa isang kanta, kung ano-anong iniisip, nagbibintang nang alanganin. Ganyan. Ganyan na ganyan nga siya!

Pati ako, nahahawa na sa kapraningan niyang ito na hindi ko alam kung saan niya hinuhugot. Ang tanging paraan lang para mapatigil siya sa ganitong uri ng kabaliwan ay ang lutuan siya ng masarap na pagkain sa bahay nila (aaminin ko: hindi ako magaling magluto pero naging 'kami' nang lutuan ko siya ng specialty kong chicken adobo).

Kaya lang, hindi 'yon naging mabisa nitong nakaraan. Malala ang naging 'sayad' ng pag-iisip niya bilang isang dakilang selosa.

Naging bungangera na siya. Nagmumura at isinusumpa niya ako. Nakakainis lang dahil hindi ko na rin maarok itong mga masasakit na sinasabi niya sa akin pero kahit kailan, wala siyang narinig na salita sa akin na hindi niya magugustuhan. Hindi ko siya magagawang pagbuhatan ng salita o ng kamay, pero ganoon na ang ginagawa niya sa akin.

Pinagsabihan na ako ng mga concerned katropa na dapat, iwanan ko na siya pero hindi ko talaga magagawa. Ayos lang na saktan niya ako, sabihan ng kung ano-ano, tapakan niya na ang ego ko bilang lalake, basta't hindi siya mawawala sa akin. Hinding-hindi ko siya bibitiwan, anuman ang mangyari. Iyon ang akala ko. Akala ko, kaya ko. Na sana, kaya ko...pero hindi, eh.

Hanggang sa nangyari na nga noong huli: pinahiya niya ako sa harap ng maraming tao. Ang sabi niya sa akin, "Antaba mo na, mukha ka nang baboy at ayoko na sa 'yo. Maghiwalay na tayo!" saka niya ako iniwan. Para niya akong dinuraan sa mukha at sa palagay ko, iyon na ang pinakamasakit na sinabi niya sa akin.

Oo, tumaba nga ako dahil sa matinding stress, at matatamis na pagkain ang naging comfort food ko. Masuwerte siya dahil sa pagkain ako lumalapit tuwing nalulungkot at hindi sa ibang babae. Medyo unfair nga lang dahil kasama ko siya sa lahat ng kalungkutan niya pero kapag ako, lagi siyang wala. Ang malala, siya pa ang galit at ako pa ang sasabihan ng "Ang tanga mo!"

Noong gabing iyon pag-uwi ko, halos hindi ako makakilos. Masama ang loob ko. Hindi ako makaiyak. Hindi ko alam kung ano ang gagawin pero para makalimot, isinindi ko ang radyo para lang mabulabog ang katahimikan ng gabi, at para bugawin sa isip ko ang nangyari noong araw na 'yon dahil kung ako lang ang tatanungin, hindi ko alam kung saan ako pupunta.

Paulit-ulit na tanong ni Whitney Houston sa nakasinding radyo, "Where Do Broken Hearts Go?"

Sagot ko: sa kusina...para magpataba pa. Basic!

Comments