Walang Sagot

Sa aming dalawa, napansin kong ako lang ang gumagawa ng mga paraan para mapanatili ko ang ugnayang meron kami--na hindi ko mawari kung ano nga ba kami--na ayoko sanang mawala.

Wala siyang text. Matagal bago niya ako mareplyan sa mga chat ko at kadalasan, lagi lang niyang tinitignan pero hindi na sumasagot.

Hindi niya na rin sinasagot kahit ang mga simple kong pangungumusta. Hindi man lang siya nangungumusta sa akin kahit minsan. Ako lang ang interesado sa kanya at mukhang wala na siyang interes sa akin.

Maaalala kong sinabi niya noong una kaming nagkita, kapag busy siya, hindi raw talaga siya sumasagot. Siguro nga, oo. Busy siya pero ano pa bang malay ko kung iyon ba ang totoo?

Noong huling nag-chat siya sa akin, nangako siya na magkikita kami. Pinaghandaan ko ang araw na 'to para sa kanya. Umasa pa naman ako na magbabonding kami, magkukuwentuhan, at iba pa na puwedeng mangyari na sa amin na lang dalawa pero hindi ko siya nakita. Nagmukha lang akong tanga. Pinagmukha niya akong tanga.

Uunawain ko ang mga dahilan niya--kahit masakit sa akin na hindi naman dapat--na baka busy nga siya at kailangan niyang unahin ang trabaho niya kaysa ako. Pipilitin kong hindi magtampo. Pipilitin ko kahit hindi ko magawa.

May problema din naman kasi sa akin. Agad akong umaasa sa pangako niya pero anong magagawa ko? Malay ko bang hindi niya pala tutuparin ang pangako niya. Pangako niyang drawing lang...na kulayan ko man ay hindi kailanman magiging makatotohanan.

Kinutuban na nga ako at nagtanong na sa kanya: "Hiwalay na ba kayo ng karelasyon mo?" Kasi kung wala na sila, dapat sagutin man lang niya ako para naman malaman ko kung saan ako lulugar sa buhay niya. Pinanghahawakan ko kasi ang sinabi niya sa akin noong una na, "Gusto kita." Iyon lang.

Ang ganda niya kasing magsalita. Ipinaramdam niya sa akin na may assurance ako na maaaring maging 'kami' kasi siya na mismo ang nagsabi na "The feeling is mutual," kaya naisip kong may pag-asa ako para sa kanya.

Pero wala. Wala siyang sagot, lalo na sa huli kong tanong: "Puwede na bang maging tayo?

Comments