Barkada Lang

Unang tingin ko pa lang, alam kong hindi na siya straight. Oo, guwapo at maganda ang hubog ng katawan niya pero napakalambot niyang kumilos at magsalita.

Alam ko ang ganyang galawan. Ganyan din ang iba kong mga kaibigan. Isa pa, halata naman.

Hindi ko naman isyu rito kung ano siya. Open naman ako sa ganyan. Pero ako kasi ang nahihirapan sa kanya tuwing tinitignan ko siya, na ngawit na ngawit siya sa bawat kilos niya.

"Basta kahit saan ka masaya, susuportahan kita," ito ang reply ng kausap niya sa chat. Ang sweet, diba? Napa-'sana all' ako bigla. Doon ko na siya sinimulang usisain.

Nasa isang maliit na klinika kami noon nang mabasa ko itong mensahe sa kanya ng kausap niya. Nakaupo siya habang nakatayo ako sa tabi niya.

Nahagip ng paningin ko ang pangalan ng kachat niya. Dali-dali akong pumikit at tinandaan ang pangalan, mabilisan.

Nang nahapin ko sa Facebook, nakita ko na kilalang bakla pala talaga ang kausap niya (114 mutual friends). Makikita mo 'yun sa mga bekilog (bekinese at tagalog) conversations nito sa comment at ang mga kakaibang pag-awra niya sa bawat litrato.

Confirmed!

Hindi ko alam na darating ang araw na mami-meet ko ang guy in person. Hindi siya katangkaran (siguro, 5'4 silang dalawa at 5'7 ako). Hindi ko siya kilala kaya wala akong nakitang espesyal sa kanya.

Intimidated ako nang makaharap ko ang guy. Bigla kong naalala sa kanya ang isang dating kakilala kaya minabuti kong umiwas na lang ng tingin habang magkakasama kami.

Nang umalis ang guy, kinausap ko itong kasama ko: "kaano-ano mo siya (yung guy)?" (itatanong ko sana kung boyfriend niya)

"Wala. Barkada ko lang," mukha pang defensive, ang bilis ng sagot!

Natahimik na lang din ako.

Akala ko, sasabihin niyang 'karelasyon' niya pero hindi. Ang malala, baka isipin niyang binibigyan ko sila ng malisya. (at ako lang talaga ang nagbibigay ng malisya!)

Pero...okay, 'barkada' niya lang daw.

Tinanong niya kung ano ang pangalan ko sa Facebook. At pagbukas, naka-follow lang siya sa akin. Hindi niya na ako ma-add dahil nakuha niya na ang kota ng limang libong friends.

At dahil interesante siya para sa akin, kinalkal ko ang profile niya matapos makipag-chat sa kanya.

Wala siya kaibigang babae. Lahat puro lalake: guwapo, hunk at twinks. Pagkalkal ko ng mga profile picture ng mga nabanggit, nandoon ang pangalan niya, pinupusuan ang litrato ng mga guys.

"Wala. Barkada ko lang."

Ito ang natatandaan kong sinabi niya sa akin noong nakaraang araw. Pero, may nakita akong litrato nilang dalawa ng guy sa men's room ng SM. Silang dalawa lang, magkatabi habang nakaharap sa malaking salamin, holding hands pa. Tapos, 'love' ang tawag nila sa isa't isa sa chat, magdududa pa ba ako?

Okay, wait...'barkada' niya lang daw, bakit ba?!

Comments