Inaswang Ako Kagabi

Isang gabi, habang mahimbing na ang tulog ko, nagising ako dahil sa isang kakaibang ingay mula sa labas ng bahay. Pinakiramdaman ko muna kung ano ang ingay na iyon at kinilala kung anong bagay ang gumagawa nito, bago ako sumilip sa bintana.

Hindi pangkaraniwan ang ingay na parang paikot-ikot lang sa paligid ng bahay. Humahampas ito sa malamig na hangin na parang may iwinawagayway na malaking watawat.

Tapos, pagbukas ko ng bintana, napansin ko ang pagdaan ng isang malaking anino. Nakalutang ito sa ere at mabilis na nawala, halos isang kisapmata, patungo sa madilim na talahiban.

Kinabukasan, nagtataka ako kung bakit alam ng isang katrabaho na sumilip ako sa bintana sa kalagitnaan ng gabi. Napansin ko ring nangangati ang balat niyang namumula na parang sumuot siya sa nagtatalimang damo pero sa huli, ipinagkibit-balikat ko ang sinabi niya.

Nang sumunod na gabi, habang sumasayaw ako sa mga kanta ni Willie Revillame, may napansin akong sumilip sa bintana ng sala ng bahay at biglang nawawala tuwing hahabulin ko ng tingin. Isa siyang malaking nilalang na parang anino at nakalutang sa ere. Namumula ang nanlilisik nitong mga mata at parang nakanganga saka nawawala na parang bula, kitang-kita ko pa ang mga naglalakihan nitong mga pangil.

Pagkatapos, may naririnig akong kakaibang ingay mula sa bubong ng bahay. Katulad ito ng paghampas ng isang manipis na basang panyo sa yero at parang gumagapang pababa sa kisame.

Halos kalahating oras siyang paikot-ikot sa paligid ng bahay. Pagkatapos, kumuha ako ng itak. Ipinarinig ko ang ingay ng paghasa nito sa magaspang na bato, na parang naghahasa ng patalim, saka ito nawala. Hindi na ito muling nagparamdam nang magsaboy ako ng asin at mga butil ng bawang sa paligid ng bahay.

Kinabukasan, nang usisain ko ang bubong, nakakita ako ng mga bahid ng dugo sa bawat matatalim na dulo ng yero. Mayroon pa akong nakitang butas na parang pilit na pinapasok ng isang bagay pero dahil matalim ay nasugat.

Sabi ko, kakaibang nilalang lang ang gumagawa nito na hindi tao o hayop. Sigurado ako.

Pagpasok ko sa trabaho noong araw ding iyon, isa sa mga kasamahan ko ang nagrereklamo. Dalawang gabi na raw siyang puyat, masakit daw ang likuran nito, at hindi raw siya makapagsalita nang maayos dahil marami raw sugat ang dila nito.

Tapos, bago umuwi, may itsinismis siya sa ibang kasamahan na nakita niya raw ako kagabi na sumasayaw raw ako sa mga kanta ni Willie Revillame. Ang sabi niya sa kasamahan namin, "Kitang-kita ko: naka-boxer brief lang siya kagabi, bekshie!"

Comments

  1. nakakapasayaw nga talaga ang ibang kanta ni Willie Revillame....

    ReplyDelete

Post a Comment