Pusanggala

Nakasakay na ako sa jeepney, pauwi na, nang dumating ang isang dalaga at umupo mismo sa tapat ko kahit marami pa siyang puwedeng lugaran.

Maya't maya siyang sumusulyap sa akin, parang may gustong sabihin o anuman, "Payag ka ba...na mawawala ang mga pusa sa mundo?" bigla niyang tanong, halos nahihiya.

Ako naman ang nabigla sa tanong niya. Matagal bago ako makasagot, "Hindi."

"Boss, sa kanto lang!" sabi ng isang pasahero sa tsuper.

Muling umandar ang jeepney pagbaba ng pasahero. Nagtataka ako sa tanong ng dalaga na nakatingin sa labas, inililipad ng hangin ang manipis nitong buhok, saka muling lumingon sa akin.

"Bakit?" tanong niya.

"Maraming dahilan," sagot ko.

"Magkuwento ka, kahit ano lang, tungkol sa mga pusa."

Pagod ako. Pero nang dahil sa dalagang ito, napilitan akong magkuwento ng kung ano na lang: ibig sabihin, isang kuwento siguro na nangyari. Totoong nangyari. Bahala na basta't kung ano na lang ang una kong maisip at maalala.

Oo nga pala, mukhang napagtripan yata ang dalagang ito ng mga barkada niyang gago. Yung hitsura niya kasi, pinagmukha talaga siyang pusa, malapit-lapit na rin sa hitsura ng kengkoy na clown. Mukha naman siyang maganda pero pumangit na lang sa hitsura niya.

Nakakatawa. Pero mukhang hindi siya natutuwa.

Mukhang alam ko na kung bakit gusto niyang mawala ang mga pusa sa mundo.

***

Alam ko, napapansin mo rin na maraming pusa sa company. Pakalat-kalat lang sila, humihingi ng mga malalaglag na pagkain mula sa mga empleyadong kumakain sa canteen, at pagala-gala lang sa isang bahagi ng compound.

Pero, alam mo bang bawal ang mga pusa sa company natin? Alam mo ba ang dahilan kung bakit? Narinig mo na ba?

Ang kuwento nila, ilang taon na ang nakalipas, may isang pusa raw ang nakita ng mga Hapon na nakulong mula sa loob ng dumating na container van na nanggaling mismo sa atin. Isipin mo, ha: pusa rito sa Pilipinas, nakarating ng Japan!

Kumusta ang lagay ng pusa?

Makalipas ang 45-days sa karagatan, buto't balat na raw ito, hindi na halos gumagalaw, at mabaho.

Kahit pa mukhang hindi na ito mabubuhay, ni-rescue raw ng mga Hapon ang pusa at dinala sa isang malapit na Vet clinic. Tinulungan nila ang pusa, ginamot, pinakain, at hindi rin nagtagal, naka-recover. Lumakas ito, sumigla, at tumaba.

Namangha sila sa malaking pagbabago ng pusa, halos hindi na makilala sa una nitong hitsura--noong una nilang nakita sa container van. At isa nga raw binata (anak ng isang negosyante) ang nagkusang ampunin ito. Pinangalanan niya ang pusa ng 'Van.'

Pero hindi naman naging marahas ang may-ari ng company natin sa mga pusa. Naroon lang ang mga pusa, binibigyan naman din ng pagkain pero hindi sinasaktan. Restricted nga lang sila sa mga containter van ng company.

O, ngayon, anong silbi ng mga pusa sa company?

Alam mo namang nasa gitna ng masukal na lupain ang company natin, diba? Maraming ahas, kadalasan, ulupong. Nakakatakot. Ibig sabihin, nabawasan ang mga ahas nang dumating ang mga pusa. Kapag wala ang mga ahas, ligtas ang mga empleyado. Iyan ang silbi ng mga pusa sa company natin.

Pero, alam mo ba, marami pa ring ahas sa company: dalawa nga lang ang paa.

***

"Kuya, sa tabi na lang po!" sabi ng dalagang kinekuwentuhan ko tungkol sa pusa.

Naputol ang pagkukuwento ko, hindi na siya lumingon sa akin. Bumaba siya sa jeepney saka naglakad papasok sa kanto ng Sapang Tagalog.

Umandar ang jeepney. Nagsalita ang tsuper, may sama ng loob: "Pusanggala, hindi siya nagbayad!"

Comments