Hindi Mabuti
"Kumusta ka?"
Tuwing may makikita akong kakilala, lalo na sa company, pangungumusta lagi ang una kong pambungad. Ayos ito bilang mabuting pambulabog. Saka, tanda ko na rin ito ng pagiging mabait.
Lagi akong nangungumusta. Pero napansin ko ring iba-iba sila ng level of approach. Pansinin:
Madalas, "Hello po, Ate/Kuya! Kumusta po?"
Heto pa: "Uy! Kumusta?"
Minsan, ganito ako mangumusta: "O, ano na? Kumusta 'yang pagmumukha mo?"
Ganito rin: "Ano nang nangyari sa pagmumukha mo?"
O kaya simpleng "Hi, kumusta?"
Mahilig akong mangumusta, kahit pa kahapon lang ang huli naming pagkikita, yung tipong, Hi, bii! Kumusta? Long time no see! Na sasagutin naman ng ilan na, John, nagkumustahan na tayo kanina, diba? o kaya John, para kang tanga. Kanina lang tayo nagkita, nangungumusta ka sa akin uli!
O kaya ganito: mamemerhusiwyo ako ng isang kakilala sa company gamit ang pangungumusta: Hi Ate/Kuya (pangalan)! Kumusta po? Merry Christmas po! (binati ko isang linggo bago sumapit ang mahal na araw)
Tuwing mangungumusta, mapapansin kong lumuluwag ang hitsura ng mga kinukumusta ko, parang makakawala ang hininga nila sa isang plastik, tapos gagaan ang pakiramdam nila nang bahagya. Ganito rin naman ako sa chat pero syempre, hindi ko nga lang makita kung ano ang magiging hitsura nila pagkatapos mangumusta.
Tapos, sasabihin ng iba kung ano ang mga nararamdaman nila, mga pinagdaraanan sa buhay, at ano na ang lagay ng buhay nila ngayon. May iba na nagpapasalamat sa pangungumusta at yung ibang kinukumusta, kinukumusta rin ako bilang pasasalamat sa pangungumusta ko sa kanila.
Whew!
May mga dapat ka bang kumustahin ngayon? Sige na, kumustahin mo sila.
***
Minsan, may kinumusta ako sa chat na matagal ko nang hindi nakikita at nakakausap. Masaya siya nang kinumusta ko siya saka siya nagpasalamat. Ang sabi niya, nakakagaan daw sa pakiramdam ang simpleng pangungumusta kong iyon pero hindi niya naman sinabi sa akin kung ano nga ba ang nagpapabigat sa kanya (tumataba? Joke!).
May pinagdaraanan siya, at hindi ko na nalaman dahil hindi naman ako nagtanong o nang-usisa pa. Pagkatapos, bigla na lang siyang naglaho. Hanggang ngayon, nahihiwagaan kaming mga kasamahan niya kung nasaan siya at ano na ang lagay ng buhay niya ngayon.
Ayos lang ba talaga siya noong mga panahong iyon? Napagaan ko nga ba ang pakiramdam niya? Bakit bigla na lang siyang nawala? Sana, nasa mabuting lagay siya ngayon.
Lahat naman ng tao, may kanya-kanyang pinagdaraanan. Kaya lang, may mga tao ring naililigtas mula sa kalungkutan nila o sa mga pinagdaraanan nila (o 'silent battle') nang dahil lang sa simpleng pangungumusta. Hindi mo man sila matulungan sa kung anuman ang nagpapabigat sa kanila, pero malaking ambag na ang pangungumusta para muli silang lumaban.
Ikaw, kumusta ka?
***
Sa totoo lang, naiinggit ako sa mga taong natutuwa dahil sa pangungumusta ko. Legit ang pakiramdam nila na gumagaan at sumasaya sila sa kabila ng mga pinagdaraanan nila sa buhay...dahil sa simple kong pangungumusta.
Iba kasi akong mangumusta. Kapag nangungumusta ako, may halong 'concern' sa kasalukuyan nilang kalagayan, wala nang iba.
Marami rin namang nangungumusta sa akin. Hindi naman ako naghahanap. Sa katunayan, wala pang nangungumusta sa akin na tumatagos o humahaplos sa puso ko katulad ng ginagawa ko sa iba. Gusto ko rin sanang maranasan ang ganoong uri ng tuwa sa simpleng pangungumusta kaya lang, wala namang may concern sa akin.
Inuulit ko: Hindi naman ako naghahanap. Hindi rin naman ako nakikiusap.
Kung mayroon mang nangungumusta sa iyo, na walang ibang motibo o intensyong hindi maganda, magpasalamat ka sa kanya. Patunay lang 'yan na ang taong iyan ay concern sa iyo dahil mahalaga ka sa kanya (sana, totoo).
***
Kumusta ako?
Heto, hindi mabuti.
Comments
Post a Comment