Kuwentong Motor

February 1, 2022. 10 p.m. to 6 a.m. ang shift ko sa company. FTE pa ako noon.

Nagmamadali ako sa kahabaan ng Rome Street nang hintuan ako ng isang Food Panda delivery boy. Sabi niya, umangkas na lang daw ako sa kanya para makatipid ako sa pamasahe. Tinanggihan ko noong una kasi wala akong pang-tip kung aangkas ako sa kanya pero ang sabi niya, ayos lang daw. Ang balak ko, sasakay ako sa company shuttle service dahil ayokong sumasakay ng jeepney, at para hindi na ako mamasahe dahil kulang na ang allowance ko.

Sumakay na lang ako dahil naghihintay sa akin si kuya. Saka...para naman maranasan ko rin ang sumakay at umangkas uli sa single na motor.

Mabilis lang kaming nakarating sa San Miguel. Mabilis siyang magpaandar ng motor niya na halos gusto kong yumakap sa katawan niya dahil sa takot. Nahihirapan akong huminga noon dahil sa lakas ng hangin at medyo asiwa ako sa lagay naming dalawa.

Nagpasalamat naman ako pagbaba ko sa Caltex. Hindi ko na siya nakita mula noon.

***

Ang pinakahuling pag-angkas ko sa motor e yung naroon ako sa San Miguel, Bulacan, bago sumapit ang lockdown ng pandemya noong 2020. Kasama ko ang kapwa ko striker noon na si Angelo at siya ang driver. Sa hindi malamang dahilan, 'Hapon' (as in 'Japanese') ang tawag ng lahat sa kanya. Siguro, naging basehan ang singkit niyang mata para tawagin siyang 'Hapon.'

Striker kami sa RC quarters. Bumili kami noon ng feeds para sa mga native pigs na alaga nina Sir Uayan sa FSRR. Ako ang tinawag ni Hapon para samahan siyang bumili sa Tartaro.

Takot ako noong una dahil liblib-pook ang dinaanan namin kung saan hindi ako pamilyar. Dumaan kami sa likod ng kampo, paakyat sa bundok, pababa sa hausing at papunta sa isang baryo.

Aaminin ko, gusto kong umiyak noon dahil sa sobrang takot ko sa pagsakay ko sa motor. Tiniyak naman ni Hapon na maingat siyang magmamaneho at hindi kami madidisgrasya sa kalsada. Hindi na iyon naulit pagkatapos, kahit pa umaasa akong tatawagin niya ako uli para umangkas sa minamaneho niyang motor.

***

January 16, 2021. Nakilala ko siya sa Tarlac. Nagkakilala kami dahil sa isang pangyayaring kami lang ang nakakaalam sa isang lugar doon sa Tarlac. Nagpalitan kami ng contact number pagkatapos magkakilala, at nagkasundong magkita rin sa lugar na iyon makalipas ang isang linggo.

Nagkita nga kaming dalawa sa parehong lugar noong hapon ng araw na iyon--January 23, 2021. Nasa sulok kami ng food court na iyon sa Tarlac at nagkaroon ng mahabang kuwentuhan habang tuwang-tuwa kami sa isa't isa.

Masaya ako nang muli ko siyang nakita. Pero mas masaya siya sa akin lalo na tuwing tinititigan niya raw ako--ang mga mata ko, ang mga tingin ko sa kanya, ang ilong ko, labi ko tuwing ngingitian ko siya, lalo na ang ngipin kong pantay. Sa katunayan, naiinggit siya sa akin dahil hindi ko kinailangang magpa-brace para pumantay ang mga ngipin ko kumpara sa kanya. Tuwang-tuwa siya sa akin. At ganoon din ako sa kanya.

Kinagabihan, hinatid ko siya sa kung saan siya nangungupahan. Nagpatuloy kami sa kuwentuhan habang naglalakad. Pagdating namin sa isang madilim na street, doon na kami nag-holding hands habang naglalakad kahit nagkakahiyaan sa isa't isa.

Paghatid ko sa kanya, agad na rin akong nagpaalam. Akala ko, agad akong makakauwi paghatid ko sa kanya pero hindi pala. May nangyari agad sa aming dalawa, doon sa kuwarto niya.

Nang matapos na kami ang sabi niya, ihahatid niya raw ako sa amin. Sabi niya, may motor daw siya at Apollo ang pangalan (may motor nga siya, astig!!!). Siyempre, namangha ako kasi may motor siyang maganda.

At dahil alas otso na iyon ng gabi, tumanggi na akong ihatid niya ako sa amin dahil 1) ayokong maabala pa siya ng dahil sa akin, 2) inaalala ko ang safety niya, at 3) hindi ko na sinabing takot akong umangkas sa motor. The end.

Kung alam ko lang na iyon na ang una't huli naming pagkikita, sana umangkas na lang ako sa motor niya. Sana pala, pumayag na lang akong ihatid niya ako pauwi sa amin. Nagsisisi ako.

Hindi na kami nagkita, kahit kailan.

***

February 2, 2022. Pagkatapos ng nakakapagod na nightshift, saglit akong umakyat sa training center ng P2 para sana kausapin ang isang P.E.-Training personnel na kilala ko. Alas seis ang uwian namin pero naghintay pa ako ng hanggang alas seis y media para lang makita siya pero hindi siya dumating. Huli ko nang nalaman na naka-scheduled leave pala ang tanga kaya umuwi na lang ako.

Hindi na ako nagmadali sa paglakad dahil alam ko namang may uuwi pa ng alas seis y media pero sa locker pa lang, napansin kong wala nang mga umuuwi ng oras na iyon. Dito na ako kinabahan at nag-alala paglabas ko ng Gate 2: wala akong makita ni isang company shuttle service! Bigla akong nanlumo: "Paano ako lalabas ng L.I.P.?!" (Luisita Industrial Park)

"May darating pang sasakyan papuntang Robinson's. Makisakay ka na lang," sabi ng isang gagong sekyu. Quarter to 7 na ng umaga, wala pang dumarating!

Mabuti na nga lang at dumating ang isang kakilalang papasok na nakamotor. Ang sabi, wala nang service dahil hanggang alas seis lang daw ang shifting ng company at wala nang uuwi ng alas seis y media.

Hala siya...

Quarter to 7. Tanggap kong alas dyes na ako makakauwi sa amin kaya naghintay na ako ng mga lalabas ng LIP. Sampung minuto bago sumapit ang alas siyete ng umaga, dumating ang dating kasamahan namin sa team. Nagtataka siya kung bakit alas siyete na ng umaga e naroon pa ako sa Gate 2.

"Nahuli po ako sa pag-out," sabi ko.

At doon niya inalok na sumabay na lang ako sa mister niya, sa motor niya (oo nga naman, sa Capas nga naman sila umuuwi!).

Iyon ang unang pagkakataon na nakasakay ako ng motor sa teritoryo ng LIP. Malamig ang umagang iyon, bumabati ang magandang sinag ng araw, at maganda at maaliwalas ang kalangitan. Mabilis magpatakbo ng motor ang driver pero ramdam kong ligtas ako sa kanya. Hindi ako takot umangkas.

Natawa na lang ako ng umagang iyon, sa ideyang nakarating ako kagabi sa San Miguel sakay ng motor at nakauwi rin ako sa amin sakay din ng motor. Sana, araw-araw ganito (nalilibre ako sa pamasahe pero kinakaltasan naman kami sa company shuttle service ng Php 12, sumakay man kami o hindi).

***

Inggit ako sa mga marunong magmotor. Hindi ko alam kung alin ang magandang motor at magandang sakyan pero parang gusto kong matutong magmotor. Gusto kong magkaroon ng motor at gusto kong magmotor!

Siguro, ako lang ang hindi marunong magmotor sa mga kaibigan ko. Napapansin ko iyon dahil tuwing uwian, lahat sila may kanya-kanyang motor samantalang ako, umaasa lang sa company shuttle service. Naisip ko na ring bumili ng sariling motor para naman madali sa akin ang pagpasok ko sa company pero dahil sa rami ng bayarin, hindi ako nakakapag-ipon ng pambili.

***

Ang goal ko ngayong taon: mag-ipon na ng pambili ng motor, kahit de-padyak lang!

Comments