Request

Siya
Napansin ko na siya noon pang 2020. Nakakasabayan ko siya sa company service tuwing nag-aabang sa kanto ng Kirot sa Sapang Tagalog.

Panay ang tingin niya sa akin. Ilang beses ko na siyang nahuhuli. Minsan pa, nagpantay ang mga paningin namin habang nag-aabang o nasa service. Agad ding nag-iiwasan.

Lagi niyang pinipiling umupo sa likod ng bus. Mapag-isa. Kahit marami siyang katabi, lagi lang siyang tahimik. Kapag kinakausap, isang tanong, isang sagot.

Nakasabay ko na rin siya sa jeepney noon.

Pag-upo ko, naroon siya sa tapat ko. Tinitigan ko siya. Umiwas ako ng tingin nang mapansin niyang nakatitig ako sa kanya.

"Boss, bayad po," at sinabi niya ang bababaan niya (malapit lang din pala sa amin!).

Hindi ko naman siya kilala. Nakikita ko lang siya. Hindi ko alam kung anong meron sa kanya pero muli ko siyang tinignan at umiwas nang tingin tuwing tititig siya sa akin.

Naisip ko, ang cute niya. Pero suplado.

Ako
Nakasabay ko na rin siya sa jeepney noon.

Pagbayad ko, doon ko napansing nakatingin siya sa akin. Umiwas siya pagtingin ko sa kanya.

Hindi ko na matandaan kung kailan pa iyon nangyari. Hindi ko na rin siya nakita.

Noon ko pa siya napapansin, taong 2020 noong baguhan pa ako sa company. Ang akala ko, siya ang isang kakilala sa company namin na gusto ko sanang makasabay at makakuwentuhan dahil kilala siya ng pamilya namin. Pero sa ikalawang tingin, ibang tao pala.

Agad akong umiwas ng tingin nang magtama ang paningin namin. Nakatayo lang ako roon sa kanto ng Kirot sa Sapang Tagalog at nag-abang ng company service.

May mga pagkakataong habang nasa likurang bahagi ako ng bus, napapansin niya ang pagtingin ko sa kanya. Agad akong umiiwas. Siguro, dalawa o tatlong beses ko na siyang napagkakamalan na siya ang kaibigan ko at hindi ko alam ang dahilan kung bakit panay rin ang tingin niya sa akin.

Hindi ko siya gaanong namumukhaan dahil pare-pareho kaming naka-face mask gawa ng pandemya, pero kinilala ko ang hitsura niya para iwasan siyang tignan sa susunod na makikita ko siya, lalo na ang kanyang mga matang singkit.

Kinalaunan, nakalimutan ko rin siya.

2022
Isang kakilala sa company ang biglang lumapit sa akin. Ang sabi niya, may ipakikilala raw siya sa akin. Sinabi niya ang pangalan pero hindi ito pamilyar sa akin.

Ang sabi ng kakilala kong ito, single daw itong ipakikilala niya sa akin.

O, e ano naman ngayon? Hindi naman ako naghahanap ng makakarelasyon.

Ipinakita niya sa akin ang litrato ng taong ito. Doon ako nabigla: ang taong ito at ang nakakasabayan ko sa kanto ng Kirot, ay iisa! Nakilala ko siya dahil sa mga mata niya.

Hindi naman masama. Ang totoo, mukha pa siyang lapitin ng mga lalake. Malinis siyang tignan. Mukha siyang masiyahin dahil mababakas iyon sa mga mata niya at mukhang lagi siyang nakangiti...iyon ang isang bagay na wala ako.

Kinagabihan (ala una ng madaling araw), napansin kong may nag-chat (message request) at friend request sa akin noong hapon.

Nang usisain ko, nagulat ako nang makita ko siya.

Hindi ko alam kung bakit pero napangiti ako nang hindi ko namalayan. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin o gagawin. Natulala ako, halos hindi makagalaw.

May ilang beses ko pang tiningnan ang profile picture niya para masabing siya na nga iyon pero walang nagbago sa hitsura. Siya na nga iyon, walang duda.

Nagdalawang-isip ako kung tatanggapin ko ang request niya o hindi.

Comments