Si Akiles
Nawala sa katinuan (o nabaliw) ang kumare namin. Lagi niyang sinisigaw ang "Dumating na si Akiles!" pero wala naman kaming ideya kung sino si Akiles. Tapos, ang sabi pa ng mga kaanak niya, matindi raw ang takot niyang humarap sa aparador na naroon mismo sa kuwarto nila.
Hindi na siya makausap nang matino. Sayang nga lang dahil mabait pa man din ang kumare naming iyon, lalo na kapag nagpapautang. Pero, hindi nga lang sa oras ng singilan.
***
Minsan na siyang napaaway dahil sa isang taong umutang sa kanya na matagal nang hindi nagbabayad. Ginyera niya ito at nag-eskandalo sa harap ng bahay nila, at ipinabarangay niya para pahiyain at siraan sa madla na hindi ito nagbabayad ng utang. Nakakapanggigil ang ganitong estilo ng paniningil niya, na kinalaunan naman ay nagbago.
Oo, nagbago na siya...at lumevel-up pa sa social media!
Ang alam ko, in-unfollow ko siya sa Facebook dahil nakakabuwisit yung mga maya't maya niyang post na puro patama at parinig sa mga taong may utang sa kanya. Minsan, nagbabanta na siyang i-tag o i-mention pa ang may utang sa kanya at ang malala, humahakot pa siya ng iba pa niyang kumare na makakampihan niya para pahiyain ang taong ito nang dahil lang sa di mabayarang utang.
Hindi naman mayaman ang kumare naming ito. Wala rin naman siyang negosyo kahit sana pagbebenta lang ng tigpi-pisong yelo sa bahay nila. Sa halip, umaasa lang siya sa asawa nitong kakarampot lang ang pensyon bilang retiradong guro.
Hanggang sa ito na nga ang huli niyang status sa Facebook bago siya mawala sa katinuan, na bakit hindi pa raw nagbabayad ng utang ang isa niyang kamag-anak? Tatlumpung libong piso lang naman daw iyon, kayang-kayang bayaran ng anak nitong nagtatrabaho ngayon sa Saudi Arabia, bakit hindi man lang daw ito makaalala at mabayaran?
"Napakakunat mo talagang kamag-anak!" dagdag pa nito sa huli, at doon nagsimula ang mahabang bangayan ng tinutukoy niyang kamag-anak, sa comment section.
Naglabas sila ng kabulukan ng isa't isa na pinagpyestahan ng mga kumare naming tsismosa. Hinugot nila ang bigat at sama ng loob nila sa isa't isa from their ancient past. Sa huli, nakakahiya at nakakaawa ang kamag-anak niya sa lagay na iyon.
"Hintayin mo, parating na ang araw na sisingilin ka ni Akiles!" reply ng kamag-anak niya sa kumare namin at doon nagtuldok ang usapan.
At makalipas nga ang isang araw, binulabog kami ng isang balita na bigla siyang nawala sa katinuan. Walang nakakaalam kung paano at anong dahilan. Wala rin kaming alam kung sino ang Akiles na bukambibig ng kumare naming baliw.
Nahihiwagaan kaming lahat at nagtatanong: "Sino nga ba si Akiles?"
***
Ayon sa mapagkakatiwalaang source ng mga kumare naming tsismosa, negosyante raw pala itong si Akiles doon sa bayan namin. Nagbebenta raw ito ng mga gamit tulad ng appliances, mga gamit sa kusina, at home furniture. Bumili raw ng aparador ang kumare naming ito kay Akiles noon at ang nangyari, hindi niya binayaran ang nasabing aparador, na siyang kinatatakutan niya ngayon doon mismo sa kuwarto nila.
Namatay si Akiles, isang araw bago mabaliw ang kumare namin. Nagpapakita raw ang multo ni Akiles sa malaking salamin ng kanilang aparador at may mga binubulong sa hangin na nakakapangilabot, habang hawak nito ang pulang notebook.
***
Isang araw, lakas-loob na akong bumisita sa kumare namin para kumustahin siya. Kalunos-lunos na ang hitsura niya at malayo sa maganda nitong hitsura. Hindi siya makapaniwala sa pagdalaw ko at hindi ako kaagad nakapagsalita.
"N-nakita mo na ba si Akiles?" tanong niya sa akin.
"Hindi. Hindi ko siya kilala," sagot ko.
"Alam mo bang nasa unang listahan ni Akiles ang pangalan ko...sa notebook na iyon?"
"Hindi," maingat kong sagot. "Bakit naroon ang pangalan mo?"
"Hindi ko kasi binayaran ang aparador na inutang ko sa kanya bago siya mamatay."
"Ano namang kinalaman ng notebook na 'yon sa iyo?"
"Ang sabi niya..." lumapit siya sa akin saka bumulong, "Mumultuhin niya raw ang mga hindi nagbayad sa kanya ng utang hanggang mabaliw!"
Napahawak ako sa dibdib ko nang biglang magwala si kumare.
Comments
Post a Comment