Simula
Trahedya
Nakulong ang tatay ng kalaro ko. Natalo siya sa isinampang kaso ng pagpatay. Ang sabi, tuliro na raw siya at hindi na makausap.
"Mabubulok ka sa kulungan!" sumpa ni mama sa kanya saka niya ako niyakap nang mahigpit. Maingat lang dahil iniiwasan niyang masagi ng mga kamay niya ang mga sugat sa mukha ko.
Pero, bakit nga ba siya nakulong?
Simpleng dahilan lang: napatay niya ang tatay ko.
***
Noong nakaraang linggo, sumugod sa bahay namin ang tatay ng kalaro ko. Matindi ang galit niya. Nakakatakot.
Ang malala, hinugot niya ang baril niya saka itinutok kay mama. Si mama lang dapat ang matatamaan pero itinulak siya ni papa kaya siya ang nakasalo ng bala.
Naghahapunan na kami nang sumugod siya sa loob ng bahay. Nagulat ako sa pagputok ng baril. Nakita ko pa ang pagtagos ng bala sa dibdib ni papa, sakto sa puso, saka sumaboy ang dugo niya sa lamesa bago siya bumagsak sa sahig.
Nakarinig ako ng sigaw kahit tinakpan ko na ang tainga ko. Nakatago na ako sa ilalim ng lamesa. Sa kabilang panig, nakita ko ang nakahandusay na katawan ni papa sa sahig. Wala nang buhay habang yakap ni mama.
Naisip ko, hindi naman siya pulis o sundalo para magkaroon ng baril.
Nawala siya ng ilang araw pero natunton din siya ng mga pulis at hinuli.
***
Ang paliwanag niya, si mama lang daw talaga ang balak niyang barilin. Galit siya kay mama dahil nagsumbong daw sa kanya ang misis niya. Ang sabi, ipinagkakalat daw ni mama sa mga kumare nito na isa raw siyang pusher.
Kung totoong hindi talaga siya pusher, bakit siya nambaril? Bakit ganoon na lang katindi ang galit niya? Saka, hindi gawain ni mama ang maki-tsismis, hindi kagaya ng misis niya mismo.
Maraming beses na rin naman siyang nagbanta sa amin, noon pa. At nang dahil sa mga pagbabanta nila, agad namin silang ipina-blotter sa pulis pero hindi kami nagbanggit ng tungkol sa droga.
Ayaw namin ng ganoong uri ng gulo dahil mas gusto namin ang buhay na tahimik.
Isa pa, hindi naman nanggaling kay mama ang tungkol sa droga. Bilang may-bahay, maghapon lang siyang nasa bahay at madalang makipag-usap kung kanino lalo na kung hindi mahalaga. Wala siyang panahon na makialam o mang-usisa ng buhay ng iba dahil abala siya sa pag-aasikaso sa amin ni papa.
Pero ang isinumbong pala sa kanya ng misis niya, kay mama raw nagsimula ang nabanggit na tsismis.
***
Nanay din ng kalaro ko ang nagkalat ng ganoong tsismis laban sa sarili niyang asawa, na ipinapasa niya ngayon kay mama dahil galit siya kay mama (kung bakit galit din ang babaeng 'yon sa sarili niyang asawa e hindi namin alam). Marami siyang sinabing masasakit at walang kuwenta.
Tahimik lang din naman si mama, pero hindi niya hinayaan ang mga ganoong paratang kaya lumaban siya sa nanay ng kalaro ko. Napakarami niyang panlalait. Akala mo, yayamanin samantalang pare-pareho lang naman kaming iskwater sa tabi ng dugyot na estero. Hindi akma ang kaartehan.
Lumaki ang gulo. Nagpalitan sila ng suntok, tadyak, sampal, sabunot at kalmot. Ayaw nilang magpatalo sa isa't isa at hindi sila maawat ng mga uugod-ugod nang mga tanod nang magkita sila sa barangay hall. Di kalaunan, nalaman din nila ang pinag-ugatan ng away nila.
"Kung away lang sana ng bata, huwag na sana kayong makisawsaw!" sermon ng kagawad, nakatikim pa sila ng malutong na mura pagkatapos.
Sumang-ayon naman si mama pero nanindigan siya. Sila raw ang dapat na gumastos sa pagpapagamot sa napunit kong mukha, na kagagawan ng gago kong kalaro.
***
Mahaba at malalim. Ganyan ko maipapakita ang malaking hiwa sa mukha ko mula sa kaliwang anit pababa sa kanang pisngi. Kagagawan iyon ng kalaro ko. Hinataw niya iyon sa akin gamit ang bago kong laruan na iniregalo pa sa akin ng tiyahin kong Japayuki mula sa Yokohama.
Napahiyaw ako sa tindi ng sakit na ginawa niya gamit lang ang laruan kong iyon. Natumba pa ako sa lapag habang tuloy-tuloy ang pag-agos ng masaganang dugo. Akala ko, mamamatay na ako.
Walang reaksyon ang kalaro ko. Maluha-luha si mama nang kunin niya ako sa kanto saka sinigawan ang kalaro ko, na bakit niya ginawa ang ganoon sa akin.
"Ayaw niya kasing pahiramin sa akin ang laruan niya, eh!"
Kinausap ni mama ang mga magulang ng kalaro ko. Sa huli, ayaw akong ipagamot ng mga magulang ng kalaro ko dahil kasalanan ko rin naman daw. Nagkainitan sila at doon nagsimula ang gulo.

Sumpa
Sa lahat ng uhugin kong mga pinsan, ako lang ang pinakapaboritong pamangkin ng tiyahin ko na pinasalubungan niya ng de-susing laruan nang magbalik-bayan siya kasama ang fiancee niyang Hapon. Nagalit sa akin ang mga pinsan ko dahil inggit sila sa bago kong laruan. Bakit meron ako at sila ang wala? Kung bakit, hindi ko alam.
Ninakaw na iyon ng pinsan ko sa akin. Ang alam ko, naitago ko lang iyon sa kung saan pero nang bumisita kami sa bahay nila, doon ko na nakita ang laruan ko, sa kuwarto niya. Syempre, kinuha ko dahil akin 'yon. Bigay iyon sa akin. Pag-aari ko.
Nag-away kami ng pinsan ko dahil doon. Ang sabi niya, napakadamot ko raw.
Hindi ako umimik, lalo na nang magsalita siya. "Isaksak mo sa mukha mo 'yan hanggang magdugo ka!"
Hindi ko pinansin noong una pero natakot ako. Malay ko ba na dumating ang araw na nagkatotoo ang sinabi niya.
Kung alam ko lang, sana hinayaan ko na lang ang laruan kong iyon sa kanya.
Decluttering
Sabi ko, mag-aayos ako ng gamit ko sa kuwarto pagsapit ng birthday ko, sa Rizal Day. Kasi naman isipin mo, ha: isang taon din akong hindi nag-ayos ng aparador mula nang matanggap ako noon sa isang Japanese company sa San Miguel, Tarlac. Sobra na akong busy at pagod kaya hindi ko na 'yon nagagawa. Isa pa, gusto ko ring magmukhang 'aparador ng matino' ang espasyo ko sa kuwarto pagsapit ng 2023.
Napakarami kong nakitang kalat na dapat ko nang itapon gaya ng mga resibo, plastik, paper bag na hindi na nagamit. Mga bote ng kung ano-ano, pinagbalatan ng mga pagkain at tissue, mga sulat mula sa mga taong hindi ko na dapat pang nakilala, litrato na ibinigay sa akin ng isang taong hindi ko na lang din sana nakilala, mga papeles, at higit sa lahat--ang laruang de-susi na nasa isang kahon.
Napahinto ako. At naalala ko uli ang mga nangyari. Naroon pa rin ang sakit na hindi na dapat bumalik. Para akong dinadaganan at sumisikip ang dibdib ko. Hindi ako makalimot.
Sabi ko, mahalaga sa akin ang laruang iyon kasi ibinigay iyon sa akin. Pero, kaakibat nito ang isang masakit na nakaraan nang dahil lang din naman sa laruang ito. Iniregalo iyon sa akin, dapat ko pa bang pahalagahan?
Habang nanginginig, dinala ko sa terrace ang laruang de-susi at dinurog gamit ang bola ko ng shot put. Sa ikaanim na pagdikdik, nagkapira-piraso ang laruan. Tumigil na lang ako noon nang umihip ang malamig na hangin, na para bang nagsasabing "Tama na. Ayos na."
Nakahinga ako nang maluwag na hindi ko pa naranasan mula nang mangyari ang trahedyang iyon.
At, ramdam ko sa mga sandaling iyon, na mukhang magiging maganda ang simula ng pagpasok ng 2023.
Comments
Post a Comment