Meet Up
Nakilala ko lang siya sa isang dating app. Matapos ang ilang pakikipagkuwentuhan, gumawa na siya ng unang move. Gusto niya raw ng sex.
Sagot niya raw ang lahat ng expenses--motel, food, lubricant at condom.
"Ba't may condom?" tanong ko.
"Gusto kong tirahin mo ako," reply niya.
Asiwa akong magbottom ng kapwa lalake kaya hindi ko iyon ginagawa. Maraming beses ko na 'tong pinalampas sa rami ng mga naka-meet up ko dahil takot ako.
"Huwag kang mag-alala, safe ako," paniniguro niya pero hindi ako basta nagtiwala.
Sa huli, nagpunta pa rin ako.
***
Linggo ng hapon ang meet up namin sa isang motel sa Matatalaib. Alas tres ng hapon ang oras ng pagkikita namin pero ala una pa lang, bumiyahe na ako papuntang Tarlac kahit ubod ng init.
Pagdating sa San Miguel, napansin ko ang pagsakay ng isang binata saka tumabi sa akin sa mojeep. Guwapo, sing-tangkad ko, payat at moreno. Nakasuot siya ng isang puting polo at maiksing itim na short.
Maliban dyan, napansin ko na kaagad ang pagiging tuliro niya habang katabi ko. Maya't maya ang bukas niya ng Messenger at panay ang libot niya sa Facebook, ano-anong mga pangalan ang kinakalkal. Mangiyak-ngiyak na rin siya sa dismaya.
Naging ganoon ang kilos niya hanggang makababa siya sa MetroTown. Bago siya bumaba at sumakay papuntang La Paz, nagawa ko pa siyang kumustahin dahil hindi na siya mapakali.
Ayon sa kanya, natuklasan niya raw na may ibang lalakeng nilalandi ang boyfriend niya. Hindi ko na nalaman ang buong detalye pero nagbigay na lang ako ng ilang mga payo na magpapagaan ng loob niya, saka siya bumaba sa MetroTown. Dagdag niya, alam niya na raw kung nasaan silang dalawa ngayon--ang boyfriend niya at ang kalandian nito--kaya naroon siya para mangumpronta.
Kinalimutan ko agad ang tungkol sa kanya, at bumiyahe na papuntang Osias.
***
Pagbaba ko sa Osias, agad naman din akong nakasakay ng jeepney papuntang Matatalaib. Naghintay lang ako ng higit limang minuto sa isang gasolinahan bago siya nakarating. Maya-maya, dumating ang katagpuan ko sakay ng tricycle, galing pa raw siya sa San Rafael.
Nagpakilala siya sa akin. Nakipagkamay, nakatingin siya sa akin, at nakangiti.
"Ako si John," pakilala ko rin naman.
At saka namin tinungo ang tinutukoy niyang motel na malapit lang sa isang gasolinahan, sa crossing papuntang La Paz.
***
Pagpasok namin sa compound, agad na siyang umakbay sa akin. Nairita ako noong una pero hinayaan ko na lang hanggang makapasok kami sa motel reception.
Pagpasok, agad siyang napahinto. Kumalas siya mula sa pagkakaakbay niya sa akin. Pagkalas, bigla siyang lumayo sa akin. May binanggit siyang pangalan ng lalake na naroon mismo sa harapan niya. Ang lalakeng ito at ang nakasabayan kong tulirong binata sa mojeep--ay iisa!
Nakita ko siyang umiiyak habang tinitignan kaming dalawa. Nanggigil.
Napansin ko rin ang hawak niyang gunting. Kung mayroon man siyang gagawin na hindi maganda, alam ko, hinding-hindi niya iyon pagsisisihan.
Bago pa siya pigilan ng lahat, agad niya nang naisaksak ang gunting sa leeg ng ka-meet up ko.
Comments
Post a Comment