Pito

Pitong taon na ang blog kong ito noong June 8, 2019. Ni hindi ko man lang naalala sa sobrang dami ng inaalala ko. At medyo nakakabigla lang dahil parang ngayon ko lang din nalaman (o napagtantong) may pinapatakbo pala akong blog tulad nito (que horror!).

Masyado akong abala noong linggong iyon bago ang nabanggit na araw. Inasikaso ko ang mga mahahalaga kong papel sa buhay kasabay ng pag-alalay kay kuya na mag-enroll (ang mahal pa rin ng matrikula!). May ibang papel din ang ipinalalakad sa akin itong mga housemates ko at marami pang iba na hindi ko na iisa-isahin pa rito.

"O, e ano naman ngayon?"

So, iyon na nga at napansin ko lang na sa buong linggo na iyon--hindi lang noong linggo na iyon kundi noon pang mga nakaraang buwan hanggang ngayon--wala akong ibang kaharap kundi ang mga papel. Mahalaga man o hindi, hindi tumitigil ang pagkakataon na humarap ako sa kung ano-anong mga papel. Sa madaling sabi, masyado na pala akong busy.

Dokumento, resibo, listahan, libro... paikot-ikot at paulit-ulit. Sinusundan na nga nila ako hanggang sa panaginip at nakakapraning ang ganyan kung minsan! Minsan naman, sa sobrang dami nila e hindi ko na alam kung ano at alin ang uunahin.

Ito malamang ang isa sa mga dahilan kung bakit nahihinto na akong sumulat na lang ng mga kung-ano-ano. Pati journal na sinimulan ko na ilang taon  nang bakante ay hindi ko na rin naitutuloy liban sa dahilan na nakakalimutan ko at/o tinatamad na akong magsulat. Tulad na rin ng una kong nabanggit, noon ko lang din nalaman na may ganitong blog din pala akong pinapatakbo.

Pero, papel man ang pinag-ugatan ng mga problema ko na kababanggit ko lang kanina, mahalaga pa rin ang mga ito sa buhay natin. Naisip ko kasi na kadikit na ito ng buhay natin mula nang ipinanganak tayo. At malamang, hindi natin malalaman ang sariling pangalan kung hindi iyon isinulat sa papel.

Kung ganoon, salamat sa mga punong ginawang papel. Hindi kasi mabubuo ang bawat nilalaman ng blog na ito kung hindi ito nagsimula sa papel kahit pa maraming imperfections mula content, down to the technical aspect (excuse my english!). At hanggang ngayon, parang hindi ko pa rin naiintindihan itong mga sinusulat at sinasabi ko, at kung may silbi o wala.


Di bale na nga, happy 7th na lang!

*maisingit ko lang ang music video na 'Papel' with Joey Ayala, Gloc-9 ft. Denise Barbacena & Silverfilter

Comments