Workloads

"Kuya, diba sa akin ang workloads na 'to?"

"Oo," sagot ko.

Sasabad ang isa pang operator, "Kuya, diba sa akin ang branch na ito...saka ito?" turo niya sa board at mukhang nagtatalo sila ng isa pang operator na ayaw tumanggap ng workloads.

"Hindi, sa kanya iyan. Heto, oh," at itinuro ko ang nakalagay sa draft ng instruction sheet (o I.S.) na hawak ko.

"Kuya," reklamo ng isa niyang kasamang ayaw tumanggap ng workload. "Hindi 'yan sa akin! Wala naman dito sa I.S. ko!"

Paliwanag ko, "Sa iyo yan, hindi pa nga lang updated ang IS. Bukas ko pa lang mai-issue ang bago pero ngayon pa lang, gawin mo na para makabisado mo na."

"Hindi puwede!" nagprotesta siya. "Hindi ko muna 'yan gagawin kung wala pa sa I.S. ko!"

Nagulat ako sa inasta ng operator at nakaramdam ako ng tensyon sa pagitan naming dalawa. Gusto ko siyang patulan pero nagpigil ako. Hinayaan ko na lang na umakyat hanggang sa mukha ko ang galit ko, pero hindi ko na pinahalata. Kailangan kong kontrolin ang galit ko dahil kung hindi, e baka mahampas ko sa kanya ang fire extinguisher na nakikita ko sa dulo ng linya.

Nagsimulang umandar ang conveyor pagkatapos ng meeting. Nang kilatisin ko ang workload niya, halos wala na siyang gawin habang sobra nang hataw ang iba niyang kasamahan. Daldal pa siya nang daldal at tawa pa nang tawa habang nagtatrabaho.

Yung inspector at leader, galit na rin sa kanya dahil sa mga gawa niyang reject. DTS trainee pa lang siya pero napakayabang na. Regular uniformed personnel na ako sa kumpanyang ito pero tinalo pa ako ng DTS lang na parang tagapagmana ng kumpanya kung umasta sa isang staff na kagaya ko. Hindi rin siya nakikinig ng sermon sa kanya ng supervisor ng production, at ginagawang biro lang ang lahat.

Assembly
Photo Credit: dharz.Tv

Pagkatapos ng ilang background check, nalaman kong may kamag-anak pala siya na may posisyon sa kumpanyang ito. Hindi na ako nagtaka kung bakit malakas ang loob niyang magyabang. Well, hindi naman siya ang nagpapasahod sa akin para angasan nang ganoon.

Nagmatigas ako. Wala siyang magawa. Ako rin ang sinunod niya sa huli.

Comments