Food Poisoning
Nakatingin ang lahat sa head ng catering ng canteen na kasalukuyang nakatulala (yung para bang nagulat) at hindi nagsasalita. Nakatayo siya sa tabi ng entrance ng service area, dinadaanan lang siya ng mga tao, tapos umiiyak.
Nagbubulungan ang isang grupo na kumakain sa isang malayong lamesa, "May lumapit na lalake sa kanya tapos sinabihang hindi raw masarap ang pagkaing niluluto nila."
"Masama ang loob niya e totoo naman," bulong naman ng isa. "Ayan ang mahirap: ambaba na nga ng pasahod sa atin, kakain pa tayo ng hindi masarap. Sana, kahit doon man lang sila bumawi sa atin kasi puro tayo hataw sa trabaho. Nakakapagod na nga, hindi pa malunok ang pagkain. Nakakasawa na, sa totoo lang."
"Bakit kasi hindi pa kayo nasanay na ningas-kugon lang sila tuwing pasko, bagong taon, at company anniversary?" sabay halakhak ng isa pa.
"Girl, hindi rin naman masarap ang pa-free meal nila noong company anniversary," puna ng isa. "Baka nakalimutan mo, halos umapaw ang malaking drum sa rami ng mga tinapong pagkain na hindi man lang inubos."
"Kaya nga, eh. Sayang mga pagkain sa kanila. Sarap ireklamo sa HRA."
"Gaga! Marami na ngang nagreklamo sa HRA laban sa kanila. Ang kaso, kadikit pa ng may-ari ng catering ang nasa HRA kaya wala kayong laban at ang tsismis, nag-renew pa sila ng limang taon dito."
"Edi, makakakurakot na naman sila ng limang taon niyan? Tindi, ah."
"Limang taong hindi kakain nang masarap na pagkain ng canteen!"
Titignan nila uli ang matandang babae, naroon pa rin, umiiyak. Maya't maya pa rin siyang tinitignan ng mga tao. Makakarinig siya ng mga 'totoo naman' at 'bakit kasi hindi pa sila magsara' kaya bago pa siya mag-breakdown, bumalik na siya sa loob ng service area.
"Mukha naman siyang donya at yayamanin sa mga alahas niya. Mukhang masasarap din naman ang kinakain niya pero ni hindi man lang nagrereflect sa mga hinahain nila. Trabahador tayo rito pero mukhang mas masarap pa ang kinakain ng mga bilanggo."
At nagwakas ang usapan nang sabihin ng isa na "Palibhasa, DDS!"
Makaraan ang dalawang araw, naging usap-usapan ang biglaang pagkamatay ng nagreklamong lalake. Ang sanhi: food poisoning. Hindi nila sinabi kung saan niya ito nakain. Ayon naman sa mga bulung-bulungan, sa canteen niya raw ito nakuha at ang may pakana nito ay ang head ng catering.
Masama ang magbintang pero mukhang iyon ang pagkakaintindi ng lahat kahit walang magsalita.
Mula noon, wala na ni isa sa kanila ang nagrereklamo kahit pa may halong langaw o ipis ang pagkaing binibili ng mga tao sa canteen. Natatakot ang lahat na baka may gawing hindi maganda ang head ng canteen sakaling magreklamo sila.
Parang Pilipinas lang—patatahimikin ka kapag 'against' ka sa diktador na administrasyon.
Comments
Post a Comment