Matinis

"Napakarami ko nang ikinuwento! Hindi ko alam kung may kasama pa ba ako rito o wala, eh!"

Pinagtinginan kami ng mga tao mula sa ibang table. Matinis ang boses niya kaya dinig ito ng mga nasa paligid namin. Hindi na siya nakapagtimpi pa ng pagkairita.

Gaya ng lagi, hindi ako okay. Pagod ako sa lahat—sa trabaho, sa bahay, sa sarili. Napakarami kong iniisip kaya, malamang, maiintindihan din ako ng ibang tao na nasa kaparehong lagay na gusto lang umupo at magmulala lang, nakatingin sa kawalan, magpapalipas ng oras hanggang mawalan ng pagod. Pero...

"Kanina pa kita napapansing panay ang tingin mo sa likod, ano bang meron?!" nanggigigil na siya sa akin.

Lilingon nga ako sa likuran ko. Makikita ko ang tatlong batang babae na masayang naglalaro sa play area. Sigaw sila nang sigaw. Matitinis ang boses nila. Nakakarindi. Masakit sa tainga. Nakakairita. Kanina pa sila ganyan.

Sila ang dahilan kung bakit hindi ko maintindihan ang mga ikinukuwento't sinasabi ng kasama ko. Hindi ko maintindihan dahil sa ingay ng mga bata. Siguro, tatlong metro lang ang lapit namin sa kanila.

Eh, bakit nga naman kasi kami pumuwesto malapit sa play area?

Sabi niya, Para mayroon tayong privacy. Ayokong nasa gitna tayo ng maraming tao sa restaurant na ito. Mas maganda rito sa sulok.

Magsasalita na sana ako nang magbatuhan ng tsinelas ang mga bata. Nag-aaway na sila sa play area dahil, ang dinig ko, itinulak ng isang kasama ang kalaro sa pool of play balls.

At ang tsinelas ng bata, yung tumama sa binti ng kasama ko, tumalsik sa paa ko.

"Saan ba galing ang tsinelas na 'yan?!" reklamo ng kasama ko matapos itong tumama sa binti niya.

Pinulot ko na lang ang tsinelas saka binigay sa batang nakatayo sa entrance ng play area.

Galit sa akin ng mga sandaling iyon ang kasama ko pero, "Sandali, kanino mo ibibigay ang tsinelas? E, wala namang bata dyan?"

Comments