2 Valid ID
Initially, any individual who wish to obtain a valid government ID to any government agency here in the Philippines requires 2 valid government issued ID.
***
So, kailangan ko ng UMID card para magbukas ng isang bank account. Iyon ang isa sa mga una kong nakitang inirerequire nila. Ang sabi sa akin, iyon lang daw ang madaling gawin. Kailangan nga lang ng request para magawa iyon. Pinili kong lakarin ang UMID card dahil puwede siya sa lahat.
Pahirapan ang pagpaalam ko noon sa trabaho kasi, syempre, under ng government ang SSS, nakabukas lang ang opisina nila ng 08:00 to 17:00, sa kaparehong oras ng trabaho ko mula Lunes hanggang Sabado. Ayokong mag-absent pero pinayagan ako kinalaunan.
Pagdating ko sa SSS, ang sabi, hindi na raw sila nagbibigay ng UMID card. Nabigla ako, nagtaka. Ang sabi kasi ng kakilala ko, ibinalik na raw nila ang pagbibigay ng UMID card makalipas ang higit isang taon. Hinintay ko iyon. Isang buong taon. Wala lang din naman pala sa huli.
Di bale, may option pa: postal ID. Malapit lang naman ang opisina ng Post Office sa SSS kaya nilakad ko na. Pero, ganoon din pala. Para lang nag-usap ang SSS at Post Office: hindi na rin daw nagbibigay ng postal ID ang Post Office. At pareho lang din pala ang sagot nila sa tanong ko kung bakit: hindi. raw. nila. alam.
Meron pa? Meron pa.
Nakakuha ako ng PhilHealth. Madali lang pero mahaba nga lang ang pila. Tapos nakakuha rin ako ng BIR/TIN ID pero sa Bulacan ko pa nakuha. O, edi dalawa na. May valid government issued ID na ako. Mayabang na ako!
Pero ang sabi, hindi pa rin daw valid ang dalawang ID na meron ako! Umakyat ang dugo ko sa ulo ko at uminit sa inis at dismaya.
Paano na niyan?
Hindi ako nakapag-apply sa tinutukoy kong bangko. Nasa Pilipinas pa rin naman sila pero bakit hindi man lang sila mag-adjust?
Hindi pa ako nakapag-renew ng driver's license ko sa LTO. Hindi pa ako nag take ng licensure sa PRC. Hindi naman daw valid ang mga card na meron ang PAG-IBIG. Yung national ID ko, wala pa rin sa akin hanggang sa mga sandaling isinusulat ko ito. Meron man, naka-papel tapos nasa eGov App pero, wala pa rin, hindi pa rin daw tinatanggap iyon kasi hindi naman iyon card.
Oo nga naman: papel at card. Malaki ang pagkakaiba ng dalawa.
Voter's ID? May ganoon ba? E, stub lang talaga ang binigay sa akin ng COMELEC.
Passport? HINAHANAPAN AKO NG DALAWANG VALID GOVERMENT ISSUED ID! (Sayang lang yung binayad ko sa DFA at isang araw ko na absent). Mahirap kumuha ng passport, pero nakakainis lang na may mababalitaan tayong madaling nakakuha ng Pilippine passport ang mga kriminal na Instik sa Davao na ilegal na naninirahan dito sa bansa.
Inuulit ko: Initially, any individual who wish to obtain a valid government ID to any government agency here in the Philippines requires 2 valid government issued ID. Mapapaisip ka: paano sila nakakuha ng Philippine passport? Ambilis naman nilang maging Pilipino. Puwede rin ba ako magpagawa ng passport sa Davao?
Pero alinman sa nabanggit, saan ako lulugar?
***
Ayon sa sabi-sabi ng mga nasa tabi-tabi, kailangan daw nilang i-acknowledge ang paper version ng National ID kung wala ang actual card. Isa rin yata sa mga nagsabi nito ang PSA.
Really.
Kung hindi, puwede raw silang irekalamo at magmulta kung hindi nila ito tatanggapin.
Hindi ako sure dahil mukhang hindi pa rin naman yata katiwa-tiwala ang paper version ng remarkable ID ayon sa isang eWallet. Hindi ito tinanggap nang mag-apply ako sa kanila thru app kahit pa meron namang reference number at QR code para ma-verify nila kung anong uri akong nilalang. Kung bakit hindi pa rin nila ito tinatanggap kahit pa gobyerno na mismo ang nagsabi, e hindi ko alam. Kuwento nila yun.
May budget naman yata ang gobyerno para sa mga card version ng national ID pero bakit wala pa rin hanggang ngayon? Nauna pa ang shipment ng inorder ko online pero ang national ID e aabutin pa yata ng dekada. O worst, baka totoong wala talaga tayong hihintayin. Saksak na lang nila sa baga nila.
Nagbiro pa nga si Jet Saborga na baka oo nga, itatanim pa lang ang puno na gagawing papel para sa national ID niya. O baka dumating na lang ito pagkakuha niya ng senior citizen ID nila.
Pilipino ako. Pero ang hirap patunayang Pilipino ako sa mga government agency natin dahil sa requirement nila na 2 valid government issued ID.
Comments
Post a Comment