Pass Muna sa Utang

Hindi ako madamot. Hindi rin naman ako nagdadamot. Alam ko ang pakiramdam ng wala, at alam ko rin ang pakiramdam ng hindi mapagbigyan ng tulong dahil walang-wala.

***

Sa kauna-unahang pagkakataon, iyon na ang nasabi ko sa isang kakilala na nanghihiram sa akin ng tulong: "Hindi."

Lubog na siya sa iba pa niyang pinagkakautangan, kaya ang solusyon na ginawa niya e putulin na lang ang lahat ng contact niya sa mga ito para hindi na siya singilin: i-block sa messenger, magpalit ng phone number, at umiwas sa madalas nilang dinaraanan para hindi magkasalubungan.

Wala siyang pambayad, eh. Anong magagawa natin?

Pakiramdam ko, ako na lang ang mag-isang tumutulong sa kanya ng ganito sa kabila ng ganoon niyang ugali. Ang dahilan ko na lang, iyon nga, na alam ko ang pakiramdam ng wala at alam ko rin ang pakiramdam ng hindi mapagbigyan ng tulong dahil walang-wala. Alam ko, dahil naranasan ko iyon mismo sa tatay namin.

Balik sa kakilala ko: pinagbibigyan ko pa siya ng kailangan niya kahit pa alam kong hindi niya rin ibabalik pa ang mga ibinigay ko. Desperada na siya. Wala na siyang malapitang iba dahil galit na ang iba sa kanya. At, nakakapagtaka lang, nangungutang siya pero may trabaho pa siya sa lagay na 'yan.

Wala, eh. Kaibigan ko. Sayang naman ang pinagsamahan.

Ang sabi niya, hindi raw sumasapat ang perang naiiwan sa account niyang naka-sangla, kaya nagigipit pa rin siya kahit anong kayod niya (ibang usapan na kung bakit naka-sangla ang account niya). Sabi ko, pagtiisan na lang niya muna ang ganoong set-up para matapos na ang problema niya sa pera (hindi ko na lang sinabi ang dahilang para hindi na rin siya hiram nang hiram sa akin). At, bilang kaibigan, dumating din sa punto na tinuruan ko siyang mag-manage ng allowance bago gamitin pero wala talaga.

So, ang ending, parang tinanggap ko na lang din na pamihasain siyang manghiram nang manghiram sa akin. Hindi man ganoon kalakihan pero kung susumahin ang lahat e malaki-laki na rin. Hindi rin dapat ganoon lagi.

***

Huwag mag-resign. Iyon din ang sabi ng iba sa kanya dahil iyon na lang ang magsasalba sa problema niya sa pera. Kumbaga, isang bala na lang ang meron siya para iputok.

Pero...ibang putok ang nangyari: siya mismo ang pinutukan.

Nabuntis. Nag-leave. Pinakiusapan nang masinsinan na huwag munang mag-resign pero may resignation letter na nang magbalik matapos maka-recover sa panganganak. Tikom-bibig kaming lahat na 'concern' lang sa kanya sa desisyon niyang iyon. Wala na kaming narinig na balita tungkol sa kanya.

***

Sabi ko nga, hindi ako madamot. Hindi rin naman ako nagdadamot. Alam ko ang pakiramdam ng wala, at alam ko rin ang pakiramdam ng hindi mapagbigyan ng tulong dahil walang-wala, pero—

"Hindi."

Makalipas nga ang ilang buwan, nag-chat siya sa akin. Nangungumusta, sabay banat ng pangungutang, yung casual lang. Mabilis lang, sakaling mabilis ding makakahiram ng pera, na mabilisan ko lang ding sinabing 'hindi.'

Ano iyon, mangungumusta lang, may pera agad? Easy money? Easy rin bang magbayad kung dumating kami sa oras ng singilan? May pinatago siya?

Ipinaliwanag ko sa kanya nang maayos kung bakit, kahit hindi dapat ako nagsasabi at kahit hindi ko naman talaga ugali ang magpaliwanag: natambakan ako ng dalawang buwang utility bills, kailangan na uli ng kapatid ko ng allowance para sa school, magbayad ng lumalaking utang, at mag-budget para sa hindi-ko-na-sinabing dahilan. Hindi ko na rin binanggit sa kanya ang ilang expenses sa bahay dahil ayokong humaba ang usapan. Hindi ako nagbigay kahit may nakatago ako dahil nakalaan iyon sa allowance ng kapatid ko.

Binalikan ko ang mga napag-usapan namin sa chat. Napansin ko, puro na lang pala pangungutang niya sa akin ang laman ng chat naming dalawa nang mag-read back ako. Naumay ako saka nagsara ng chat.

Totoo, nakakawasa rin pala siya.

***

Sumagot ako ng 'hindi' para sa sarili ko. Aaminin ko: bagsak ako sa aspeto ng financial, ayoko lang sabihin sa pamilya ko.

Sa akin umaasa si mama saka ang kapatid kong nag-aaral pa. May sapat na sahod na laging pinababagsak ng mga gastusing sobrang taas ng halaga kahit hindi naman dapat. May naitatabi pero hindi sumasapat sa oras ng kagipitan. Atleast, sa ganitong paraan, hindi ako dumepende sa iba. Hindi ako lumapit sa iba. Hindi ako nangutang sa iba. Di bale nang maliit o malaki, ang mahalaga, meron at galing sa sarili kong savings.

Kasi, diba, ganoon naman dapat. Pagdating sa aspeto ng pera, hindi dapat pinapatid ang pagtatabi tuwing darating ang sahod dahil, gaya ng mga nangyari sa akin nitong nakaraan, e may nahuhugot ako na hindi dumedepende sa tulong ng ibang tao. Ayokong makulong sa ideya ng toxic Filipino practice called utang na loob.

Natuto na rin akong tumanggi dahil, paano kung dumating ang araw na ako naman ang mangailangan? Yung mga umutang sa akin, willing din ba sila na tulungan din ako gaya ng pagtulong ko sa kanila? Syempre, hindi. Hindi ka nila kilala kapag ikaw ang mangailangan pero kilalang-kilala ka nila kapag sila naman ang mangailangan.

Aaminin ko: na-bad trip ako sa taong tinutukoy ko rito. Wala naman siyang mga chat sa ngayon pero ayoko muna siyang makausap. Wala naman siyang sama ng loob sa akin pero sana, guminhawa na ang buhay niya para hindi siya utang nang utang. Ayoko naman na may masisirang magandang samahan nang dahil lang sa pera.

Comments